Part 1

17.9K 337 30
                                    

"Give me an O!" Nagporma si Gemme ng "O" sa pamamagitan ng pagtataas ng dalawang braso pabilog habang hawak pa ang mga pom-poms. "Give me a W! Give me an E! Give me an N! What do we got?"

"FOOL!" sagot ng best friend niyang si Miles.

Inangilan ni Gemme ang kaibigan at iritadong ibinaba ang hawak na pom-poms. Tumawa si Miles. "Bingi ka ba o gumaganti ka lang?"

Palagi kasi niyang pinapangaralan si Miles noong panahong patay na patay ito sa first love nitong ni Evan. Ngayong siya naman ang patay na patay sa isang lalaki, ito naman ang nanonopla sa kanya.

"Owen, Owen, Owen. Puro na lang Owen ang naririnig ko sa 'yo. Kahit sa cheering, si Owen pa rin ang isinisigaw mo."

"Eh, ano'ng magagawa ko kung siya ang isinisigaw ng puso ko?" dramatic na sabi niya.

"Yuck! Tigilan mo na nga 'yang ka-corny-han mo."

"Corny raw. Kung 'di ko pa alam na mas malala ka sa akin. Remember kung paano mo ipinagsigawan na patay na patay ka kay Evan noong—" Hindi na niya naituloy ang sinasabi dahil mabilis na tinakpan ni Miles ng palad nito ang kanyang bibig. Nang matanggal niya ang kamay ng kaibigan ay binelatan niya ito.

Ayaw na ayaw ni Miles na ipinapaalala ang nangyari dito sa university kung saan sila sabay na nag-drop out. Kahit hindi nito sabihin sa kanya, alam niyang hindi pa rin talaga nakaka-recover ang kaibigan sa pinagdaanang kahihiyan doon at sa kinahinatnan ng unang pag-ibig nito. Pero hindi na ito emosyonal kapag napag-uusapan iyon ngayon.

Ang insidenteng iyon ang nagtulak sa kanyang kaibigan para lumipat sa ibang eskuwelahan. Dahil ayaw niyang mawalay kay Miles, nag-drop out din siya para sumama rito.

Hindi pinagsisisihan ni Gemme na sumama sa kaibigan at lumipat sa St. Catherine University. Mas maganda ang environment ng bago nilang school. Mas mababait ang mga miyembro ng pep squad kung saan natanggap siya nang mag-try out siya. Mas cool ang kanyang schoolmates. At higit sa lahat, mas masaya siya roon dahil naroon si Owen, ang kanyang ultimate crush.

Ang unang beses na nakapunta si Gemme sa St. Catherine ay nang idaos ang interschool cheerleading competition at kalahok ang pep squad na kinabibilangan niya sa dating university. Hindi man nila nabingwit ang championship ay masayang-masaya siya dahil nakilala niya si Owen, ang team captain ng basketball varsity ng university na iyon.

Una pa lang niyang nakita ang binata na naglalakad sa gymnasium, napatunganga na kaagad siya. He was tall, fair, and handsome. He had the most expressive eyes she had ever seen. Prominente ang malapad nitong mga balikat. Nahulog ang kanyang pom-poms nang ngumiti ito sa kanya. Kumabog nang malakas ang kanyang puso. Ito lang ang lalaking nakapagpatibok sa kanyang puso nang ganoon kabilis na pakiramdam niya ay may tachycardia siya.

Nang dahil kay Owen, na-inspire si Gemme nang mag-perform ang kanyang grupo. Pagkatapos ng kompetisyon ay lumapit siya kasama ang ibang mga kasamahan niya sa team ng mga ito. Isa-isa silang nagpakilala sa mga ito. Hindi suplado si Owen. In fact, halos twenty minutes silang kinausap nito. Kung hindi siguro dumating ang isang maganda at sexy na babae na maikli ang suot ay hindi pa sila iiwan ni Owen.

Napag-alaman niyang ang babaeng iyon ang girlfriend ni Owen. Her name was Fia, and she behaved like a bitch. Nang ipakilala sila ni Owen kay Fia, halatang ayaw ng babae na kausapin sila. Hinila nito palayo ang nobyo.

Ayon sa kanyang narinig, matagal nang magnobyo sina Owen at Fia. Almost five years na raw ang relasyon ng dalawa. Si Fia lang daw ang tumagal na nobya ni Owen. Mukhang seryoso raw ito sa babae.

Nalungkot si Gemme sa nalaman. Gayunman, hindi nawala ang paghanga niya kay Owen. Ito pa rin ang lalaking pangarap niya. Kahit magkaiba sila ng university, sadyang dumaraan siya sa St. Catherine para makita ang binata. Ganoon kalakas ang tama niya kay Owen. Kaya naman nang magpasya si Miles na mag-drop out at lumipat sa ibang school, isinuhestiyon niya na sa St. Catherine University na lang sila lumipat.

Ipinagpalagay niya na sign ang paglipat nila sa St. Catherine para ipaglaban ang feelings niya kay Owen.

Natatandaan pa ni Gemme noong nasa canteen siya ng university, nakita niya si Owen sa unang pagkakataon mula nang lumipat sila sa St. Catherine. Nang mapadako ang tingin sa kanya ng binata, nasorpresa siya nang ngumiti ito at lumapit sa kanya.

"You're the cheerleader from the other university, right?"

"Yes.'Buti, natatandaan mo pa ako," natutuwang sabi niya.

"Paano kita hindi matatandaan, you talked a lot during our conversation," nakangiting sabi nito.

Aminado si Gemme na naging madaldal siya noon. Gusto kasi talaga niyang mapansin ni Owen at nagbunga naman ang kanyang effort dahil natandaan siya ng binata.

Nang mga sumunod na araw ay hanggang tingin na lang siya kay Owen. Hindi kasi siya makalapit dahil lagi nitong kasama at si Fia. Kung hindi si Fia, ang mga barkada o teammates naman nito ang kasama. Isa pa, hindi niya alam kung ano ang idadahilan kapag lumapit siya sa binata. Hindi rin niya gustong makahalata ito sa feelings niya. Gusto lang niyang magkaroon ng dahilan para lumapit-lapit dito.

Nang makapasa siya sa audition ng pep squad, nagkaroon sila ng kahit kaunting proximity dahil iisang gym lang ang ginagamit nila. Minsan, nakakakuwentuhan niya si Owen kasama ng iba niyang mga kaibigan. Pero hanggang doon lang iyon. Hindi siya maaaring magpakita ng interes sa binata dahil baka layuan siya nito. Anong klaseng babae siya kung makikipag-flirt siya sa lalaking may girlfriend? Isa pa, hindi niya kaya iyon.

Alam ni Gemme na hindi siya campus princess katulad ni Fia at malabong mapansin siya ni Owen bilang isang babae. Alam niya na hanggang may Fia, hindi siya mapapansin ng binata. Kaya hanggang tingin na lang siya. Hinihintay niyang maghiwalay ang dalawa para magkaroon na siya ng pag-asa kay Owen. Kaya lang, natapos na ang isang semester, wala pa ring nangyayari. Mukhang hindi na maghihiwalay ang dalawa.

Puwede naman niyang sagutin ang manliligaw niyang si Jim para makalimutan si Owen pero alam niyang mali iyon. Hindi niya gusto si Jim at hindi tamang gamitin niya ang lalaki. Araw-araw, hinihiling ni Gemme sa wishing well sa isang parte ng university na sana, magkahiwalay na sina Owen at Fia. Kaya lang, marami na siyang baryang naihulog sa wishing well pero hindi pa rin natutupad ang kanyang wish.

"Kapag hindi mo itinigil 'yang pangangarap mo kay Owen, baka masaktan ka rin gaya ng nangyari sa akin," ani Miles na nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan. Mukhang seryoso na ito at hindi na nakikipagkulitan.

"Magkaiba sina Evan at Owen. Hindi bully si Owen. In fact, he's nice and very approachable. Hindi niya ako sasaktan tulad ng ginawa sa 'yo ni Evan."

"Pero may girlfriend siya, at hindi ka niya pinapansin."

"Iyon na nga, eh. Hindi niya ako pinapansin kasi may girlfriend siya. Kapag nawala ang girlfriend niya, mapapansin na niya ako."

"Eh, paano kung year two thousand and twenty pa mag-break ang dalawang iyon, eh, di magiging matandang dalaga ka na sa kakahintay sa lalaking 'yon?"

"No. Nararamdaman kong hindi sila magtatagal."

Pumalatak ito. "Kung ako sa 'yo, sasagutin ko na si Jim. Isang buong sem na siyang nanliligaw sa 'yo. Okay naman siya, ah. Cute, mabait, matalino, matiyaga—"

"Pero si Owen lang ang gusto ko," putol niya sa paglilitanya nito.

Bumuntong-hininga si Miles. "Bahala ka na nga. Malaki ka na. Basta huwag na huwag mong pababayaan ang pag-aaral mo. Mas mahalaga ang pag-aaral kaysa sa mga lalaking 'yan."

"Opo."

Alam ni Gemme na concerned lang sa kanya ang kaibigan. Hindi nito gustong mangyari sa kanya ang nangyari dito. Pero sa tingin niya, hindi naman imposibleng mahalin siya ni Owen. Siguro nga hindi siya kasingganda ni Fia pero hindi naman siya pahuhuli. Kailangan lang na mapagtuunan siya ng pansin ni Owen at makita nitong bagay rin sila. Kinilig siya sa naisip.

One of these days, matutupad din ang hiling niya sa wishing well. Mamahalin din siya ni Owen.

GEMME, The Cheerleader [COMPLETED] (St. Catherine University Series Book #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon