Kabanata 29

222 48 18
                                    

"Nami-miss ko nang magturo, Aaron."

Huminto si Aaron sa paglalakad dahilan upang huminto rin si Sarah. Sinamahan niya itong maglakad-lakad upang makapag-ehersisyo. Mahigit isang oras na rin silang naglalakad at malapit nang sumilip ang araw.

Nakita ni Aaron ang lungkot sa mukha ni Sarah. Batid niyang nalulungkot ito dahil sa sakit nito ay umalis ito sa trabaho. Alam ni Aaron na labag iyon sa loob ni Sarah dahil gustong-gusto nito ang trabaho kahit pa nakikita niya noon dito ang matinding pagod.

Masuyong pinisil ni Aaron ang kamay ni Sarah na hawak niya. "Hayaan mo, kapag gumaling ka na makababalik ka na sa pagtuturo. Sa ngayon, kailangan mo munang magpagaling."

"Aaron, sorry dahil sa akin, pati trabaho mo naaapektuhan."

"Huwag kang humingi ng tawad, Sarah. Ang mahalaga sa akin ang gumaling ka. Ikakasal pa tayo hindi ba?"

Naibaling ni Sarah ang tingin nito sa kawalan at ilang sandali itong natahimik. "Parang ayoko nang ituloy ang kasal, Aaron."

Binitiwan ni Aaron ang kamay ni Sarah at humarap siya rito. "Bakit Sarah? Ayaw mo bang ako ang maging asawa mo?"

Tinitigan ni Sarah ang mga mata ni Aaron at nagpakawala ito ng malalim na buntong-hininga. Ilang sandali pa ay may umagos na luha sa mga mata nito. "Napakasuwerte ng babaeng mapapangasawa mo Aaron at sa tingin ko, hindi ako ang karapat-dapat na babae sa iyo."

Pinunasan ni Aaron ang luha sa pisngi ni Sarah at masuyo niya itong hinagkan sa noo. Idinampi niya ang dalawa niyang palad sa magkabilang pisngi nito at tinitigan niya ito sa mga mata. "Ikaw lamang ang babaeng pakakasalan ko, Sarah."

"Aaron, may sakit ako. Ayokong sayangin ang buhay mo sa pag-aalalaga sa akin."

"Wala akong pakialam. Mahal na mahal kita Sarah. Ikaw ang pangarap kong bumuo ng pamilya at hindi ko sasayangin ang pagkakataon na ibinigay sa akin para tuparin iyon."

"Pero alam kong alam mo na sa huli, mamamatay rin ako." Tuluyan nang napahagulhol si Sarah sa pag-iyak.

"Gagaling ka Sarah. Sabay nating malalagpasan ito." Mahigpit na niyakap ni Aaron si Sarah at kasabay niyon ang pagbuhos ng luha sa kaniyang mga mata. Hindi niya kakayanin na mawala ito sa kaniya. Batid niyang kapag nangyari iyon ay mamamatay na rin ang kaniyang puso. "Ihahatid na kita sa bahay ninyo at mamaya, may pupuntahan tayo."


"Saan ka pupunta, Ethan?" Tumayo si Lucy mula sa kaniyang pagkakaupo sa sofa. Ilang minuto na niyang hinihintay ang pagbaba ni Ethan upang tanungin ito. Nagtaka naman siya dahil tila may pupuntahan ang kaniyang asawa.

"Kahit saan," tipid na tugon ni Ethan at tila hangin lang nitong dinaanan si Lucy habang palapit ito sa pintuan.

"Umamin ka nga sa akin, Ethan. Mahal mo pa rin ba si Sarah?" pigil ang pag-iyak na tanong ni Lucy kay Ethan. Inihanda niya ang sarili niya sa posibleng isagot ng kaniyang asawa lalo pa at batid na niyang labis siyang masasaktan sa isasagot nito.

Huminto si Ethan at nilingon nito si Lucy. Nakakunot ang noo nito na tila labis itong nagtaka. "Bakit mo na itanong iyon, Lucy?"

Tuluyan nang napahagulhol si Lucy. Wala na siyang pakialam kung magmukha siyang kaawa-awa sa paningin ni Ethan dahil hindi rin naman niya kayang pigilan ang emosyon na nararamdaman niya. Mahal na mahal niya ito kaya masakit sa kaniya na iba ang laman ng puso nito. Tila pakiramdam pa rin niya ay nanlilimos siya ng pagmamahal dito na sa tingin niya ay hindi pa rin nito kayang ibigay sa kaniya.

32 in CalendarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon