Kabanata 16

215 67 16
                                    

"Akala ko ba, hindi ka na pupunta rito, Sarah?"

Inalis ni Sarah ang pagkakadampi ng palad niya sa bahagi ng puno kung saan nakasulat ang pangalan nila ni Ethan. Bago niya lingunin ang kaniyang likuran ay nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga.

"Nakalimutan mo na ba si Ethan, Sarah?"

Sandaling natahimik si Sarah. Bahagya siyang ngumiti upang maitago ang lungkot na nararamdaman niya. "Hindi naman ganoon kadaling kalimutan si Ethan, Lucy. Marami kaming pinagsamahan at sa sobrang dami niyon, hindi ko alam kung hanggang kailan ako matatapos sa pagtapon sa lahat ng alaala naming dalawa."

Hinawakan ni Lucy ang kamay ni Sarah at masuyo nitong pinisil iyon. "Nandito lang kami para sa iyo, Sarah. Hihintayin namin ang panahon na muli kang makangingiti. Handa ka naming tulungan para tuluyan mo nang makalimutan si Ethan."

Kahit may lungkot na nararamdaman ay nagawang ngumiti ni Sarah. "Maraming salamat, Lucy. Nagpapasalamat talaga ako na naging matalik kitang kaibigan."

"Ang tunay na magkaibigan, nagtutulungan." Inalis ni Lucy ang pagkakahawak nito sa kamay ni Sarah at bahagya itong ngumiti. "Sana, kalimutan mo na si Ethan, Sarah. Hanggang hindi mo siya kinakalimutan, hindi mo mahahanap ang lalaking nakalaan talaga sa iyo. Pakawalan mo na siya at buksan mo muli ang puso mo para mahanap mo ang tinadhana sa iyo."

"Ginagawa ko naman ang lahat para makalimutan siya, Lucy. Isang linggo na rin ang nakararaan nang malaman kong may pamilya na siya pero pakiramdam ko, sariwang-sariwa pa rin ang sakit na naramdaman ko nang malaman ko iyon."

"Ayoko mang sabihin ito pero sa tingin ko, huwag ka munang pupunta rito, Sarah. Hindi mo makakalimutan ang isang tao kung patuloy mong babalikan ang masasayang mga alaala ninyo."

Tumalikod si Sarah kay Lucy at humarap siya sa puno. Pinagmasdan niya ang nakaukit doon at kahit anong pilit niyang utusan ang sarili na burahin iyon ay hindi niya magawa. Nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga at hinawakan niya ang kuwintas na ibinigay sa kaniya ni Ethan. "Tama ka Lucy, hindi dapat ako mabuhay sa alaala ni Ethan." Hinubad ni Sarah ang kuwintas at pinagmasdan niya iyon. Mapait siyang ngumiti bago niya isilid iyon sa kaniyang bulsa.

Hindi alam ni Sarah kung magagawa nga ba talaga niyang kalimutan si Ethan dahil mahal pa rin niya ito. Sinubukan niyang kalimutan ito ngunit hindi siya nagtagumpay. Nalulumbay pa rin ang kaniyang puso dahil sa nangyari at ang sugat doon ay sariwa pa rin. Gusto na niyang maging masaya ngunit sa tuwing maaalala niya ang balitang may asawa na si Ethan ay tila sinusugatan ang kaniyang puso.

Sinabi ni Sarah sa kaniyang sarili na hindi na siya magpupunta pa sa bakanteng lote ngunit makaraan lamang ang isang linggo ay nagayak pa rin siya roon. Hindi niya natanggihan ang kahilingan ng kaniyang puso na punan ang labis na pananabik para sa karugtong nito. Sa pagpunta niya sa lugar na naging bahagi ng kabanata ng kaniyang buhay ay dalawang emosyon ang kaniyang naramdaman. Kahit papaano ay nakaramdaman siya ng saya nang muli niyang balikan ang alaala noong mga panahon na kasama niya si Ethan sa tuwing nagagawi sila roon at sa ginawa niyang iyon, lalo lang niyang sinugatan ang puso niya dahilan upang makaramdaman siya ng matinding lungkot.

Hindi pa rin matanggap ni Sarah na tuluyan na ngang nagwakas ang kuwento nila ni Ethan. Ang buong akala niya ay makalilikha pa silang dalawa ng masasayang kabanata ngunit madaling nagwakas ang kanilang kuwento at gaya ng mga nabasa niyang nobela, hindi lahat ng istorya ay nagtatapos sa kasiyahan dahil mayroong iba na masakit ang naging katapusan kagaya ng nangyari sa kanila ni Ethan.

Ilang oras nang nakatanaw si Ethan sa pasilyo ng kanilang bahay. Nasa ikalawang palapag siya at nakaupo habang nakatingin sa mga bituin. Ganoon ang palagi niyang ginagawa sa tuwing babalutin na ng dilim ang kalangitan dahil iyon lamang ang sa tingin niyang paraan upang mapawi ang pagkasabik niyang makapunta sa bakanteng lote habang kasama si Sarah.

32 in CalendarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon