Kabanata 10

284 71 64
                                    

"Ayos lang po ba kayo, Mama?" tanong ni Sarah sa kaniyang ina nang lapitan niya ito. Napansin niya ang kakaibang katahimikan nito habang nakaupo sa sofa at nakatanaw sa bintana.

"Good Morning, Anak," bati ng magulang ni Sarah nang sulyapan siya nito. Ilang sandali ay muli nitong ibinaling ang tingin sa labas ng bintana. "Naaalala ko kasi ang dating bahay natin."

Umupo si Sarah sa tabi ng kaniyang ina at pinagmasdan niya ito. Nakita niya ang lungkot sa mga mata nito habang nakatingin sa kawalan. Kahit din naman siya ay nalulungkot pa rin sa pag-alis nila sa dati nilang bahay dahil naroon ang alaala ng kaniyang ama.

Dalawang buwan na ang nakararaan nang ibenta nina Sarah ang kanilang bahay sa mga magulang ni Lucy dahil naghahanap din ang mga ito ng bahay. Ang tiya Dollor niya ang nag-asikaso sa pagbenta ng bahay kaya malaki ang pasasalamat niya rito at ginamit nila ang pera sa pagpapa-opera sa kaniyang ina.

Kung alam lang ni Sarah ang numero ng telepono ni Ethan ay tinawagan na niya ito upang makahingi ng tulong ngunit hindi niya ito natawagan dahil ayon kay Lucy, kasamang nasunog ang papel kung saan nakasulat ang bagong numero ni Ethan. Kahit labag sa loob niya at sa kaniyang ina ay napilitin silang ibenta ang kanilang bahay. Ngayon ay nakatira sila sa kapatid ng kaniyang ama dahil ito na rin naman ang may gusto na roon sila tumira.

Hinawakan ni Sarah ang kamay ng kaniyang ina dahilan upang sulyapan siya nito. "Ma, kung nabubuhay pa si papa, ibebenta rin niya ang bahay para maoperahan ka. Puwede pang mapalitan ang bahay pero ang buhay, hindi na," pahayag ni Sarah at matamis siyang ngumiti sa kaniyang ina.

"Sorry talaga, Anak. Dahil sa akin, nawalan tayo ng sariling bahay."

"Ma, huwag mo nang sisihin ang sarili mo. Hindi ba sabi ninyo, dapat magtulungan ang magpamilya?" Sandali pang tinitigan ni Sarah ang kaniyang ina bago niya ito yakapin upang mapagaan ang damdamin nito.

"Nagpapasalamat talaga ako na naging anak kita, Sarah."

"Sinusuklian ko lang po ang kabutihan ninyo sa akin. Ibinilin po kayo sa akin ni Papa bago siya mamatay. Ang sabi niya sa akin, kapag tumanda na raw kayo, alagaan ko kayo. Pangako, aalagaan ko kayo kagaya ng pag-alaga ninyo sa akin noong bata pa ako."

Naramdaman ni Sarah ang mahigpit na pagyakap ng kaniyang ina at narinig niya ang mahina nitong pag-iyak. Batid niya ang sanhi ng pag-iyak nito at iyon ay dahil sa kaniyang ama.

"Sana nga, sana maalagaan mo pa ako kapag tumanda na ako."

Masuyong hinaplos ni Sarah ang likod ng kaniyang ina at mahina niya iyong tinapik. "Mama naman, matagal pa po tayong magkakasama. Hayaan po ninyo, kapag nag-asawa na ako, titira ka sa magiging bahay namin."

Kumalas sa pagkakayakap ang ina ni Sarah at tinitigan siya nito. "Kumusta na nga pala si Ethan?"

Hindi agad nakapagsalita si Sarah sa tanong na iyon ng kaniyang ina. Nakita niya ang pagtataka sa mukha nito dahil sa katahimikan niya. Pilit siyang ngumiti kahit na hirap siyang gawin iyon. "A-Ayos naman po siya roon. Sabi pa nga niya, malapit na siyang umuwi," pahayag ni Sarah kahit na nagbabadya ang kaniyang pag-iyak dahil ang totoo, dalawang buwan na niya itong hindi nakakausap.

Gustong malaman ni Sarah ang kalagayan ni Ethan. Gusto niyang malaman kung naghilom na ba ang sugat sa puso nito dahil sa pagpanaw ng ama ngunit hindi niya ito makumusta dahil sa nangyaring pagkasunog ng bahay nina Lucy. Gusto na niyang marinig muli ang tinig nito upang kahit paano ay mabawasan ang pagkasabik niya rito ngunit dahil wala silang kontak sa isa't isa ay lalo lang siyang nasasabik dito. Hihintayin na lang niya ang pagdating nito lalo pa at ilang buwan na lang ay muli na silang magkakasama.

Hindi mapakali si Lucy habang nakaupo siya sa upuan na nasa ilalim ng puno. Pinili niyang maupo roon dahil tirik ang araw at kahit na ganoon ay marami pa ring pumasyal sa playground na kaniyang kinaroroonan. Simple lang ang lugar na iyon. Malawak ang lupain na natatakpan ng mga damo. Sa unahan ni Lucy ay may covered-court na walang panangga sa sikat ng araw at kasalukuyang naglalaro roon ang lalaking ilang sandali na niyang hinihintay na lumapit sa kaniya.

32 in CalendarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon