Kabanata 38

187 40 1
                                    

"Salamat po, Ma'am," nakangiting turan ng lalaki nang iabot nito kay Lucy ang mga pinamili.

Tanging pagngiti ang itinugon ni Lucy. Matapos makuha ang ipinamili ay nilingon niya ang kaniyang anak na nasa likuran niya upang makauwi na. Bumalot ang matinding pangamba kay Lucy nang hindi niya nakita ang kaniyang anak.

Iginala ni Lucy ang tingin niya sa convenience store na kaniyang kinaroroonan ngunit hindi niya nakita ang kaniyang anak lalo pa at malawak iyon. Napahawak siya sa kaniyang dibdib dahil sa labis na kaba at naramdaman niya ang mabilis na kabog doon.

Hawak ni Lucy ang kamay ng kaniyang anak ngunit nang magbayad na siya sa kahera ay inutusan niya ito na humawak sa laylayan ng kaniyang damit. Hindi niya naramdaman ang pagbitiw ng kamay ng kaniyang anak doon. Hindi tuloy niya alam kung saan niya ito hahanapin.

"Excuse me, puwede bang pakibantayan muna ito. Hahanapin ko lang ang anak ko."

"Sige po, Ma'am."

Inilapag ni Lucy ang mga pinamili niya at lumakad na siya para hanapin ang kaniyang anak. Sinubukan niyang ikalma ang sarili niya ngunit hindi niya magawa dahil maraming sumasagi sa kaniyang isipan. Natatakot siya na maaring lumabas ito ng convenience store at kung saan-saan na nagpunta.

Nakahinga nang maluwag si Lucy nang makita niya ang kaniyang anak. May hawak itong tsokolate sa isa nitong kamay habang ang isa namang kamay nito ay nakahawak sa kamay ng lalaking abala sa pagkuha ng kung ano sa estante. Hindi niya makita ang mukha nito dahil bahagya itong nakatalikod.

"Excuse me," turan ni Lucy sa lalaki nang makalapit siya rito. Hindi lumingon sa kaniya ang lalaking may hawak sa kamay ng anak niya dahil abala ito sa pagpili ng mga tsokolateng nasa estante. Sa isip niya ay maaring hindi lang nito alam na ito ang tinatawag niya.

"Mommy."

Ngumiti si Lucy sa kaniyang anak dahil ilang sandali rin bago siya nito nakita. Mahilig talaga ito sa tsokolate kaya hindi na kataka-taka sa kaniya na ang atensyon nito ay nasa pagkain na hawak nito.

Muling sinulyapan ni Lucy ang lalaki at natigilan siya nang makita ang mukha nito. Hindi niya alam kung ano ang una niyang gagawin dahil mahabang panahon na nang huli niya itong nakita at nakausap. Gusto man niyang ngumiti ngunit tila hindi niya magawa dahil hindi niya alam kung masaya ba siya sa muli nila nitong pagkikita.

"Lucy?" bakas ang saya sa mukha ng lalaki.

"A-Ako nga, Gerald." Sinikap ni Lucy na ngumiti upang ipakita kay Gerald na gaya nito, masaya rin sila sa muling pagtatagpo nila ng dati niyang nobyo.

"Akala ko, hindi na kita makikita ulit." Nanatiling nakapinta ang saya sa mukha ni Gerald. Ibinalik nito ang isang tsokolate na hawak nito sa estante at muling sinulyapan si Lucy. "Puwede ba tayong mag-usap? Iyon ay kung hindi ka busy."

Ibinaling ni Lucy ang tingin niya sa tsokolateng hawak ni Gerald at sa pakiwari niya ay para iyon sa nobya o asawa nito. Sinulyapang muli niya si Gerald."P-Pauwi na rin kasi kami." Ibinaling ni Lucy ang tingin niya sa kaniyang anak na nakatingin sa kaniya. Sa pakiwari niya ay tila iniisip nito kung kakilala niya si Gerald.

"Baka iniisip mo na anak ko ito, Lucy. Nagkakamali ka."

Sinulyapan ni Lucy si Gerald. Sinikap niyang pigilin ang kaniyang bahagyang pagtawa at nagtagumpay naman siya.

"Puwede mo ba akong samahan na hanapin ang mommy niya? Foreigner yata ang mga magulang nito dahil hindi nakaiintindi ng Tagalog."

Kinuha ni Lucy ang kamay ng kaniyang anak mula sa pagkakahawak ni Gerald. "Anak ko siya, Gerald."

Nawala ang saya sa mukha ni Gerald na tila hindi ito masaya sa narinig mula kay Lucy. Bahagya naman itong tumango. "M-May anak ka na pala."

Nakangiting tumango si Lucy. "Mabuti na nga lang ikaw ang nakakita kay Thancy. Mabuti na rito ko muna naisipang magpunta."

32 in CalendarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon