Kabanata 46

206 36 0
                                    

"Bakit tayo nandito, Ethan?" Ibinaling ni Sarah ang tingin niya kay Ethan. Wala siyang ideya sa kung ano ang dahilan nito kung bakit nagpunta sila nito sa bakanteng lote lalo pa at alam nilang pareho na hindi sila makapapasok doon.

"Bakit, ayaw mo na bang pumasok sa loob?"

Muling ibinaling ni Sarah ang tingin niya sa pinto kung saan nakasabit ang karatula. Ilang sandali ay nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga. "Sino bang nagsabing ayaw ko? Alam mo naman na ito ang paborito kong puntahan."

"Sarah, anong paborito mong lugar?"

Hindi nilingon ni Sarah si Ethan bagkus ay nanatili lang siyang nakatingin sa pinto na tila hinihintay niyang kusa iyong bumukas. "Simula noon, hanggang ngayon, bakanteng lote pa rin ang pinakapaborito kong lugar."

"Alam kong magtataka ka pero tatanungin ulit kita, bakit bakanteng lote at hindi ang mga magagandang lugar dito sa Pilipinas o sa ibang bansa?"

Muling sinulyapan ni Sarah si Ethan at ngumiti siya rito. "Gaya ng sinabi ko sa iyo noon, hindi ako nakabase sa kung gaano kaganda ang lugar kundi sa magagandang alaalang naroroon sa isang lugar. Bakit mo nga pala naitanong ulit?"

Ipinagtaka ni Sarah kung bakit muling naitanong sa kaniya ni Ethan kung bakit niya naging paboritong lugar ang bakanteng lote gayon ay alam naman nito kung bakit. Dahil tuloy roon ay nakaramdam muli siya ng lungkot. Nasasabik na siyang pumasok doon ngunit hindi lang niya sinasabi kay Ethan dahil batid nilang kapwa silang nananabik na muling makapasok sa lugar na naging mahalaga na sa kanila.

Ngumiti si Ethan at isinilid nito ang kamay sa bulsa ng suot nitong pantalon. Umiling ito at ilang sandali ay ibinaling nito ang tingin sa pintuan.

"Ethan, umuwi na lang tayo."

Naibaling muli ni Ethan ang tingin nito kay Sarah. Bumakas ang labis na pag-aalala sa mukha nito. "Bakit, masama ba ang pakiramdam mo?"

Umiling si Sarah at nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga. "Lalo lang kasi akong nalulungkot dahil gusto ko na ulit pumasok diyan."

"Ngayon, hindi ka na malulungkot." Ngumiti si Ethan at ilang sandali ay lumakad ito palapit sa pinto papasok sa loob ng bakanteng lote.

Piniling tumayo ni Sarah sa kaniyang kinaroroonan habang nakatingin kay Ethan. Hindi niya alam kung ano ang ginagawa nito. Nanatili siyang nakatingin sa kaniyang nobyo at hinihintay niyang lumingon ito sa kaniya.

Bahagyang lumaki ang mga mata ni Sarah nang binuksan ni Ethan ang pinto. Malaki ang pagkakabukas niyon na parang noon lang na malaya silang nakapapasok sa loob ng bakanteng lote. Ibinaling niya kay Ethan ang kaniyang tingin at ang sukli nito sa kaniyang pagtataka ay isang matamis na ngiti.

Isinilid ni Ethan ang susi sa bulsa nito at lumapit ito kay Sarah. "Tara na, pumasok na tayo sa loob."

Tinitigan lang ni Sarah sa mga mata si Ethan. Nagtataka siya kung saan galing ang susing pinangbukas nito sa pinto para makapasok sila. Natatakot siya para sa kanila dahil maaring makasuhan sila nang dahil sa ginawa nilang pagpasok sa loob.

Sandaling sinulyapan ni Sarah ang nakabukas na pinto at muli niyang ibinalik ang tingin kay Ethan. "B-Bakit mo ginawa iyon, Ethan?"

"Bakit ko binuksan ang pinto? Hindi ba gusto mo nang pumasok sa loob?"

"Pero mali ang ginawa mo."

Ngumiti lang si Ethan. Ilang sandali ay tumalikod ito kay Sarah at umupo. "Ipapasan na kita gaya ng ginagawa natin noon kapag pumunta tayo sa bakanteng lote."

"Isara mo na ulit ang pinto, Ethan. Uuwi na ako." Tinalikuran ni Sarah si Ethan at lumakad na siya palapit sa sasakyan ng kaniyang nobyo. Napatigil siya nang hawakan ni Ethan ang kaniyang kamay. Sinulyapan niya ito at ipinagtaka muli niya ang pagngiti nito.

32 in CalendarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon