Kabanata 53

163 33 0
                                    

Malabo pa ang paningin ni Sarah nang alisin ni Ethan ang mga palad nito mula sa pagkakatakip sa kaniyang mga mata. Ilang sandali pa ay luminaw na ang paningin niya. Unang nasapol ng tingin niya ang malaking litrato na nakasabit sa pader na nasa bandang itaas ng higaan nila ni Ethan.

Matamis na napangiti si Sarah dahil ang litrato na nakita niya ay isang araw pa lang ang nakalilipas nang kunan. Magkayakap sila ni Ethan at nasa ilalim sila ng puno. Tila ang mga dahon ay gumagalaw dahil sa malakas na ihip ng hangin. Habang tinititigan niya ang litratong iyon ay tila naririnig niya ang malakas na ihip ng hangin maging ang mga huni ng ibon.

Napatingin si Sarah kay Ethan na nasa kaniyang likuran. Lumapad ang ngiti niya nang makita na masaya si Ethan dahil sa kaniyang reaksyon. Nagustuhan niya ang litrato na niyon na tila pakiramdam niya ay buhay ang litrato na iyon.

"Thirty-two days na lang kasi, anniversary na natin kaya nag-advance na ako ng gift sa iyo, Sarah."

Pinagmasdan ni Sarah si Ethan at ilang sandali ay napawi ang ngiti niya nang mapagtantong ang petsa ay katapusan ng Pebrero. Hindi niya akalain na hindi pa rin nakalilimutan ni Ethan ang sinabi niya rito na ang anibersaryo nila ay tuwing buwan ng Marso sa araw ng tatlumpu't dalawa.

"Hindi ka ba masaya sa nalalapit na anniversary natin, Sarah?"

Bahagyang ngumiti si Sarah. Ilang sandali ay tumalikod siya kay Ethan upang muling tingnan ang malaking litrato. "March thirty-two?"

"Hindi ba ikaw ang nagsabi na March thirty-two ang anniversary natin? Nakalimutan mo na ba?"

Hindi tumugon si Sarah. Naramdaman niya ang pagyakap sa kaniya ni Ethan at hinawakan niya ang mga bisig nito. Nanatili siyang tahimik habang dinadama ang yakap ng kaniyang asawa.

Hindi makasagot si Sarah dahil batid niyang imposibleng maipagdiwang nila ni Ethan ang kanilang anibersaryo. Kahit na maraming taon na ang nakalipas, hindi pa nila iyon naipagdiwang nang magkasama. Batid niyang hindi nila iyon maipagdiriwang dahil imposibleng magkaroon ng araw ng kanilang anibersaryo.

"Malay natin, Sarah, magkaroon ng thirty-two. Hindi naman masama kung papangarapin nating magkaroon niyon at kapag nagkaroon nga, iyon ang unang beses na magsi-celebrate tayo ng anniversary natin."

"Sana nga kasi hindi ko alam kung kailan tayo magsi-celebrate." Inalis ni Sarah ang mga bisig ni Ethan na nakayakap sa kaniya at humarap siya rito. "Paano kung hindi magkaroon ng thirty-two?" Napangiti si Sarah dahil pakiramdam niya, tila mga bata silang nangangarap na makalipad kahit alam nilang imposible.

Ngumiti si Ethan. "Maghihintay ulit tayo sa susunod na taon?"

Lumapad ang ngiti ni Sarah at niyakap niya nang mahigpit si Ethan. "Huwag mo na nating intindihin iyon dahil ang importante, magkasama tayong dalawa." Napakalas siya sa pagkakayakap niya kay Ethan nang makarinig siya ng pagtunog ng telepono. Batid niyang ang telepono ni Ethan ang nakatanggap ng mensahe.

Kinuha ni Ethan ang telepono sa bulsa ng suot nitong maong. Ilang sandali nitong binasa ang mensahe bago nito muling ibalik sa bulsa ang telepono. "Nasa labas daw sina Lucy at Aaron."

Napangiti si Sarah sa sinabi ni Ethan. "Mabuti naman bumisita ulit si Lucy. Ang tagal ko na kasi siyang hindi nakita."

"Tara na, Sarah."

"Susunod na lang ako, Ethan." Napikit si Sarah nang hagkan siya ni Ethan sa noo. Bago ito lumabas sa kanilang silid ay matamis itong ngumiti sa kaniya.

Muling tiningnan ni Sarah ang litrato. Napangiti siya dahil sa tuwing tinitingnan niya iyon ay tila nasa bakanteng lote siya. Tila naaamoy niya at nararamdaman niya ang banayad na hangin. Tila rin naririnig niya ang paghampas ng hangin sa mga dahon ng malaking puno.

32 in CalendarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon