Kabanata 39

209 39 1
                                    

"Magandang umaga," bungad ng lalaking may hawak ng isang bugkos ng bulaklak nang buksan ni Lucy ang pinto ng gate. Nakaguhit ang matamis na ngiti sa labi nito at ang mga mata nito ay tila kasing kinang ng mga bituin.

"G-Gerald," tanging sambit ni Lucy dahil hindi niya inaasahan ang pagbisita ng dati niyang nobyo lalo pa at pasado ala-siyete pa lang ng maaga. Upang hindi siya maging bastos sa paningin nito ay nilakihan niya ang pagkakabukas ng pinto kahit na gusto niyang isara iyon.

"Para sa iyo."

Tiningnan ni Lucy ang bulaklak na nais ibigay sa kaniya ni Gerald at hindi niya alam kung kukunin niya iyon. Para sa kaniya, kapag kinuha niya iyon ay tila pinapayagan muli niya itong pumasok sa kaniyang puso. Hindi niya alam kung dapat pa ba niyang muli itong papasukin sa kaniyang puso lalo pa at may anak na siya.

Napabuntong-hininga si Lucy dahil kung ano-ano ang pumapasok sa kaniyang isipin. Hindi pa niya alam kung ano talaga ang totoong motibo ni Gerald kung bakit nito piniling bisitahin siya. Sinulyapan niya ito. Nakangiti ito sa kaniya at hinihintay na kunin niya ang bulaklak.

"S-Salamat," nakangiting turan ni Lucy nang kunin niya ang bulaklak. Muli niyang sinulyapan si Gerald at tila hinihintay nito na alukin niya itong pumasok sa loob ng kanilang bahay. Nagdadalawang-isip siya dahil wala ang mga magulang niya at ang anak lang niya ang kasama niya sa loob. Hindi niya pinag-iisipan si Gerald ng masama dahil kilala niya ito. Ang sa kaniya lang ay hindi niya alam kung paano niya pakikitunguhan ang dati niyang nobyo.

Humugot ng malalim na buntong-hininga si Lucy at bahagya siyang ngumiti. "Pasok ka muna."

Inilapag ni Lucy ang tasang may laman na kape sa mesitang nasa harapan ni Gerald. Pinili niyang maupo sa sofa na nasa harapan ng dati niyang nobyo dahil tila naiilang siyang tumabi rito.

"Hindi ba kita naistorbo? Pasensya na kung maaga akong bumisita rito."

"Okay lang, p-para naman may kausap ako lalo pa at wala sila mama at papa. Si Thancy lang ang kasama ko rito."

Bahagyang tumango si Gerald. Kinuha nito ang tasa at humigop ng kape. Matapos niyon ay inilapag muli nito ang tasa sa ibabaw ng mesita at tinitigan nito si Lucy.

Ibinaling ni Lucy ang tingin niya sa ibang direksyon dahil tila hindi niya kayang makipagtitigan kay Gerald. Pakiramdam niya ay tinutunaw siya ng titig nito. Bumuntong-hininga siya upang ipabatid kay Gerald na naiilang siya sa matagal nitong pagtitig sa kaniya.

"Kumusta ka na ngayon, Lucy? Nasasaktan ka pa rin ba sa nangyari sa inyo ni Ethan?"

Bahagyang ngumiti si Lucy upang itago ang emosyon na nararamdaman niya dahil sa tuwing mababanggit ang tungkol sa kanila ni Ethan, hindi niya maiwasang masaktan at manghinayang. Hindi niya sinulyapan si Gerald dahil maaring makita nito ang lungkot na sumisilay sa kaniyang mga mata.

"Sorry kung nabanggit ko pa iyon. Kung ayaw mo nang pag-usapan pa iyon, rerespetuhin ko ang gusto mo."

Sinulyapan ni Lucy si Gerald at ang ngiti ay pinilit niyang manatili sa kaniyang labi. "Okay lang, Gerald. Saka wala na iyon sa akin."

Ilang sandaling natahimik si Gerald at nakatingin lang ito kay Lucy. "Bakit hindi mo siya pinaglaban?"

"Mahirap ipaglaban ang taong alam mong hindi naman talaga inilaan sa iyo. Ikaw, bakit wala kang girlfriend ngayon?" Pinili ni Lucy na ibahin ang ipinag-uusapan nila ni Gerald dahil natatakot siyang maaring hindi niya mapigilan ang pagbuhos ng luha sa kaniyang mga mata.

Muling kinuha ni Gerald ang tasa at humigop ito ng kape. Inilapag din muli nito ang ang tasa at ibinaling nito ang tingin sa ibang direksyon. "Sinabi ko sa sarili ko na hindi muna ako magmamahal dahil niloko ako ng babaeng minahal ko. Nalaman ko na may iba pa siyang boyfriend." Bumuntong-hininga si Gerald at ibinaling nito ang tingin kay Lucy. "Hindi ko nga alam kung anong mali sa akin."

32 in CalendarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon