Kabanata 43

176 35 0
                                    

"No trespassing," pagbasa ni Sarah sa karatulang nakapaskil sa pinto papasok sa loob ng bakanteng lote. Nakapinta ang lungkot sa kaniyang mukha at ang luhang unti-unting naiipon sa kaniyang mga mata ay maaring bumagsak anumang oras.

Gusto mang tanawin ni Sarah ang bakanteng lote kahit sa labas ngunit hindi niya ito makita dahil pader ang nagsisilbing harang at ang pinto niyon ay gawa naman sa bakal. Noon ay natatanaw pa nila ang bakanteng lote sa labas dahil kawayan pa lang ang nagsisilbing harang at pinto. Dahil sa nalaman ng tunay na may-ari niyon na may pumapasok sa loob ng lupain na pagmamay-ari ng pamilya nito, ipinaayos nito ang harang at dalawang linggo ang itinagal ng pagpapaayos.

"Hayaan mo, makakapasok ulit tayo riyan, Sarah."

Hindi na nilingon ni Sarah si Ethan bagkus ay pinilit niyang iangat ang kaniyang tingin kahit nahihirapan siya upang makita niya kung gaano kataas ang bakod. Sa pakiwari niya ay may taas iyon na dalawang palapag na bahay.

Bumuntong-hininga si Sarah at muli niyang ibinalik ang tingin niya sa karatula. "Nakalulungkot dahil naging mahalaga na ang lugar na ito sa atin. Parang sa isang iglap lang, mawawala ang lahat ng mga alaala natin."

"Gaya ng sinabi ko sa iyo noon, gagawa ako ng paraan para makapasok ulit tayo riyan."

Nilingon ni Sarah si Ethan at hindi man niya gustong ipakita sa kaniyang nobyo ang lungkot na nararamdaman niya ay kusa iyong puminta sa kaniyang mukha. "Sinabi sa akin ni Lucy na hindi na raw niya matawagan ang number ng may-ari ng bakanteng lote. Talaga nga hindi na natin mababago ang isip niya." Bumuntong-hininga si Sarah at sandali niyang tinitigan si Ethan. "Siguro nga, dapat nating respetuhin ang desisyon niya. Hindi natin siya masisisi dahil gusto niyang alagaan ang mga alaala ng mga magulang niya sa bakanteng lote o sa Land of Memories."

Ngumiti si Ethan at niyakap nito si Sarah. "Tara na, may pupuntahan tayo."

Napangiti si Sarah nang tumigil ang sasakyan ni Ethan sa harap ng malaking bahay. Sinulyapan niya ang kaniyang nobyo na nakangiti sa kaniya at batid niyang iisa lang ang tumatakbo sa kanilang isipan.

"Naalala mo pa ba 'yon, Sarah?"

Tumango si Sarah at muli niyang ibinaling ang tingin sa malaking bahay. "Muntikan pa nga akong maabutan ng may-ari niyan dahil nadapa ako. Mabuti na lang nakatayo agad ako." Nakangiting sinulyapan ni Sarah si Ethan. "Inis na inis sa atin ang may-ari nito dahil palagi nating pinipindot ang door bell nila."

Ngumiti si Ethan at hinawakan nito ang kamay ni Sarah. "Akala ko, hindi muna naalala iyon."

"Paanong hindi ko iyon maaalala, sa tuwing nakikita ko ang peklat ko sa tuhod, iyon agad ang naaalala ko." Napatingin si Sarah kay Ethan nang idampi nito ang palad sa kaniyang pisngi. Nakatitig lang siya sa nangungusap nitong mga mata habang habang nakaguhit ang matamis na ngiti sa labi nito. "B-Bakit?"

"Kinukumpara ko lang ang itsura mo noon at ngayon. Mas gumanda ka dahil noon, sipunin ka pa."

Inalis ni Sarah ang palad ni Ethan sa kaniyang pisngi at inirapan niya ito. "Sino bang bata ang hindi sipunin? Ikaw nga, medyo payat ka noong bata ka." Muling sinulyapan ni Sarah si Ethan at makahulugan siyang ngumiti nang may maalala siya. "Naaalala ko pa nga noong tinuli ka. Hindi ka lumabas ng mahigit isang linggo kasi sabi ni tita Carmi, nahihiya ka raw sa akin."

Ngumiti si Ethan tanda na naalala nito ang sinabi ni Sarah. Lumapad ang ngiti nito at kalakip niyon ay tila pang-aasar. "May naalala rin ako. Nasa bakanteng lote tayo noon at tinanong ko sa iyo kung bakit may dugo ang likod ng short mo. Alam mo kung anong ginawa mo? Tumakbo ka pauwi sa inyo habang umiiyak."

Tanging pagngiti ang nagawa ni Sarah dahil naalala rin niya iyon at ibinaling niya ang tingin sa unahan. Ang araw na iyon ay ang araw na una siyang dinatnan sa edad niyang siyam na taon. Natatandaan din niya na nag-iiiyak siya sa harapan ng kaniyang mga magulang dahil sa takot na maaring natusok siya nang hindi niya namalayan.

Binilinan si Sarah ng kaniyang ina na huwag nang makipaglaro kay Ethan at kay Aaron dahil nagdadalaga na siya ngunit hindi niya ito pinakinggan. Patuloy pa rin siyang nakipaglaro sa kaniyang mga kaibigan. Minsan pa nga ay tinatakot siya ni Ethan na maari siyang maubusan ng dugo sa tuwing dinadatnan siya dahilan upang makaramdam siya ng takot. Mabuti na lang ay ipinaliliwanag sa kaniya ng kaniyang ina kung bakit siya dinadatnan.

Napawi ang ngiti ni Sarah nang makaramdam siya ng lungkot. Natatakot siya na maaring maikling panahon na lang ang natitira sa kaniyang buhay. Natatakot siya na hindi na muli niya makakasama si Ethan at iiwanan niya itong binabalot ng lungkot. Marami pa siyang nais gawin kasama ang lalaking pinangarap niyang maging asawa. Pupunan pa nila ang napakaraming panahon na nagkahiwalay siya.

"May problema ba, Sarah?"

Ibinaling ni Sarah ang tingin niya kay Ethan at sandali niya itong tinitigan. "Ethan... mangako ka sa akin na kung mawala man ako... pipilitin mong maging masaya."

"Sarah..."

"Mangako ka sa akin, Ethan." Kinagat ni Sarah ang ibabang labi niya upang pigilin ang kaniyang pag-iyak. Hindi na niya iyon na pigilan nang yakapin siya ni Ethan. "Ayokong mabuhay ka sa lungkot, Ethan. Hindi ako magiging masaya kung nasaan man ako kapag makikita kitang malungkot."

"Sarah, gagaling ka," pigil ang pag-iyak na tugon ni Ethan. "Hindi ka mawawala."

"Huwag tayong magpakasiguro, Ethan. Ngayon pa lang... sinasabihan na kita para kung dumating man ang araw na mamatay ako, makakaya mo na."

"Gagawa tayo ng paraan para gumaling ka. Hindi ba magsasama pa tayo nang matagal? Maraming taon tayong hindi nagkasama kaya kailangan mapunan natin iyon."

Kumalas si Sarah sa pagkakayakap ni Ethan at humarap siya rito. Pinilit niyang hinawakan ang magkabila nitong pisngi. "Hindi man tayo magkakasama nang matagal, ang mahalaga, mamamatay ako na may ngiti pa rin sa labi ko dahil hindi hinayaan ng Diyos na mawala ako nang hindi ko man lang muling nakita o nakasama ang lalaking minahal ko nang wagas. Sinabi ko noon na kapag nagkita ulit tayo, matatanggap ko nang mamatay ako pero higit pa roon ang ibinigay niya. Binigyan pa tayo ng Diyos para tuparin ang mga pangarap natin."

"Sarah..."

"Mangako ka sa akin, Ethan."

Bumagsak ang luha sa mga mata ni Ethan at pinilit nitong ikinalma ang sarili. "N-Nangangako ako."

"Maganda rin dito, Ethan," nakangiting turan ni Sarah. Magkayakap sila ni Ethan habang nakaupo sa dalampasigan at nakatingin sa papalubog na araw.

"Okay lang sa iyo na ito ang ipalit natin sa bakanteng-lote, Sarah?"

Agad na sinulyapan ni Sarah si Ethan na nakatuon ang tingin sa unahan. "Bakanteng lote ang pinakapaborito kong lugar, Ethan."

"Maganda rin naman dito, Sarah."

Bumuntong-hininga si Sarah at ibinalik muli niyang ang tingin sa papalubog na araw. "Sa panahon ngayon, kung anong magandang lugar, iyon ang magiging paborito nila. Hindi lang dapat puro ganda dahil ako, kahit hindi maganda ang lugar basta naging bahagi ng magagandang mga alaala ng nakaraan ko, magiging paborito ko."

Ilang sandali ring natahimik si Ethan bago ito tumugon kay Sarah. "Paano kung hindi na talaga pumayag ang may-ari ng bakanteng lote na buksan iyon, Sarah?"

Hindi nakasagot si Sarah dahil hindi niya alam kung ano ang itutugon niya kay Ethan. Naging bahagi na ng kabanata ng kaniyang buhay ang bakanteng lote kaya mahirap sa kaniya na mawala ito. Ang lugar na iyon ang naging saksi kung paano siya naging masaya at ang lugar na rin na iyon ang nakasaksi kung paano siya binalot ng lungkot nang magkahiwalay sila ni Ethan.

"Ano, Sarah?"

Bumuntong-hininga si Sarah at sinulyapan niya si Ethan. "Kung hindi na talaga tayo makapapasok sa bakanteng lote, tanggapin natin. Ang sa akin lang, huwag sanang alisin ang mga alaalang nandoon." Piniling magsinungaling ni Sarah kay Ethan kahit labag iyon sa kaniya. Batid niyang handang gawin ng kaniyang nobyo ang lahat upang makapasok muli sa bakanteng lote ngunit hindi niya gustong pilitin ito sa nais talaga niyang mangyari.

"Okay lang ba sa iyo na hindi na roon ganapin ang kasal natin, Sarah?" Ibinaling ni Ethan ang tingin nito kay Sarah at ngumiti ito.

"Para ka sa akin, mas magiging memorable ang kasal natin kung doon gaganapin pero kung hindi man, puwede naman sa akin kung saan mo gusto. Ang mahalaga, maikasal tayo."

32 in CalendarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon