Kabanata 31

212 45 14
                                    

"Sabi ko na nga, nandito ka."

Napalingon si Sarah sa likuran niya mula sa pagkakatitig niya sa puno nang marinig niya ang pamilyar na tinig ng lalaki. Tila naparalisa ang buo niyang katawan habang nakatitig sa nakangiting si Ethan. Matamis ang ngiti nito at iyon ang matagal nang nais muling makita ni Sarah.

Hindi alam ni Sarah kung gaano katagal ang pagkakatitig niya kay Ethan at gaya rin nito ay hindi rin nito inalis ang tingin sa kaniya. Bahagyang ngumiti si Sarah ibinaling niya sa iba ang tingin niya. Tila pakiramdam nga niya ay namula ang kaniyang magkabilang pisngi.

"Kanina ka pa rito?" tanong ni Ethan at nakatitig pa rin ito kay Sarah.

Nakangiting tumango si Sarah nang hindi niya sinusulyapan si Ethan. Ala-singko ng madaling araw nang magising siya at naisipan niyang magpunta sa bakanteng lote para na rin makapag-ehersisyo. Hindi na niya ginising pa si Aaron dahil hindi niya gustong istorbuhin ito sa pagtulog kahit ito ang palagi niyang kasama sa tuwing maglalakad-lakad ng madaling-araw.

Hindi magawang sulyapan ni Sarah si Ethan. Naiinis siya sa sarili niya dahil nakararamdam siya ng pakailang dito. Sinabi niya noon sa kaniyang sarili na kung magtagpo muli ang landas nila nito ay yayakapin niya ito nang mahigpit. Hindi niya magawa ang bagay na iyon lalo pa at matalik na kaibigan niya ang naging asawa nito. Hindi niya gustong masira ang pagkakaibigan nila ni Lucy.

Bumilis ang tibok ng puso ni Sarah nang hawakan ni Ethan ang isa niyang kamay. May parte sa kaniyang isip na nag-uutos na alisin ang pagkakahawak nito sa kaniyang kamay ngunit hindi niya iyon pinakinggan. Gusto niya ang pakiramdam habang hawak ni Ethan ang kaniyang kamay na tila nararamdaman niya mula rito ang pagmamahal gaya ng pagmamahal na ipinaramdam nito sa kaniya. Sa kabila niyon ay hindi niya gustong umasa na mahal pa rin siya nito. Hindi siya nakasisiguro na nasa puso pa rin siya nito.

"Gusto ko sana, kalimutan muna natin ang mga buhay natin ngayon, Sarah." Masuyong pinisil ni Ethan ang pagkakahawak nito sa kamay ni Sarah. "Puwede bang kahit ilang minuto lang, bumalik tayo sa nakaraan?"

Tiningnan ni Sarah sa mga mata si Ethan. Hindi niya napigilang mapaluha dahil nakita niya sa mga mata nito ang panghihinayang kung bakit hindi sila ang itinadhana sa huli. Pinilit ni Sarah na ngumiti kahit patuloy sa pag-agos ang luha sa mga mata niya. "O-Oo naman."

Matamis na ngumiti si Ethan at binitiwan nito ang pagkakahawak sa kamay ni Sarah upang punasan ang luha sa pisngi niya. "Salamat, Sarah."

Nakatingin lang si Sarah sa mga mata ni Ethan at hindi niya alam kung bakit tila magnet na hinahatak nito ang tingin niya. Naramdaman niya ang muling paghawak nito sa kaniyang mga kamay at inilagay nito ang mga iyon sa balikat nito. Naramdaman din niya ang pagdampi ng mga palad ni Ethan sa kaniyang beywang.

"Gusto kong sumayaw tayo at ang magsisilbing musika natin ay ang tibok ng puso nating dalawa. Kapag nasundan mo ang bawat galaw ko, ibig sabihin, iisa lang ang tibok ng puso nating dalawa. Kapag hindi mo nasundan ang galaw ko, magkaiba ang tibok ng puso natin." Ilang sandaling tumitig si Ethan sa mga mata ni Sarah bago nito simulang ihakbang ang mga paa.

Muling napaluha si Sarah dahil naunawaan niya ang ibig iparating ng sinabi ni Ethan. Sumabay siya sa bawat paggalaw ni Ethan dahil nais niyang ipabatid dito na iisa lamang ang tibok ng kanilang mga puso, mahal pa rin niya ito. Batid niyang mali ngunit hindi niya mapigilang pagbigyan ang nananabik niyang puso. Sa kabila niyon ay nalilito siya kung ano ang dapat niyang sundin. Ang isip niya ay isinisigaw ang pangalan ni Aaron ngunit ang puso niya ay isinisigaw ang pangalan ni Ethan.

32 in CalendarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon