Kabanata 44

198 40 0
                                    

"Ako po muna ang magbabantay kay Sarah, Tita," mungkahi ni Ethan nang makapasok siya sa silid kung saan naroon si Sarah.

Lumingon kay Ethan ang ina ni Sarah mula sa pagkakaupo nito sa tabi ng anak. "Okay lang ako, Ethan. Huwag mo na akong alalahanin."

Lumapit si Ethan sa ina ni Sarah. "Hindi ka po natulog kagabi. Magpahinga po muna kayo."

Ngumiti ang ina ni Sarah at sinulyapan muli nito ang walang malay na anak. Ilang sandali pa ay masuyo nitong hinaplos ang buhok ng anak. "Gumising ka na, anak. Nandito na si Ethan."

"Baka mamaya lang po, magkamalay na siya. Tatawagan ko na lang po kayo kapag nagising na siya."

Tumayo na ang ina ni Sarah at hinarap nito si Ethan. Ilang sandali ay ngumiti ito ngunit ang lungkot ay sumilay sa mga mata nito. "Salamat dahil nariyan ka. Alam kong ikaw ang dahilan kung bakit lumalaban si Sarah. Sana, huwag kang magsawang alagaan siya hanggang sa gumaling siya."

"Hinding-hindi po ako magsasawang alagaan siya. Magtiwala po tayo na gagaling din si Sarah at isa siya sa mga magiging cancer survivor."

"Sana nga." Napatakip sa bibig ang ina ni Sarah at tuluyan na itong napaiyak.

Niyakap ni Ethan ang ina ni Sarah upang pakalmahin ito. Nangangako siya rito na gagawin niya ang lahat para gumaling ang anak nito. Kahit ano mang hirap ang maranasan niya ay hindi niya iindahin dahil naniniwala siya na matatapos din ang pagsubok na kinahaharap nila ni Sarah.

"Ayokong mangyari sa kaniya ang nangyari sa papa niya."

Naramdaman ni Ethan ang pagkalas ng ina ni Sarah mula sa kaniyang pagkakayakap. Tinitigan niya ito at tila iniwas nito ang tingin sa kaniya. Balot siya ng pagtataka dahil sa sinabi nito.

"A-Ano po ba ang ikinamatay ng papa ni Sarah, tita?" kunot ang noong tanong ni Ethan dahil minsan na niyang itinanong kay Sarah kung ano ang ikinamatay ng ama nito ngunit hindi nito alam. Nabanggit na rin sa kaniya ni Sarah na nais ng ina nito na huwag nang pag-usapan ang sanhi ng kamatayan ng ama nito.

Malalim na bumuntong-hininga ang ina ni Sarah at tiningnan nito si Ethan. "Tawagan mo na lang ako kapag nagising na si Sarah. Sige na, mauna ako. May aasikasuhin pa ako."

Sinundan na lang ng tingin ni Ethan ang ina ni Sarah hanggang makalabas ito ng silid. Batid niyang tila may inililihim ito. Nais man niyang malaman ang tunay na dahilan ng kamatayan ng ama ni Sarah ngunit hindi na niya itinanong lalo pa at alam niyang hindi rin naman siya sasagutin.

Bumuntong-hininga si Ethan at umupo siya sa tabi ni Sarah. Sandali niya itong pinagmasdan bago niya hawakan at masuyong pisilin ang kamay ng kaniyang nobya. "Gumising ka na, Sarah. Marami pa tayong pupuntahan." Hinagkan ni Ethan ang kamay ni Sarah at kasunod niyon ay ang pagbagsak ng kaniyang luha.

Hindi matanggap ni Ethan kung bakit si Sarah pa ang kailangan bigyan ng malubhang sakit. Batid niyang mabuti itong tao kaya hindi ito karapat-dapat na magdusa. Kung kaya nga lang niyang ilipat sa kaniya ang sakit ni Sarah upang hindi na ito maghirap, gagawin niya dahil hindi niya kayang nakikitang naghihirap ang babaeng mahal niya.

Nais mang iwaglit ni Ethan sa kaniyang isipan ang posibilidad na maaring mawala sa piling niya si Sarah ay hindi niya magawa. Walang araw na hindi siya nangamba na maaring ang araw na kasama niya si Sarah ay iyon na marahil ang huli. Ipinapakita lang niya rito na matatag siya ngunit batid niyang pinanghihinaan siya ng loob sa tuwing nakikita niyang nanghihina si Sarah. Sa kabila niyon ay nananalig siya na gagaling ang kaniyang nobya kahit pa sinabi na sa kaniya ng doktor na patuloy sa pagkalat ang cancer cell nito.

"T-Tahan na, Ethan."

Napadilat si Ethan nang marinig niya ang mahinang tinig ni Sarah. Sa kabila ng matinding lungkot na nararamdaman niya ay napangiti siya nang makita niyang nakaguhit ang ngiti sa labi ng kaniyang nobya.

32 in CalendarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon