Kabanata 42

177 38 0
                                    

Patingin-tingin si Ethan sa suot niyang relo at kasunod niyon ay ang pagsulyap niya sa pintuan ng restaurant na kinaroroonan nila nina Lucy at Aaron. Mahigit isang oras na rin silang naghihintay ngunit hindi pa rin dumarating ang kanilang hinihintay.

Muling tumingin ng oras si Ethan sa kaniyang relo at napabuntong-hininga na lang siya dahil pasado alas-dos na ng hapon. Sa kabila niyon ay hindi siya nakaramdam ng inip dahil pursigido siyang makausap ang kanilang hinihintay. Kahit pa abutin siya ng gabi kahihintay, ayos lamang sa kanila lalo pa at walang kaso kay Lucy kung kailan niya nais lumagi sa restaurant dahil dati siyang may-ari niyon.

"Magtiwala lang tayo dahil darating din siya," pagpapanatag ni Lucy habang nakaguhit ang ngiti sa labi nito na tila wala itong inip na nararamdaman. Kinuha ni Lucy ang telepono nito at may tinawagan ito. Ilang sandali ay ipinatong nito sa ibabaw ng mesa ang telepono. "Hindi ko na siya ma-contact."

"Baka nakapatay lang ang cellphone niya," pahayag ni Aaron at idinako nito ang tingin sa pintuan ng restaurant.

Tanging pagbuntong-hininga na lang ang nagawa ni Ethan dahil nangangamba siya na maaring hindi sumipot ang kanilang hinihintay. Sa kabila niyon ay pinanghahawakan niya ang sinabi nito na darating ito dahil may nais itong sabihin sa kanila.

Hindi alam ni Ethan kung ano ang kahihinatnan ng pakikipag-usap niya sa tunay na may-ari ng bakanteng lote. Sinabi na niya rito sa pag-uusap nila sa telepono ang nais niyang mangyari ngunit nais pa rin nitong makipagkita sa kanila nang personal. Nangangamba siya na maaring pagbawalan na nito ang sinuman na pumasok sa loob niyon. Sa kabila niyon ay hinihiling niya na sana ay pumayag ito na sa bakanteng lote idaos ang kasal nila ni Sarah dahil nais niyang tuparin ang ipinangako niyang roon pakakasalan ang kaniyang nobya.

Hindi rin naging madali bago nalaman ni Ethan kung sino ang tunay na may-ari ng bakanteng lote. Nagpapasalamat siya dahil sa tulong nina Lucy at Aaron ay nalaman nila ang matagal na nilang nais malaman, iyon ay kung sino talaga ang may-ari ng lugar na naging bahagi ng kanilang pagkabata.

Nagtanong-tanong si Ethan kasama sina Lucy at Aaron sa mga residenteng nakatira malapit sa bakanteng lote ngunit wala silang nakuhang inpormasyon. Naisipan na nilang puntahan ang namamahala sa lugar na dating nilang tinitirhan at doon ay natukoy kung kanino nakapangalan ang malaking lupain ng bakanteng lote.

"Alam ninyo, natatawa pa rin ako kapag iniisip ko ang kapilyahan namin noon ni Sarah," panimula ni Lucy at bahagya itong tumawa. "May nakasulat sa plywood na no trespassing at nakasabit iyon sa pinto papasok sa bakanteng lote. Dahil nga bata kami, tinanggal namin iyon ni Sarah at pumasok pa rin kami. Nang panahon na iyon, alambre lang ang lock ng pinto. Iniisip ko nga, kung hindi namin tinanggal iyon, baka malungkot ang kabanata ng pagkabata ko, lalo na sa inyo ni Sarah, Ethan."

Tanging pagngiti ang itinugon ni Ethan dahil tama si Lucy. Naging mahalaga na rin ang bakanteng lote para sa kaniya dahil ang lugar na iyon ay ang saksi sa masasayang alaala nila ni Sarah. Masasabi rin niya na iyon na ang pinakapaborito niyang lugar at batid niyang maging ang kaniyang nobya ay ganoon din.

"Sorry kung na-late ako."

Hinanap ni Ethan ang nagmamay-ari ng tinig na iyon. Napangiti siya dahil sa kaniyang pakiwari ay iyon na ang kanilang hinihintay ngunit sa kabila niyon ay tumindi ang kabang nararamdaman niya.

Sa pakiwari ni Ethan ay naglalaro ang edad ng babae sa sixty pataas. Katamtaman lang ang pangangatawan nito at ang taas nito ay sa pakiwari ni Ethan ay nasa limang talampakan. Kasama nito ang manager na binilinan ni Lucy na maghatid sa kinaroroonan nila kung sakaling magtanong ito kung nasaan sila.

Umupo ang matandang babae sa tabi ni Ethan at salitan nitong binato ng tingin sina Lucy at Aaron na nasa harapan nito. "Hindi na ako magtatagal dito pero bago ko sabihin ang desisyon ko, gusto ko munang malaman kung sino ang ikakasal sa inyong tatlo."

32 in CalendarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon