CHAPTER FIVE
Safe
Tumaas ang kilay ni Antreas nang makita si Caius sa sala. Sabay kaming bumaba nang hagdan.
Ngumisi si Caius nang makita ang reaksyon nang kapatid ko. Niyakap ko siya.
"Sama ako sa school. Pwede naman siguro outsiders." Aniya.
Narinig ko nanaman ang asik ni Antreas. Nakita ko siyang inirapan nang matindi si Caius. Kaya kinurot ko siya sa kanyang tagiliran niya.
"Ahh! Aray! Aray aray Ads!" Sigaw niya habang lumalayo sakin.
"Tigil tigilan mo na nga si Caius! Wala naman siyang ginagawa sayo!" Kumunot ang noo ni Antreas.
Natawa na lang si Caius. Sanay na sanay na siya sa ugaling barumbado ni Antreas.
"Hayaan mo na. If i know, sakin niya lang binubunton ang galit niya sa kapatid ko." Nakangising pahayag niya.
Umiling ako. "Bakit ba kasi sila nagbreak? Hanggang ngayon ay hindi ko alam ang rason..."
Ngumiti lang sakin si Caius. Dumiretso na kami sa sasasakyan at naghihintay na si Antreas doon.
Pinagbukasan niya ako nang pinto. Nang maisara niya ay nakita kong nakipag-usap pa siya kay Caius. Patingin tingin si Caius sakin kahit na alam kong hindi niya ako kita dahil tinted. Seryoso ang mga mukha nila at bubuksan ko na ang bintana para sitahin sila ngunit naglakad na si Antreas papasok sa driver's seat.
Nakatingin ako sa kanya nang sumakay siya.
"Antreas. Wag mo nang pagbuntunan si Caius nang galit mo. Don't be so rude." Sabi ko habang nagsisimula na niyang paandarin ang kotse.
"Hindi ko siya pinagbubuntunan..." Mahinahong sabi niya. Nilalakbay na niya ang daan papunta sa school namin.
"Talaga lang ah?"
"Oo nga."
"Sa kanya ka sumama mamaya. Hihintayin ka niya sa break mo." Dugtong niya pa. Tumaas ang kilay ko. Kanina lang ay halatang inis na inis siya kay Caius tapos... Topakin talaga.
Nang nakarating na kami ay lumabas na kaming pareho. Lumabas na rin si Caius nang kanyang sasakyan.
Lalapit na sana ako sa kanya, nang marinig ko ang pamilyar na tunog nang motor. Natigilan ako at napatitig kay Crest mula sa kanyang pagpasok sa parking lot hanggang sa pagpapark niya ng motor sa harap nang sasakyan ni Caius.
Namatay ang ugong ng motor at saka siya tumayo sa gilid ng motor at tinanggal niya ang kanyang helmet. Halos napatalon ako nang sa akin siya nakatingin habang inaalis yun, or... Sa akin nga ba? Naramdaman ko ang pagbigat nang balikat ko. Nang tumingin ako kung sino yun ay si Caius ang tumambad sa akin. Diretso ang tingin niya kay Crest.
Humarang sa harapan ko si Antreas dahilan para hindi ko makita si Crest dahil sa tangkad niya, hinawakan ni Antreas ang kamay ko.
"Let's go."
Hila hila niya ako sa paglalakad, ngunit kahit ganon ay sinikap ko pa ring hanapin si Crest sa kabila nang malalaking katawan nila Caius, nang matagpuan siya ng mata ko ay nakita kong sa akin din siya nakatingin. Para bang alam niyang titingnan ko siya. Hawak niya pa rin ang helmet niya habang sinusundan kami nang tingin.
"Do you guys know him?" Kunot noo kong tanong.
Dahil nakapirmi pa rin ang kamay ni Caius sa aking balikat ay naramdaman ko ang pag ka stiff niya sandali. Ngunit kay Antreas lang ako nakatingin. Hindi nagbago ang reaksyon niya.