Kabanata 48

173 35 0
                                    

"Alagaan mo si Sarah, Ethan. Mahalin mo siya nang wagas."

Nakangiting tumango si Ethan bilang tugon niya kay Lucy. Naramdaman niya sa sinabi nito na mahal nito si Sarah bilang kaibigan. Masaya siya dahil batid niyang wala na itong nararamdaman galit at paninibugho para kay Sarah.

"Mahahalin ko si Sarah nang buong puso ko, Lucy. Hinding-hindi ko sasaktan ang damdamin niya."

"Alam namin iyon ni Lucy, Ethan." Ngumiti si Aaron at mahina nitong tinapik ang braso ni Ethan. "Humihingi pa rin ako ng tawad para sa nagawa namin ni Lucy. Dahil sa nagawa naming dalawa, inakala ni Sarah na nasaktan mo na ang damdamin niya."

Bumuntong-hininga si Ethan at ngumiti siya dahil alam nina Aaron at Lucy na matagal na niyang napatawad ang mga ito. Gusto niyang linisin ang pangalan niya kay Sarah ngunit hindi niya magawa. Gusto man niyang ipaalam dito na hindi niya magagawang saktan ang damdamin nito ngunit wala siyang magawa. Para sa kaniya, hindi na mahalaga kung inakala ni Sarah na nasaktan niya ito dahil ang mahalaga, hindi lumubha ang sakit nito.

"Alam namin ni Aaron na wagas ang pag-ibig ninyo ni Sarah dahil sa kabila ng mga nangyari at nagawa namin, pag-ibig pa rin ninyo ang nanaig." Inayos ni Lucy ang buhok nitong tinangay ng sariwang hangin sa bakanteng lote. "Akala mo siguro, ako ang makakasama mo habambuhay ano?"

Muling napangiti si Ethan habang nakatingin sa nakangiti ring si Lucy. Hindi na siya umimik dahil hindi niya alam kung ano ang itutugon niya.

"Masaya na ako sa iyo dahil ilang sandali na lang, magiging asawa mo na si Sarah." Ngumiti si Lucy at niyakap nito si Ethan. Ilang sandali lang ay kumalas din ito. "Masaya na rin ako para sa sarili ko dahil alam kong wala na akong pagmamahal na nararamdaman sa iyo. Mahal kita, pero hanggang kaibigan na lang."

"Masaya akong marinig iyan sa iyo, Lucy." Ibinaling ni Ethan ang tingin niya kay Aaron na nakangiting nakatingin sa kaniya. "Aaron, huwag kang mag-alala, hindi ako magagalit kung hanggang ngayon, mahal mo pa rin si Sarah. Hindi na ako magtataka dahil mahirap kalimutan si Sarah."

"Salamat, Ethan. Kaunting panahon na lang ang kailangan ko para tuluyan nang mawala ang espesyal na nararamdaman ko kay Sarah."

"Hihilingin kong sana, mahanap mo na ang babaeng nakatadhana sa iyo, Aaron."

"Salamat, Ethan." Muling ngumiti si Aaron. Ibinaling nito ang tingin kay Lucy. "Papunta na ba si Sarah?"

"Pupuntahan pa lang ni Gerald."

Nakangiting inangat ni Ethan ang kaniyang tingin sa kalangitan. Maliwanag iyon na nangangahulugan na walang nagbabadyang ulan. "Tito Nomer, sana gabayan mo si Sarah."

Napangiti si Sarah nang makita niya ang kabuuang repleksyon niya sa salamim habang suot ang puting gown na tila isang diamanteng kumikinang sa tuwing matatamaan ng liwanag. Bahagya niyang sinuklay ang kinulot niyang buhok gamit ang kaniyang mga daliri.

Gustong maiyak ni Sarah sa tuwa ngunit pinigilan niya dahil hindi niya gustong masira ang powndation na inilagay sa kaniya ni Badong na nagsilbi niyang make-up artist. Katamtaman lang ang pula ng magkabila niyang pisngi na bumagay sa kulay rosas na lipsticks na kaniyang labi.

"Kapag ako naman ang ikakasal, Sarah, hihigitan ko pa ang kagandahan mo."

Tiningnan ni Sarah si Badong sa repleksyon nito sa salamin. Nakataas ang kilay nito ngunit ang saya ay sumisilay sa mga mata nito tanda na masaya ito para sa kaniya.

"Hayaan mo, ako naman ang magme-make-up sa iyo, Badong."

Sumimangot si Badong. "Kailan ka pa ba naglagay ng make-up sa mukha mo? Parang sa pagkakaalala ko, ako lagi ang nagme-make-up sa iyo sa tuwing may mamahalagang kaganapan. Paano, nasanay ka na lang sa pulbo." Bumuntong-hininga si Badong at tiningnan nito si Sarah mula paa hanggang ulo. "Kung sa bagay, natural beauty ang panlaban mo pero hindi ko sinasabing mas maganda ka kaysa sa akin."

32 in CalendarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon