Part 5

15.7K 421 5
                                    



NAKALIMANG pindot na ng doorbell si Lailani sa bahay ni Jett Alcaraz bago may lumitaw na unipormadong katulong. May hawak itong pool net na may mahabang tangkay. Binuksan nito ang gate. Sa tingin niya ay matanda lamang sa kanya ito ng ilang taon.

"Ano 'yon?" Pinasadahan nito ng tingin ang suot niyang uniporme at ang hawak niyang basket ng mga gulay. Pagkatapos ay nagtatakang tinitigan siya sa mukha. "Katulong ka din?"

Ngumiti siya at inilahad ang kamay. "Oo. Ako si Leigh. Katulong ako doon sa kabilang block."

Kahit nag-aalangan ay tinanggap nito ang palad niya. Pinisil-pisil pa nito iyon. "Ako naman si Mila. Katulong ka ba talaga? Bakit hindi ka mukhang katulong? Bakit ang lambot ng kamay mo? Nakakainggit ka naman."

Mabilis siyang nakaisip ng dahilan. "Mahilig kasi akong mag-lotion. Ikaw, dapat inaalagaan mo rin ang kutis mo. Kaya nga tayo nagtatrabaho para may ipantustos sa sarili, di ba?"

Bahagyang lumungkot ang mukha nito. "Ipinapadala ko kasi sa probinsya ang sinusuweldo ko, eh."

"Ganoon ba?" nakikisimpatyang sabi niya. "Maliit ba ang suweldo mo? At saka, ikaw lang ba ang katulong diyan?"

"Oo, all-around maid ako dito, 'no? Labandera, plantsadora, kusinera, tagalinis at hardinera din. Pero malaki rin ang suweldo ko, anim na libo. Masyado kasing pribado ang amo ko, eh. Palibhasa babaero. Ayaw pagtsismisan kaya iisa lang akong maid dito," kuwento nito na tila palagay na kaagad ang loob sa kanya.

Napangiti siya nang lihim. Kailangan niyang makumpirma ang tungkol sa alleged Fil-Am girlfriend ni Jett, pati kung sinu-sinong kilalang babae ang naiuwi na nito sa bahay na iyon. At kung mayroon pa siyang mapipiga mula sa maid nito ay mas mainam. Ibibigay niya sa kakilala niyang tabloid writer ang impormasyong makakalap.

"Babaero 'ika mo?"

"Oo," nakalabi pang sagot nito. "Linggu-linggo, iba-iba ang dinadalang babae dito. Minsan artista. Pero madalas, modelo."

"Bakit, sino ba'ng amo mo? Artista ba?"

"Hindi. Basketbolista siya. Si Jett Alcaraz."

"Si Jett ng Vortex?" kunwa'y gulat na bulalas niya. "Talaga? Ang guwapo n'un ah! Ang suwerte mo naman, 'Day!" Oh, I how hate saying this crap!

Umiling ito. "Hindi rin. Mabait ang amo ko kaya lang babaero nga. At saka kahit crush ko siya, wala akong pag-asa roon. Bukod sa katulong lang ako, hindi pa ako mestiza at matangkad." Bumuntunghininga pa ito habang yakap ang pool net.

No wonder, he included her sister to his collection! Mestiza at matangkad ang kapatid niya dahil nagmana ito kay Ditas.

Madali niyang binago ang ekpresyon nang bumaling si Mila sa kanya. "Ibig mo bang sabihin, malabo rin niya akong patulan?" Hindi tulad ni Larissa, morena siya. Mas mataas din ng dalawang pulgada sa kanya ang kapatid.

Pinasadahan nito ng tingin ang kanyang kabuuan. "Alam mo, maganda ka. Hindi ka bagay na katulong. Ba't hindi ka na lang mamasukan sa ibang trabaho?"

"Uy, hindi naman masyado. Saka mas gusto ko nang maging katulong kaysa magbenta ng aliw."

Marahan siya nitong hinampas sa balikat. "Uy, hindi iyon ang ibig kong sabihin. Ba't hindi ka na lang mag-artista, halimbawa?"

"Naku, hindi ako marunong umarte. Wala akong talent. Pero, speaking of artista, siguro marami ka nang artistang nakita, 'no? Eh, linggu-linggo 'ka mo may bumibisitang artista dito," maniobra niya sa usapan. She needed names.

Kinakitaan ng pagkasuya ang mukha nito. "Naku, hindi ko sila gusto. Kalimitan mga sexy stars..."

Please mention names... please...piping dasal niya.

"Kilala mo ba si Trisha Rose, iyong international sexy star daw? Dinala na ni Sir dati dito iyon."

"Talaga?" Bigatin palang mambabae ang hudas!

"Oo. Saka iyong bold star na naging komedyante na, si Rizza Estevez. Marami pa. At saka 'yung nasa commercial ng shampoo na sinusundan ng lalaki doon 'tapos nabangga pa 'yung lalaki? Ano nga ba'ng pangalan nun?"

Mara Crisande... Sikat na ramp model. Naging cover girl na iyon ng FEM . "Ah, iyon?"

"Oo, iyon. Mara yata ang pangalan n'un. Madalas dito iyon. Iyon lang ang kaisa-isang babaeng alam na may nobya na si Sir pero parang okay lang sa kanyang mag-asta-kabit."

Bingo! "May nobya na ang amo mo?"

"Oo. Nasa Amerika. Pero sekreto iyon, eh. Huwag mong sasabihin kahit kanino, ha? Marami na ngang nagpunta rito at tinatanong ako tungkol d'un pero hindi ko sinasabi ang totoo. Kabilin-bilinan ni Sir."

Ang kapal talaga ng mukha! May nobya na, nakukuha pang mambabae! "Kawawa naman pala ang nobya ng amo mo. Ba't kasi nand'un siya sa Amerika? Ba't hindi sila magkasama kung totoong magnobyo sila?"

"Hindi daw kasi matagalan ang init dito. At saka kahit anong pambababae ang gawin ni Sir, sila pa rin sa huli kasi..." Natigilan ito sa pagkukuwento nang may maalala. "Naku, hindi ko na namalayan ang oras. Nalibang ako."

Napangiti siya kahit nabitin sa sinasabi ni Mila. Baka pag nagtanong siya ng karugtong sa kuwento nito ay makahalata na ito. "Oo nga. Baka hinihintay na rin ako ng amo ko. Salamat sa chikahan ha, Mila." Hinawakan pa niya ang braso nito.

Hinawakan nito ang kamay niya. "Salamat din, ha? Buti at nakipagkilala ka sa akin. Wala na kasi akong makausap rito. Iyong kakuwentuhan ko diyan sa kabilang bahay, hindi na ako kinakausap kasi pinagalitan ng amo."

"Ganoon ba? Huwag kang mag-alala, babalik ako kapag wala akong ginagawa para makapagkuwentuhan ulit tayo. At saka, bibigyan kita ng lotion, gusto mo?"

Undercover Maid [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon