Kabanata 33

193 41 3
                                    

Walang ibang nagawa si Aaron kundi umiyak lang sa labas ng silid ni Sarah. Hindi niya kayang pumasok sa loob dahil hindi niya nais masaksihan ang labis na paghihirap ng kaniyang nobya. Naririnig niya ang bawat pagdaing ni Sarah maging ang pag-iyak ng ina nito at ng pinsan nitong si Badong na nasa loob ng silid.

Labis na nagagalit si Aaron sa kaniyang sarili dahil wala man lang siyang magawa upang mapahupa ang sakit na nararamdaman ni Sarah. Kung kaya nga lang niyang ilipat sa kaniya ang sakit nito upang hindi na ito magdusa ay gagawin niya ngunit batid niyang imposible iyon. Kaya niyang tiisin ang sakit ngunit ang makitang naghihirap ang mahal niya ay hindi niya kayang tiisin.

Batid ni Aaron kung sino ang makapagpapalakas kay Sarah at si Ethan iyon. Kahit masakit para sa kaniya ay titiisin niya alang-alang sa babaeng mahal niya. Ginawa na niya ang lahat upang makita itong muli ngunit nabigo siya.

Nagpadala na si Aaron ng mensahe kay Lucy ngunit nabigo siyang makumbinsi ito. Naghintay siya sa bakanteng lote ngunit hindi siya sinipot nito. Makailang ulit na rin niya itong tinawagan ngunit hindi na niya matawagan ang numero nito.

"Kumusta na si Sarah?" agad na tanong ni Aaron nang lumabas si Badong sa silid.

Malalim na bumuntong-hininga si Badong at tiningnan nito sa mga mata si Aaron. "Sa ngayon, okay na siya pero sa susunod, aatakihin na naman siya ng sakit niya."

Ibinaling ni Aaron ang tingin niya sa seradura ng pinto. Nais sana niyang pumasok sa silid ngunit tila wala siyang lakas na pihitin iyon upang buksan ang pinto. Tanging buntong-hininga na lang ang nagawa ni Aaron.

"Alam mo Aaron, nagtataka ako kung bakit si Sarah ang binigyan ng ganoong sakit samantalang mabuti siyang tao." Pinahid ni Badong ang luhang umagos sa pisngi nito. "Napaka-unfair dahil iyong masasamang tao, nagsasaya. Dapat sila ang parusahan at hindi si Sarah."

Napalunok si Aaron dahil sa sinabi ni Badong. Hindi siya nakapagsalita dahil tinamaan siya sa sinabi nito. Para sa kaniya, tama si Badong. Ang mga kagaya niya ang dapat na magdusa at hindi ang mabubuting tao. Sa kabila niyon ay hindi itatanggi ni Aaron na nagdurusa na rin siya sa ginawa niyang kasalanan. Malaking unos para sa kaniya ang makitang naghihirap si Sarah at hindi niya alam kung hanggang saan ang tatag niya.

Ibinaling ni Aaron ang tingin niya kay Badong. Malalim siyang humugot ng hininga at agad din niya iyong pinakawalan. "Badong, gusto ko sanang tulungan mo ako para matawagan o malaman natin kung nasaan si Ethan."

Bumakas ang labis na pagtataka sa mukha ni Badong na tila hindi ito makapaniwala sa sinabi ni Aaron. Sandali pa itong nakatitig lang kay Aaron bago ito nagsalita. "Bakit natin gagawin iyon, Aaron?"

"Alam kong si Ethan lang magpapalakas kay Sarah. Ngayon, handa ko nang isuko ang pagmamahal ko sa kaniya makita ko lang siyang malakas at masaya sa piling ng iba," tugon ni Aaron habang pilit niyang nilalabanan ang pagbuhos ng kaniyang luha. Batid niyang labis siyang masasaktan sa gagawin niya ngunit nakapag-isip na siya na handa na niyang palayain si Sarah. Gusto niya itong makitang masaya sa piling ni Ethan kahit pa pilit na dudurugin ang puso niya kapag makitang magkasama ang mga ito.

"Tatanungin ulit kita, sigurado ka na ba sa gagawin mo?"

Pilit ni Aaron na ngumiti at tumango siya kay Badong.

Isinubsob ni Aaron ang mukha niya sa manibela dahil tila nawalan na siya ng pag-asang malaman kung saan nakatira sina Ethan at Lucy. Kahit alam niyang maaring nilisan na ng mga ito ang Pilipinas ay hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asang maaring hindi pa umaalis ang mga ito.

"Saan naman tayo pupunta?" bakas ang kawalan ng pag-asang tanong ni Badong.

"Hindi ko na alam." Ipinikit ni Aaron ang mga mata niya dahil wala na siyang maisip kung saan pa sila pupunta. Nagtanong-tanong na rin sila sa dati nilang mga kapitbahay kung alam nito kung saan nakatira sina Lucy lalo pa at pumunta ito sa dating bahay. Nabigo siyang makakuha ng inpormasyon na magtuturo sa kanila kung saan ito matatagpuan.

32 in CalendarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon