Kabanata 51

218 46 5
                                    

"Salamat dahil gising ka na, Anak."

Pinilit ni Sarah na ngumiti upang ipaalam sa kaniyang ina na mabuti na ang lagay niya kahit ang totoo, nakararamdam siya ng panghihina. Sinubukan niyang hanapin si Ethan sa silid na kaniyang kinaroroonan ngunit hindi ito nakita ng kaniyang mga mata. Muli niyang ibinalik ang tingin sa kaniyang ina na nakaupo sa tabi niya.

"Kumusta ang pakiramdam mo?"

"Maayos na po, mama."

"Sandali, tatawagan ko si Ethan para ipaalam sa kaniya na gising ka na."

Hinawakan ni Sarah ang kamay ng kaniyang ina upang pigilan itong kunin ang telepono nito sa bulsa. Nakita niya ang pagtataka sa mukha nito. Ngumiti siya at bahagyang bumuntong-hininga. "Huwag na po ninyong tawagan si Ethan."

"Sinabi niya sa akin na tawagan siya kapag nagising ka na."

"Hindi na po kailangan." Inalis ni Sarah ang pagkakahawak niya sa kamay ng kaniyang ina at ibinaling niya ang tingin sa kawalan. "Baka nagpapahinga po iyon."

"Kung sa bagay, tama ka anak. Hindi natulog kagabi si Ethan. Nag-aalala ako dahil baka siya naman ang magkaroon ng sakit. Katulad kagabi nang isugod ka rito, mataas ang lagnat niya pero pinili pa rin niyang sumama."

Napatingin si Sarah sa kaniyang ina. Sinubukan pa niyang pigilin ang pagbuhos ng luha sa kaniyang mga mata ngunit kusa na iyong bumuhos dahil pakiramdam niya, nagiging pabigat na siya sa mga taong mahal niya higit lalo kay Ethan.

"Bakit umiiyak ka?"

"Mama, parang gusto ko na pong sumuko. Kasi habang lumalaban ako, may mga taong nahihirapan nang dahil sa akin."

Umiling ang ina ni Sarah at nagpakawala itong ng malalim na buntong-hininga. "Tandaan mo na kasama mo kami sa paglaban mo. Hinding-hindi kami mapapagod na alagaan ka hanggang sa gumaling ka na, anak."

Pinunasan ni Sarah ang luhang umagos sa kaniyang pisngi. "Kumusta na po si Ethan, mama? Wala na ba siyang lagnat?"

"Okay na si Ethan, anak."

"Mabuti naman po." Ibinaling ni Sarah ang tingin sa kawalan at malalim siyang napabuntong-hininga. "Dapat inaasikaso ko siya ngayon. Alam kong kailangan niya ako."

"Kaya nga magpagaling ka para kung magkaroom ulit siya ng lagnat, huwag naman sana, ikaw naman ang mag-aalaga sa kaniya."

Muling ibinaling ni Sarah ang tingin niya sa kaniyang ina. "Ano raw po ang sabi ng doctor tungkol sa sakit ko?"

Natahimik ang ina ni Sarah at ilang sandali ay bumuhos ang luha nito na agad din nitong pinunasan. "Ang sabi ng doctor... malapit ka na raw gumaling."

Tanging pagngiti na lang ang itinugon ni Sarah ngunit sa likod niyon ay may kalakip na lungkot dahil naramdaman niyang hindi totoo ang sinabi ng kaniyang ina. Nauunawaan niya kung bakit ito nagsinungaling sa kaniya dahil inisip lang nito ang kaniyang kapakanan. Batid niyang walang magandang ibabalita ang doktor patungkol sa kaniyang sakit.

Para kay Sarah, mas gugustuhin na lang niyang huwag nang malaman ang lagay ng kaniyang sakit. Sa oras na marinig niya mula sa doktor na patuloy ang pagkalat ng cancer cell sa kaniyang utak ay batid niyang panghihinaan siya ng loob. Hihintayin na lang niya ang araw kung kailan hindi na talaga niya kayang lumaban.

"Tatagan mo ang loob mo, anak. Iyon lang ang tanging sandata mo para malagpasan mo ang pagsubok na ito."

Sandaling pinagmasdan ni Sarah ang kaniyang ina. Napangiti siya dahil napakasuwerte niya dahil maraming nagmamahal sa kaniya at handa siyang damayan sa kaniyang pagsubok. Ang mga ito ang kaniyang nagiging inspirasyon para lumaban.

32 in CalendarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon