Kabanata 4

386 85 78
                                    

Ilang minutong pinagmasdan ni Sarah ang nakaukit na mga pangalan sa malaking punong nakatirik sa kinaroroonan niya. Muli niyang naalala ang panahon kung kailan nila inukit ni Ethan ang kanilang mga pangalan. May puso sa pagitan ng kanilang mga pangalan at ang akala niyang dahilan ni Ethan sa paglagay ng puso ay dahil silang dalawa ang malapit sa isa't isa ngunit wala siyang kaalam-alam na kapwa silang dalawang naglilihiman ng pagmamahal na higit pa sa pagkakaibigan.

Napadako ang tingin ni Sarah sa mga pangalan na nasa bahaging itaas ng pangalan nila ni Ethan. Simula nang una niyang makita ang mga pangalan na iyon ay hindi pa rin nila makilala kung sino ang mga pangalang nakaukit sa puno. Sumasagi na lang sa kanilang isipan na maaring minsan ding pinasaya ang dalawang pangalan ng babae at lalaki sa lugar na paboritong lugar nilang dalawa ni Ethan, sa bakanteng lote.

Tila isang paraiso ang bakanteng lote dahil napapalibutan iyon ng iba't ibang uri ng mga halaman. Ang kinaroroon ni Sarah sa ilalim ng puno ay ang itaas na bahagi ng lugar kung saan matatagpuan ang pinakamalaking puno roon. Kung sa ibabang bahagi ay matatagpuan ang iba't ibang halaman, sa itaas na bahagi ay puro damo lamang ang bumabalot maliban sa malaking puno.

Umupo si Sarah sa ilalim ng puno at isinandal niya ang likuran doon. Masuyo niyang nilanghap ang sariwang hangin nang malakas iyong umihip. Sa bawat pagpunta niya roon ay gumiginhawa ang kaniyang pakiramdam. Nagpapasalamat siya dahil aksidenteng natagpuan nila ni Lucy ang bakanteng lote. Natatawa na lang siya sa tuwing naiisip na ipinagbabawal ang pumasok doon ngunit dala ng pagkabata, hindi nila iyon sinunod. Simula noon ay naging palaruan na nila ang lugar na iyon at kailanman ay walang nagsaway sa kanila dahil maging ang mga tao sa kanilang lugar ay hindi rin kilala ang tunay na may-ari ng bakanteng lote.

Napangiti si Sarah nang matanaw niya si Ethan na papalapit sa kaniya. May dala itong basket at tubig. Hindi niya mawari kung ano ang laman niyon at tila ba masaya ang kaniyang nobyo na ipaalam ang dala nito.

"Pasensya ka na kung matagal ako." Inilapag ni Ethan ang mga dala nito sa tabi ni Sarah.

Napatingin si Sarah sa basket ngunit hindi niya nakita ang laman niyon dahil natatakpan iyon ng tela. Muli niyang pinasadahan ng tingin si Ethan at nakita niya ang ngiti nito habang nakatingin sa kaniya.

"Bakit parang curious kang malaman ang laman niyan? Hindi mo ba talaga alam?" Ngumiti si Ethan at tumabi ito kay Sarah. "Ano ba ang madalas nating kainin sa tuwing magpupunta tayo rito?"

Napatingin si Sarah kay Ethan at ang tingin nito ay nakatuon sa kalangitan. Napangiti siya dahil alam na niya kung ano ang laman niyon, iyon ay ang tinapay na paborito nila ni Ethan, ang Bread Ball na resipe pa ng yumao niyang ama. Ordinaryo lang ang tinapay na iyon, bilog at napapalamanan ng tsokolate sa loob.

"Kaya late ako ng thirty minutes kasi niluto ko pa 'yan." Muling ngumiti si Ethan at sinulyapan nito si Sarah. "Pero huwag mong isipin na minadali ko ang pagluto riyan dahil kung anong lasa ng tinapay na una mong ipinatikim sa akin noong nasa Elementary pa lang tayo, gusto ko ganoon lang ang lasa."

Tanging pagngiti na lang ang naging tugon ni Sarah. Isinandal niya ang kaniyang ulo sa balikat ni Ethan at ipinikit niya ang kaniyang mga mata. "Ethan, hindi ko pa ito naitatanong sa iyo."

"Ano 'yon, Sarah?"

Idinilat ni Sarah ang kaniyang mga mata at bahagya siyang nasilaw sa liwanag. "Bakit hindi mo inamin sa akin ang espesyal na nararamdaman mo noong High School na tayo?"

Naramdaman ni Sarah ang paghawak ni Ethan sa kaniyang kamay. Masuyo nitong hinagkan iyon at pinisil.

"Ibabalik ko sa iyo ang katanungan mo sa akin, Sarah."

"Ako?" Muling ipinikit ni Sarah ang kaniyang mga mata at dinama ang pagkakahawak ni Ethan sa kaniyang kamay. "Ayoko kasing masira ang pagkakaibigan natin. Matagal ko nang gustong umamin sa iyo, kaya lang natatakot ako na baka layuan mo ako."

32 in CalendarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon