Kabatana 24

224 52 16
                                    

"Mabuti naman naisipan ninyong mag-asawa na pumunta rito sa Pilipinas."

Nakaupo si Ethan sa sofa habang si Lucy at ang biyenan niya ay nasa sofa sa harapan niya. Ilang minuto na ang mga itong nag-uusap ngunit siya ay pinili niyang manahimik. Nagsasalita lang siya kapag tinatanong siya ng biyenan niya.

Naramdaman ni Ethan ang kasabikan ng mag-ina para sa isa't isa lalo pa at matagal na ring hindi nakapunta si Lucy sa Pilipinas. Ang mga biyenan naman niya ay bilang lang sa kaniyang mga daliri ang pagpunta ng mga ito sa kanila. Habang abala ang mag-ina sa pag-uusap, ang anak naman niyang si Thancy at biyenan na lalaki ay naglalaro sa labas ng bahay.

"Hanggang kailan kayo rito?"

"Isang linggo lang po ang bakasyon namin nila Ethan."

"Paano ang mama mo roon, Ethan?"

Sinulyapan ni Ethan ang biyenan niya at bahagya siyang ngumiti. "Nandoon naman daw po ang mga kapatid niya."

Pagtango ang naging tugon ng biyenan ni Ethan. "Maiwan ko muna kayo. Maghahanda lang ako ng meryenda."

Tumayo si Ethan at lumapit siya sa bintana upang tanawin ang kaniyang anak. Tahimik niyang pinanonood mula sa ikalawang palapag ang anak niya habang nilalaro ito ng kaniyang biyenan. Bahagya siyang napangiti ngunit sa likod niyon ay may lungkot siyang nararamdaman. Nalulungkot siya dahil hindi nakita ng kaniyang ama ang una nitong apo. Sana ay gaya ng kaniyang biyenan, nilalaro rin nito ang anak niya.

Iginala ni Ethan ang tingin niya sa paligid. Gustuhin man niyang maglakad-lakad sa labas ngunit hindi siya pamilyar sa lugar dahil lumipat na sila Lucy sa lugar na malayo sa dati nitong tinitirhan.

Naramdaman ni Ethan ang mahigpit na pagyakap sa kaniyang likuran. Bahagya siyang bumuntong-hininga at hinawakan niya ang mga bisig ni Lucy na nasa kaniyang beywang.

"Na-miss mo ang Pilipinas 'no?"

Naidako ni Ethan ang tingin niya sa kaulapan at matamis siyang ngumiti. Tama ang sinabi ng kaniyang asawa. Ang huling punta niya sa Pilipinas ay ang araw ng puntahan niya si Lucy upang sabihin dito na handa siyang panagutan ito. Hindi na siya bumalik pa dahil wala rin naman siyang pupuntahan lalo pa at kasama niya ang kaniyang mag-ina. May mga araw na gustong pumunta ni Ethan sa Pilipinas at dahil iyon kay Sarah ngunit pinilit niyang labanan ang pangungulila sa paraan na pagiging abala niya sa trabaho. Kalaunan din ay napagtagumpayan niya iyon.

Narinig ni Ethan ang pagtunog ng telepono ni Lucy. Ipinagpasalamat niya iyon dahil hindi niya alam kung sasagutin ba niya ang tanong ng kaniyang asawa. Kumalas si Lucy sa pagkakayakap nito sa kaniya. Hindi niya ito nilingon bagkus ay itinuon lang niya ang tingin sa kaulapan.

Kusang gumuhit ang ngiti sa labi ni Ethan nang may maalala siya at iyon ay si Sarah. Kahit pa maraming taon na ang lumipas ay hindi pa rin ito nawawala sa kaniyang puso. Mahal niya ang pamilya niya ngunit tila nakaukit na ang pangalan ni Sarah sa kaniyang puso kaya hindi niya alam kung magagawa pa ba niyang alisin ito. Kahit na may pamilya siya ay tila hindi niya kayang bitiwan si Sarah. Umaasa pa rin siyang magkikita at makakapag-usap sila nito.

Palaging hinihiling ni Ethan na sana ay magtagpong muli ang landas nila ni Sarah dahil hindi pa rin niya pinuputol ang relasyon niya rito. Gusto niyang tapusin iyon kapag magkaharap na sila ni Sarah upang marinig niya ang panig nito. Hindi rin niya maitatanggi na bibitiwan lamang niya ito kapag nalaman niyang wala na itong nararamdamang pagmamahal sa kaniya.

32 in CalendarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon