Kabanata 9

402 40 18
                                    

Kinagat ni Sarah ang ibabang labi niya upang pigilan ang kaniyang pag-iyak. Hindi niya gustong iparinig ang kaniyang pag-iyak dahil gusto niyang ipaalam na hindi siya malungkot. Hindi na niya napigilan pa ang pag-agos ng kaniyang luha ngunit pinilit niyang hindi makalikha ng inggay.

"Ethan... k-kalahating taon na lang, magkikita na ulit tayo. Hindi ba ang sabi mo, dalawang taon ka lang diyan?"

"Sana nga, hindi na umabot ng dalawang taon, Sarah. Hayaan mo, magkakasama rin ulit tay."

Napangiti na lang si Sarah kahit na patuloy sa pag-agos ang kaniyang luha. Sa tuwing makakausap niya si Ethan ay hindi niya maiwasang hindi mapaiyak. Kahit isang taon na simula nang umalis ito ay hindi pa rin mawala ang lungkot sa kaniyang puso. Pakiramdam niya, ang lungkot na naramdaman niya nang umalis si Ethan ay sariwa pa rin kahit maraming araw na ang lumipas.

Sa isang Linggo, dalawang beses na nakakausap ni Sarah si Ethan. Kung minsan naman, hindi niya ito nakakausap lalo na kapag umaalis ng bahay ang pamilya ni Lucy. Gustuhin man niyang magkaroon sila ng sariling linya ng telepono ay hindi mangyari dahil sapat lang ang kinikita ng kaniyang ina. Mabuti na lang ayos lang sa mga magulang ni Lucy na nakikitawag siya.

"Kumusta na ang daddy mo?" tanong ni Sarah habang pinupunasan niya ang kaniyang luha. Humuhugot din siya paminsan-minsan ng malalim na hininga upang makapagsalita nang maayos.

Nahalata ni Sarah ang kakaibang katahimikan ni Ethan. Hindi na niya nagawang tanungin ito dahil hinihintay niya itong magsalita. Ilang sandali pa ay narinig niya ang pag-iyak nito na agad niyang ipinagtaka.

"W-Wala na si Daddy, Sarah," umiiyak na tugon ni Ethan.

Hindi agad nakapagsalita si Sarah nang marinig iyon kay Ethan. Narinig niya ang patuloy na pag-iyak ng kaniyang nobyo. Hindi niya alam kung ano ang gagawin at sasabihin niya upang mapawi ang lungkot nito dahil naramdaman din niya ang nararamdaman nito. Batid niyang napakasakit mawalan ng mahal sa buhay.

"Noong isang araw pa namatay si Daddy. Gusto sana kitang makausap para mailabas ko ang nararamdaman ko kaya lang hindi ko matawagan si Lucy."

Napatingin si Sarah kay Lucy na noon ay nakaupo hindi kalayuan sa kaniya. Nakatingin ito sa kaniya at batid niyang nakita nito ang lungkot sa kaniyang mga mata. "Baka kaya hindi mo matawagan dahil umalis sina Lucy. Magpakatatag ka lang, Ethan. Malalagpasan mo rin iyan. Sayang lang, wala ako sa tabi mo."

"Marinig ko lang ang boses mo, okay na ako," turan ni Ethan at bahagyang humina ang pag-iyak nito. "Gusto ko na sanang umuwi riyan, kaya lang marami pa kaming dapat asikasuhin dito, Sarah."

"Ano ka ba, huwag mo akong alalahanin. Nakikiramay ako, Ethan. Kung nasa akin lang ang bato, lulunukin ko talaga para makapunta ako riyan," pagbibiro ni Sarah at paraan niya iyon upang kahit paano ay mabawasan ang bigat na nararamdaman ni Ethan. Hindi siya nabigo dahil narinig niya ang mahinang pagtawa nito.

Tila naging bulag si Sarah nang bumalot ang dilim sa bahay nina Lucy. Ang tinig ni Ethan sa kabilang linya ay hindi na niya narinig. Gustuhin man niyang makausap pa ang nobyo upang damayan niya ito ngunit tuluyan nang nawala ang linya.

"Biglaan naman ang pag-brown out. Sana kaninang umaga na lang nag-brown out," pahayag ni Lucy at tumayo ito. "Kukuha lang ako ng kandila, Sarah."

Inilapag ni Sarah ang hawak niyang telepono. Natahimik lang siya dahil inisip niya si Ethan at naaawa siya sa kaniyang nobyo dahil sa pagpanaw ng ama nito. Alam niya ang pakiramdaman nang mawalan ng ama at gusto niyang damayan ito ngunit magkalayo sila. Kung nasa tabi lang siya nito ay gagawin niya ang lahat upang kahit papaano ay mabawasan ang bigat na dinadala nito gaya ng ginawa nito sa kaniya noong pumanaw ang kaniyang ama.

32 in CalendarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon