CHAPTER TWENTY-TWO

31.7K 702 45
                                    

TUWANG-TUWA ang mga magulang nila Blake at Mandy nang malamang nagkabalikan sila. Gaya ng inaasahan, nagtatatalon sa tuwa ang mommy ni Mandy. Lalo na nang ianunsiyo nilang engaged na sila. Nag-chorus sa pagtatanong ang mga ito kung kailan ang petsa ng kasal. Excited na raw ang mga itong magkaapo. Natatawang umiling na lang sila sa kakulitan ng mga magulang. Hindi pa nila napag-uusapan ang bagay na iyon. For the moment, ie-enjoy muna nila ang mga oras na muling nagkasama.

Humingi ng tawad kay Mandy ang mag-asawang Peralta dahil sa ginawa ni Kuya Nate, na agad niyang inawat. Walang may kagustuhan ng nangyari kaya walang dapat ihingi ng tawad ang mga ito sa kanya.

Binisita nila si Kuya Nate sa mental hospital sa New York. Tinitigan lang siya ni Kuya Nate—na halatang hindi siya nakilala—pero nang makita nito si Blake ay naging mabangis ang hitsura nito. Agad silang lumayo rito at nagkubli sa pader. Pagkaraan ng ilang saglit, kalmado na ito at paulit-ulit na namang binabanggit ang pangalan ng ex-girlfriend at kung gaano nito kamahal ang babae. Panaka-naka itong tumatayo at lalakad paikot sa kuwarto at aaktong nasa opisina. Naawa si Mandy sa kalagayan nito. Hindi naman siya nagalit kay Kuya Nate nang malamang ito ang may kagagawan kung bakit napilitan si Blake na saktan siya, napatawad din niya ito agad. Alam niyang mabuting tao si Kuya Nate at nagawa lang nito iyon sa labis na bugso ng damdamin. Wala siyang ibang hiling kundi ang mabilis na paggaling nito. At muling mabuo ang pamilya ng fiancé.

Masayang-masaya rin ang mga kaibigan niya para sa kanila. Nang sabihin niyang engaged na sila ni Blake, halos mabingi si Mandy sa lakas ng tilian nina Phoebe at Maggie. Humabol din sina Hero at Heroine na nag-overseas call. Nasa Paris pa kasi ang mga ito para sa honeymoon. Noon niya ikinuwento ang lahat-lahat sa mga kaibigan, ang totoong namagitan sa kanila ng fiancé six years ago. They were shocked at first pero hindi rin nagtagal at puro panunukso na ang natanggap niya sa mga ito. Na kaya pala ganoon sila ka-intimate ni Blake tuwing titingnan ang isa't isa. Natawa na lang siya.

Noon lang din niya naunawaan ang ibig sabihin ni Heroine bago ito sumakay ng karwahe, that it was her turn. It was her turn to be happy with the man she loved. At walang ibang lalaki itong tinutukoy kundi si Blake. Her best friend must've seen it coming.

"Nag-text si Mama Auds, nangungulit na naman kung nakapag-decide na tayo kung kailan ang date ng kasal natin," natatawang sabi ni Blake kay Mandy habang sakay sila ng Aston Martin nito. Ibinaba nito ang cell phone sa dashboard.

Ipinaikot niya ang mga mata at umiling. "Hay naku, si Mommy talaga."

"Ganoon din sila Mom and Dad. 'Yon ang paulit-ulit nilang tinatanong sa akin tuwing umuuwi ako sa mansiyon."

"Mas excited pa sila sa atin."

"Excited na raw kasi silang magkaroon ng maraming apo." naaaliw na sabi pa nito.

"Well," ngumiti siya at naku-curious na tiningnan ito. "ilan ba ang gusto mong anak, babe?"

He glanced at her, too, smiling. "Sampu."

Nawala ang pagkakangiti niya at nagsalubong ang mga kilay. "Seryoso ka ba? Sampu? Gusto mo ng sampung anak, Blake? Diyos ko, papatayin mo yata ako sa panganganak, eh! Hindi ko kaya ang gano'n karami!" Ang hudyo, tumawa pa!

"Gusto nila ng maraming apo. Eh, di pagbigyan natin."

"Papayag ako kung ikaw ang magbubuntis. Ipapasa ko sa 'yo ang reproductive system ko."

Lalong humagalpak ng tawa si Blake. "Ilan ba ang gusto mo?"

"Okay na sa akin ang tatlo. Baka kapag gano'n karami ang ilabas ko, hindi mo na ako magugustuhan dahil losyang na."

"Asus." Hinawakan nito ang isang kamay niya at hinalikan ang likod ng palad. "Kahit malosyang ka, ikaw pa rin ang pinakamaganda, pinaka-hot, at pinaka-sexy para sa akin."

HOT STRINGS ATTACHED ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon