Kabanata 23

223 53 13
                                    

"Ma'am Lucy, ito na po ang report sa restaurant. Good news po dahil patuloy pa rin na tumataas ang kita."

Iniangat ni Lucy ang tingin sa manager ng restaurant na pagmamay-ari nila ni Ethan. Isa itong Pilipina kaya hindi na siya nagdalawang-isip pa na kunin ito lalo pa at kababayan niya. Hindi naman siya nagkamali na kunin ito dahil nagagampanan nito nang maayos ang tungkulin.

Inilapag ni Lucy sa ibabaw ng mesa ang mga papeles na patungkol naman sa iba pa nilang restaurant. "Pakilapag na lang," malapad ang ngiting tugon ni Lucy dahil nakasisiguro siyang matutuwa sa kaniya ang biyenan niya at higit lalo si Ethan.

Nag-aral si Lucy ng kursong Bachelor of Science in Bussiness Admistration upang makatuwang siya ni Ethan sa pagpapalago sa negosyo ng pamilya nito. Sa ngayon, isa na rin siya sa mga nagpapatakbo ng mga negosyo nila ni Ethan gaya ng restaurant, botique at coffe shop. Sa katunayan ay may mga branch na rin sila sa Pilipinas.

Masaya si Lucy sa buhay niya ngayon. Nararamdaman na niya ang pagmamahal ni Ethan na matagal niyang hinangad ngunit hindi naging madali ang lahat bago niya masabing masaya na siya sa piling ng lalaking minamahal niya. Kahit na ipinaparamdam nito noon sa kaniya ang pagmamahal na hinangad niya ay naramdaman pa rin niyang nasa puso nito si Sarah. Hinayaan iyon ni Lucy dahil ang gusto niya ay si Ethan ang gagawa upang maalis nito sa puso si Sarah. Umasa siya na tutuparin nito ang sinabi nitong kalilimutan na nito ang dating kasintahan.

Maraming taon na ang lumipas at umaasa si Lucy na wala nang nararamdamang pagmamahal si Ethan para kay Sarah. Gusto pa rin niya itong tanungin kung naalis na ba nito sa puso ang dating kasintahan ngunit hindi niya magawa dahil natatakot siya sa posible niyang malaman. Ang mahalaga na lang sa kaniya ay kasal at may pamilya sila nito.

"Sige po, mauna na ako."

Tanging pagtango ang itinugon ni Lucy sa manager. Sinundan niya ito ng tingin hanggang makalabas ito ng kaniyang opisina. Ilang sandali ay narinig niya ang pagtunog ng kaniyang telepono. Kinuha niya iyon upang sagutin ang tawag ng asawa niyang si Ethan.

"Nariyan ka pa rin ba sa office mo Lucy?"

"May tinatapos lang ako."

"Tawagan mo na lang ako kapag tapos ka na para masundo kita."

"Si Thancy?" Kahit ilang oras pa lang niyang hindi ito nakakasama ay gusto na niya itong makasama at kahit anim na taon na ang anak nila ni Ethan, itinuturing pa rin niya itong baby. Ang anak na nga lang niya ang tumatanggi kapag gusto niya itong kargahin. Mahal na mahal niya ang pamilya niya at hiling niya na sana ay maging masaya lang sila kahit alam niyang maaaring silang masira sa oras na malaman na ni Ethan ang kasinungalingan na matagal niyang itinago.

"Kasama siya ng lola niya. Sige na, para matapos ka na riyan at makapag-dinner na tayo."

Hindi na nagsalita si Lucy bagkus ay siya na mismo ang nagbaba ng tawag. Tiningnan niya ang oras sa kaniyang telepono. Napabuntong-hininga siya nang malaman na dalawang oras na lang ay sasapit na ang gabi.

"Bubuksan ko ba o hindi?" Makailang ulit nang tinatanong ni Sarah ang kaniyang sarili habang nasa harapan siya ng aparador. Gusto niyang buksan iyon ngunit tila may pumipigil sa kaniya.

Ilang taon na ring hindi nabuksan ni Sarah ang aparador simula nang ikadena niya iyon. Wala namang ibang laman iyon maliban sa kahon na naglalaman ng mga alaala ni Ethan. Hindi niya maitatanggi na gusto niyang muling tingnan ang mga bagay na nagpapaalala sa kaniya kay Ethan dahil may lungkot at saya siyang naramdaman nang makakita ng magkaibigan ng batang babae at lalaki. Nakita niya kung gaano kalapit ang loob ng dalawa dahilan upang maalala niya si Ethan.

Kahit kailan naman ay hindi nawala sa isip ni Sarah si Ethan at hindi niya maitatanggi iyon. Kahit napakaraming taon na ang lumipas ay patuloy pa rin itong gumugulo sa kaniyang isipan at ang hindi niya maitatanggi ay ang pagmamahal niya para rito na hindi niya alam kung bakit hindi mawala-wala. Ginawa na niya ang lahat ngunit hindi pa rin sapat ang mga iyon upang tuluyan niyang maalis sa kaniyang puso si Ethan.

32 in CalendarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon