Kabanata 49

157 34 1
                                    

"Kumusta naman ang buhay mag-asawa, Sarah at Ethan?" malapad ang ngiting tanong ni Lucy at salitan nitong tiningnan sina Sarah at Ethan.

Napasulyap si Sarah kay Ethan na nasa kaniyang tabi. Ngumiti siya sa kaniyang asawa at pinulupot niya ang kaniyang mga bisig sa braso nito. Ginawa niya iyon hindi para painggitin ang mga kaibigan at ang pinsan niya. Ginawa niya iyon upang iparamdam niya kay Ethan ang saya na nararamdaman niya.

"Tinatanong pa ba 'yan, Lucy? Ano bang ginagawa ng mag-asawa?" Ngumiti nang makahulugan si Badong at salitan nitong tiningnan sina Sarah at Ethan.

Naramdaman ni Sarah ang paghaplos ng palad ni Ethan sa kaniyang ulo. Tanging pagbuntong-hininga na lang ang nagawa niya at ipinikit niya ang kaniyang mga mata. Ilang sandali pa ay kusang gumuhit ang ngiti sa kaniyang labi.

Mahigit isang linggo na ang nakalipas nang ikasal si Sarah kay Ethan. Sa una ay aminado siyang nailang siya sa kaniyang asawa sa tuwing matutulog sila dahil iyon ang unang pagkakataon na nagkatabi silang matulog sa isang higaan. Naramdaman ni Sarah ang labis na pagmamahal sa kaniya ni Ethan at ganoon din ang ginawa niya. Dahil din sa pag-aalaga sa kaniya ng mister niya ay naramdaman niya na bumubuti na rin ang kaniyang lagay. Hiling niya ay tuluyan nang gumaling ang sakit niya upang higit pa niyang maasikaso ang kaniyang mister sa restaurant na naipatayo na nito. Ginagawa niya ang lahat para gumaling siya lalo pa at nagpapatayo pa ng mga negosyo ang kaniyang asawa gaya ng panibagong branch ng kanilang restaurant, coffe shop at botique.

"Iba talaga ang pakiramdam kapag asawa mo na ang taong mahal mo. Ang sarap gumising sa umaga dahil siya ang una mong makikita." Muling idinampi ni Ethan ang palad nito sa ulo ni Sarah at masuyo iyong hinaplos.

"Wala ba kayong planong magkaroon ng baby?" tanong ni Gerald at niyakap nito si Lucy na tila nainggit ito kina Sarah at Ethan.

"Napag-usapan na namin iyan ni Sarah. Gusto namin, maraming anak para makabuo kami ng isang masayang pamilya."

Kumalas si Sarah sa pagkakayakap niya sa braso ni Ethan. Tiningnan niya ang kaniyang asawa at siningkitan niya ito ng mata ngunit nakaguhit ang ngiti sa kaniyang labi. "Wala akong nabanggit sa iyo na gusto ko ng maraming anak."

"Hindi ko alam na gusto mo palang maraming anak, Sarah. Ang sabi mo sa akin noon, isa o dalawa lang."

Ibinaling ni Sarah ang tingin niya kay Aaron nang marinig niya ang sinabi nito. Napangiti siya dahil sinakyan nito ang pagbibiro ni Ethan.

"Grabe ka, Sarah. Samantala ako nga, gusto ko, isa lang," pang-aasar ni Badong.

Hindi na nagsalita si Sarah bagkus ay tanging pagtawa at pagngiti na lang ang ginawa niya habang inaasar siya ng apat at maging si Ethan. Kung siya naman ang tatanungin, gusto niya na tatlo o apat ang maging anak nila ni Ethan. Hindi niya gustong isa lamang ang anak nila nito dahil alam niya kung gaano kalungkot kapag walang kapatid. Kahit na alam niyang lahat ng gusto nito ay mabibili ngunit iba pa rin ang saya dulot ng pagmamahalan ng magkapatid.

Naibaling ni Sarah ang tingin niya sa labas ng coffe shop na pagmamay-ari ni Lucy. May bumalik sa kaniyang alaala na labis niyang pinanghihinayangan dahil naging mapaglaro ang tadhana sa kanila ni Ethan.

Noong tanungin si Sarah ni Ethan kung may nakilala siyang lalaking nagbigay sa kaniya ng dyaket, doon niya nalaman na asawa pala niya iyon. Gaya ni Sarah, hindi rin makapaniwala si Ethan na matagal nang muling nagtagpo ang kanilang landas ngunit pinaglaruan sila ng tadhada.

"Bakit natahimik ka, Sarah?"

Napatingin si Sarah kay Ethan nang tanungin siya nito. Bumuntong-hininga siya at ngumiti. "Naalala ko lang ulit ang araw na nagkita tayo malapit dito, Ethan."

32 in CalendarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon