Kabanata 59

162 33 1
                                    

"Happy first anniversary, Sarah." Matamis na ngumiti si Ethan at sandali niyang pinagmasdan ang maamo at magandang mukha ni Sarah na akala niya ay hindi na niya muling makikita. Akala niya ay hindi na muli niya makakasama si Sarah ngunit kaharap niya ito. Magkaharap silang nakaupo sa harapan ng mesa habang nasa ilalim sila ng punong naging saksi sa nakaraan nila.

Akala ni Ethan ay sa alaala na lang niya makakasama si Sarah kaya labis ang pasasalamat niya dahil dininig ang panalangin niya. Ang akala niyang imposibleng mangyari ay nangyari. Labis pa rin ang pasasalamat niya dahil kahit kaunting oras lang ibinigay sa kaniya ay makakasama pa rin niya si Sarah.

Napawi ang ngiti ni Ethan nang tangayin ng malakas na hangin ang litratong nasa harapan niya. Ibinaling niya ang tingin niya sa litratong nasa damuhan at nakita niya roon ang napakatamis na ngiti ni Sarah. Nakaramdam siya ng lungkot dahilan upang magbadya ang pagbagsak ng kaniyang luha.

Sinikap ni Ethan na hindi tuluyang bumagsak ang luha sa kaniyang mga mata dahil nais niyang maging masaya. Nais niyang kalimutan ang kalungkutan na naghihintay sa kaniya at nais muna niyang takasan ang reyalidad. Hindi niya gustong masira ang araw na alam niyang dapat siyang maging masaya. Nais niyang alisin ang lungkot sa kaniyang puso at balutin iyon ng kasiyahan.

"May problema ba, Ethan?"

Ibinaling ni Ethan ang tingin niya sa harapan niya at muli siyang napangiti nang muling makita ang magandang mukha ni Sarah. Hinawakan niya ang kamay nitong nakapatong sa ibabaw ng mesa at masuyo niya iyong hinagkan. "Wala, Sarah."

Ang hiling ni Ethan na magkaroon ng tatlumpu't dalawa sa kalendaryo ay hindi niya akalaing matutupad. Hindi siya makapaniwala dahil batid niyang imposible iyon ngunit napagtanto niya na ang imposible ay maaring maging posible kung sasamahan ng pagdarasal.

Labis ang pasasalamat ni Ethan dahil hindi lang niya muling nakasama si Sarah, naipagdiwang pa nila ng kaniyang asawa ang una nilang anibersaryo kahit pa ilang taon na ang nakalipas nang naging magkasintahan sila. Batid niyang maikling panahon lang ang isang araw ngunit susulitin niya ang bawat segundo, minuto at oras para makalikha muli ng magagandang alaala kasama si Sarah.

"Gusto kong sumayaw, Ethan. Tapos na rin naman tayong mag-almusal."

Pinagmasdan ni Ethan si Sarah dahil nakita niya sa mukha nito ang kagustuhang sumayaw. Bumuntong-hininga siya at ngumiti. "Kaya mo ba? Baka mahilo ka."

Napangiti si Sarah at tumayo ito mula sa pagkakaupo. "Bakit naman ako mahihilo, Ethan? Wala naman akong sakit."

Ilang sandaling natahimik si Ethan dahil labis siyang nagtaka sa sinabi ni Sarah. Hindi niya alam kung bakit tila wala itong sakit lalo pa at nakikita niya itong masigla at masaya.

"Isasayaw mo ba ako o hindi?" nakangiting tanong ni Sarah at lumapit ito kay Ethan. "Maitanong ko lang, parang may gamot sa dala mong bag. Para kanino iyon, Ethan?"

Tumayo si Ethan at mahigpit niyang niyakap si Sarah. Ilang sandali pa ay hindi na niya napigilang mapaiyak dahil napakasaya niya lalo na at may nabuo nang konklusyon sa kaniyang isipan kung bakit ibang-iba ang ipinapakita sa kaniya ni Sarah. Kung tama ang kaniyang kutob, labis siyang nagpapasalamat dahil batid niyang masusulit nila ng kaniyang asawa ang isang araw na ibinigay sa kanila.

Kumalas si Ethan mula sa pagkakayakap niya kay Sarah at hinarap niya ito. "Wala ka talagang nararamdamang kahit ano, Sarah?"

"Alam mo, nagtataka na ako sa iyo. Wala akong sakit, Ethan." Napawi ang ngiti sa labi ni Sarah at tinitigan nito sa mga mata si Ethan. "H-Hindi kaya sa iyo ang gamot na nakita ko, Ethan. U-Umamin ka nga sa akin, m-may sakit ka ba?"

Muling niyakap ni Ethan nang mahigpit si Sarah at masuyo niyang hinaplos ang likuran nito. "Hindi gamot ang nakita mo kundi vitamin."

Ang gamot na nasa bag ni Ethan ay para kay Sarah. Dinala niya iyon para kung umatake man ang sakit ng kaniyang asawa habang nasa bakanteng lote sila ay mapapainom niya ito ng gamot. Kung alam lang niyang kalakip ng isang araw na ibinigay sa kaniya para makasama pa si Sarah na may pagbabago sa kaniyang asawa, hindi na niya dinala ang gamot. Nagpapasalamat siya dahil maaring inalis sa alaala ng kaniyang asawa na may malubha itong sakit.

32 in CalendarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon