Kabanata 6

353 77 38
                                    

"Isipin mo ang taong mahal mo para mas lalong gumanda ang ngiti mo." Nginitian ni Ethan si Sarah at kinindatan niya ito. "Para lang iyang kapag kumukuha ka ng litrato. Para mas maganda ang kuha mo, dapat isipin mo ang taong mahal mo."

"Ganoon ba 'yon?" Sandaling tumingin si Sarah sa kawalan bago nito muling ibalik ang tingin kay Ethan. "Sige, ready na ako. Huwag ko nang hubarin itong kuwintas na binili mo para makita rin." Tumayo si Sarah sa ilalim ng puno at ibinalik nito ang tingin kay Ethan. Ang dalawang kamay nito ay inilagay sa dibdib para mahawakan ang suot nitong kuwintas na gawa sa Santan.

"Nasaan na ang ngiti?" Nakangiting napailing si Ethan dahil hindi niya maiwasang matawa kay Sarah dahil tila naiilang pa ito. "Tandaan mo, naging bestfriend mo ako bago mo ako naging boyfriend kaya hindi ka na dapat nahihiya sa akin."

"Ito na po, gagawin na." Bumuntong-hininga si Sarah at sumimangot ito.

"Sige, sumimangot ka lang para kapag nakita mo ang drawing ko, pangit ka rito. Ngumiti ka na kasi. Isipin mo ako para mas gumanda ang drawing ko sa iyo."

Ilang sandaling hindi umimik si Sarah bago ipinaguhit ang matamis na ngiti sa labi nito. Ang tingin naman nito ay ibinaling sa kalangitan.

"Ganiyan nga, Sarah. Mas maganda ka kapag nakangiti."

"Nakangiti lang ako hanggang gumabi?"

Kinuha ni Ethan ang lapis at ang kaniyang sketchbook na nasa damuhan. "Kapag inalis mo ang ngiti mo, magiging pangit ka rito."

"Bilisan mo lang, Ethan. Nakangangalay rin kayang ngumiti."

Tanging pagngiti ang naging tugon ni Ethan. Sinimulan na niyang iguhit si Sarah at sinimulan niya iyon sa buhok nitong hanggang beywang. Nilipad ang buhok nito at hindi niya iyon pinalagpas para iguhit din kung paano iyon tangayin ng hangin.

Iginuhit ni Ethan ang katamtamang nipis ng kilay ni Sarah. Nais niyang kapalan iyon ngunit hindi niya gustong maiba ang istura ng kaniyang nobya. Sinimulan na rin niyang iguhit ang mapungay na mga mata nito na tila palaging bagong gising.

Napangiti na lang si Ethan nang simulan niyang iguhit ang ilong ni Sarah. Inaamin niyang nahirapan siya dahil hindi ganoong katangos ang ilong nito ngunit gaya ng gusto niya, nais niyang magaya ang itsura ng kaniyang nobya. Sa simula ay nahirapan siya ngunit naiguhit din niya nang maayos ang ilong nito. Dumako na siya sa may kakapalang labi nito na bumagay sa mapulang kulay niyon.

Ilang sandaling pinagmasdan ni Ethan ang naiguhit niya at masaya siya dahil naiguhit niya nang maayos ang mukha ni Sarah. Tila kaharap lang niya ang kaniyang nobya. Napangiti siya dahil sa maganda at maamong mukha nito na tila isang anghel.

"Bakit ka nakangiti?"

Napasulyap si Ethan kay Sarah at bahagya siyang tumawa. Tila inakala nito na pinagtawanan niya ang kaniyang naiguhit.

"Baka naman ginawa mo akong mukhang alien diyan?" Bahagyang tumaas ang isang kilay ni Sarah.

Napailing si Ethan at pinigilan niya ang kaniyang pagtawa dahil maaring hindi na nito ituloy ang magpaguhit sa kaniya. Ibinaling niya ang tingin sa naiguhit at ilang sandali niya iyong pinagmasdan. Matapos makapagdesisyon na wala na siyang babaguhin ay muli niyang sinulyapan si Sarah. "Puwede ka nang sumimangot."

"Puwede na rin ba akong umupo?" Inalis ni Sarah ang pagkakahawak nito sa suot na kuwintas na gawa sa Santan.

"Hindi pa, Sarah. Hawakan mo ulit ang Santan."

Muling hinawakan ni Sarah ang suot nitong kuwintas. Malayo ang tingin nito at ang ngiti ay hindi na gumuhit sa labi nito.

Napailing na lang si Ethan nang ilang sandali niyang pagmasdan si Sarah bago niya itinuloy ang pagguhit. Nahalata niya na tila malalim ang iniisip nito.

32 in CalendarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon