Kabanata 47

170 34 0
                                    

Ibinaling ni Sarah ang tingin niya kay Badong na kaharap ang dalawang lalaking may hawak na mga mahahabang kawayan na pinalamutian ng mga bulaklak na gawa sa plastik na nagmistulang baging. Batid niyang sinasabi nito sa dalawang lalaki kung saan ilalagay ang mga kawayan na hawak ng mga ito.

Sinulyapan ni Sarah si Lucy na abala naman sa pagdidisenyo ng mesang nababalutan ng puting tela. Ang mga paa niyon ay naging kulay kahel dahil napapalamutian iyon ng mga bulaklak ng Santan. Sa ibabaw ng mesa ay may mga petals na gawa sa plastik at idinikit doon.

Si Aaron at Gerald naman ang binalingan ni Sarah ng tingin. Abala ang mga ito sa paglagay ng mahaba at puting tela na magiging mistulang bubong. Nasa hagdan si Aaron na isinandal sa katawan ng puno upang maging suporta niyon habang si Gerald ang gumagabay sa hagdan.

Matamis na napangiti si Sarah nang makitang palapit sa kaniya si Ethan. Habang papalapit ito sa kaniya ay nagpunas ito ng pawis tanda na pagod dahil sa pag-aayos para sa kanilang kasal.

"Okay ka lang ba rito, Sarah?"

Tumayo si Sarah mula sa kaniyang pagkakaupo at bahagya siyang nangawit dahil sa matagal na pagkakaupo. Sinabihan siya ni Ethan na umupo na lang hindi kalayuan sa kinaroroonan nito at ng mga kaibigan niya dahil hindi siya maaaring magpagod. Nais sana niyang tumulong sa pag-aayos dahil nahihiya siya sa kaniyang mga kaibigan at pinsan dahil abalang tao ang mga ito ngunit pinili ng mga ito na tulungan sila ni Ethan sa kanilang kasal.

Isang araw na lang ay ikakasal na si Sarah kay Ethan. Magkahalong saya at kaba ang nararamdaman niya. Kay tagal nilang hinintay iyon ng kaniyang nobyo at kaunting oras na lang ay sasapit na rin ang pangarap nilang ikasal.

Sa kabila niyon ay may takot na nararamdaman si Sarah. Nangangamba siya dahil hindi siya nakatitiyak na magiging espesyal ang kasal nila ni Ethan lalo pa at may sakit siya. Nangangamba siya na maaring atakihin siya ng kaniyang sakit bagay na hinihiling niyang hindi mangyari.

"Medyo nalulungkot ako dahil wala man lang akong maitulong. Ako ang ikakasal pero sila ang nagpapakahirap maging espesyal lang ang kasal ko."

Bumuntong-hininga si Ethan at ilang sandali ay ngumiti ito. "Sila na rin ang nagsabi na gusto nila tayong tulungan, Sarah. Sinabi pa nga ni Lucy, kapag ikinasal na sila ni Gerald, sila naman daw ang tulungan natin. Kaya kailangan, magpagaling ka na."

Sinulyapan ni Sarah si Lucy na pinupunasan ng pawis ni Gerald. Napangiti siya habang nakatingin sa dalawa at nakaramdam siya ng saya para sa mga ito. Muli niyang ibinalik ang tingin kay Ethan at ang ngiti ay hindi nawala sa kaniyang labi. "Minsan talaga, mapaglaro ang tadhana."

"Bakit, Sarah?"

"Ikinasal kayo ni Lucy pero sa huli, pinawalang-bisa ninyo ang kasal at ngayon, may kani-kaniya na kayong buhay. Pareho na rin kayong ikakasal ulit sa iba."

Nilingon ni Ethan si Lucy at ilang sandali ay muli nitong ibinalik ang tingin kay Sarah. "Hiniling ko na mahanap ni Lucy ang lalaking makakasama niya habambuhay at masaya ako dahil nahanap niya iyon. Sino bang mag-aakala na ang dati niyang ex ay magiging asawa pala niya."

Ngumiti si Sarah. Ibinaling niya ang tingin sa kawalan at ilang sandali siyang natahimik. Muli niyang tiningnan si Ethan na nakapako pa rin ang tingin sa kaniya. "Dapat, hindi tayo magkasama ngayon dahil ikakasal na tayo."

Ngumiti si Ethan. "Ang mahalaga, ikakasal na tayo bukas. Ilang oras na lang, magiging misis na kita."

Nakaramdam ng kilig si Sarah dahil sa sinabi ni Ethan. Hindi pa rin siya makapaniwala na ang dating kalaro at kaibigan lang niya ay magiging mister na niya. Tanging pagngiti na lang ang naging tugon niya upang maitago niya ang kilig na nararamdaman niya.

32 in CalendarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon