Kabanata 41

194 39 0
                                    

Matamis ang ngiting nakaguhit sa labi ni Ethan habang pinagmamasdan niya ang mga naging kaibigan niya noon hanggang sa kasalukuyan na abala sa pag-aayos sa paligid. Sina Badong at Lucy ay abala sa pag-aayos ng mga nakahain sa mahabang lamesa na nababalutan ng puting sapin. Si Aaron naman ay abala sa pag-aayos ng mga upuan na gagamitin ng iba pang inanyayahan niyang magpunta sa bakanteng lote.

Hindi na makapaghintay si Ethan na alukin ng kasal si Sarah. Nasasabik na siyang maging misis ito. Sa kabila niyon ay may kaba pa rin siyang nararamdaman dahil unang pagkakataon niya iyong gagawin. Matagal na niyang nais gawin iyon at sa wakas, matapos ang mahabang panahon ay mangyayari na rin iyon.

"Ethan..."

Napalingon si Ethan sa kaniyang likuran matapos marinig ang pagtawag sa kaniyang pangalan. Napangiti siya dahil ang ina ni Sarah ang tumawag sa kaniya at kasama nito ang hipag na si Dollor maging ang ina ni Ethan.

Masaya si Ethan dahil malapit ang loob ng kaniyang ina sa ina ni Sarah at tita nito. Madalas din siyang bilinan ng kaniyang magiging biyenan na mahalin niya nang wagas ang anak nito at higit sa lahat, huwag na muli niyang sasaktan si Sarah. Hindi pa rin niya nabanggit dito ang tunay na nangyari. Kahit na ganoon ay napatawad siya ng ina ni Sarah at maging ng tita nito.

"Sigurado ka na ba na pakakasalan mo ang anak ko, Ethan?"

Batid ni Ethan ang nasa isip ng ina ni Sarah. Kahit pa may sakit ang babaeng mahal niya ay hindi iyon magiging hadlang para pakasalan ito. Naniniwala siya na darating ang araw ay gagaling din ang sakit nito. Naniniwala siya na kabilang si Sarah sa magiging cancer survivor.

Nakangiting tumango si Ethan. "Mahal na mahal ko po ang anak ninyo. Hindi ko na sasayangin ang pagkakataon na ibinigay sa akin para tuparin ko ang pangarap kong pakasalan siya."

"Nanghingi ka na ng basbas kay Nomer?" tanong ng tita ni Sarah.

"Galing po ako roon. Alam kong alam po niya kung gaano ko kamahal si Sarah at alam niya na hindi ko magagawang saktan si Sarah."

"Alam ko rin iyon, anak. Saksi ako kung gaano mo minahal si Sarah." Ibinaling ng ina ni Ethan ang tingin nito sa ina ni Sarah. "Sana lang ay hindi na saktan ni Sarah ang puso ng anak ko."

Nataranta si Ethan sa sinabi ng kaniyang ina. Agad niyang sinulyapan ng tingin ang ina ni Sarah at nakita niya rito ang labis na pagtataka. Batid niyang kapwa magtatalo ang mga ito kung sino ang totoong nagsugat sa puso niya at ni Sarah kahit na ang totoo, hindi silang dalawa ang sumugat sa puso nila.

Para kay Ethan, napakahirap itago ang nagawa nina Lucy at Aaron. Aminado siyang maging siya ay naiipit sa kasalanang hindi naman niya ginawa. Kung puwede lang sabihin niya ang totoo, matagal na niyang ginawa ngunit batid niyang hindi maaari.

"Mom, rito lang po kayo dahil may sasabihin ako sa inyo." Matapos bilinan ni Ethan ang kaniyang ina ay nilapitan niya ang ina ni Sarah at tita nito. "Dito po tayo." Inalalayan ni Ethan ang mga ito palapit sa lamesa upang mailayo niya ang dalawa sa kaniyang ina.

Matapos mapaupo ni Ethan ang ina ni Sarah at ang tita nito ay muli niyang nilapitan ang kaniyang ina. Nakita niya ang pagtataka nito sa ginawa niya at tanging pagngiti ang itugon niya sa pagtataka nito.

"Ano nga palang sasabihin mo?"

Humugot ng malalim na hininga si Ethan at pinakawalan niya agad iyon upang maikalma niya ang kaniyang sarili. "Mom, puwede ko po bang mahiling sa inyo na... na huwag na huwag po ninyong banggitin kahit kanino ang ibinalita kong may pamilya na si Sarah."

"Pero bakit, Anak? Gusto ko lang matiyak na hindi ka na ulit sasaktan ni Sarah."

Malalim na napabuntong-hininga si Ethan dahil hirap na hirap na siya sa sitwasyon niya ngunit handa niyang tiisin iyon alang-alang kay Sarah. "Ayoko na pong isipin iyon dahil ang mahalaga, masaya na kami ni Sarah. Kaya kung puwede po, pagbigyan ninyo ang hiling ko."

32 in CalendarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon