ANG MGA bida sa sikat na classic movie na Gone With The Wind ang napagkasunduan nina Gemme at Owen na i-portray sa themed party. She wore a white balloon gown with floral details and matching wide-brimmed hat.
"You're beautiful, Scarlett O' Hara," nakangiting puri sa kanya ni Owen nang makita siyang lumabas mula sa gate ng kanilang bahay. Nagpumilit ang binata na susunduin siya kaya maaga pa lang, nakaayos na siya dahil ayaw niyang papasukin ito sa loob ng bahay para hintayin siya. Mabubuking kasi nito na hindi lang siya nakikitira sa mansiyon na iyon.
"And you're handsome, Rhett Butler. Type ko ang bigote mo." Sadyang nagpatubo ng bigote si Owen para sa character nito.
Nagtawanan sila. Namangha si Gemme sa nakitang kotse na nakaparada sa labas ng kanilang gate. Isang vintage gray beetle. "Wow."
Ngumisi ito. "Volkswagen beetle. Para classic na classic."
Hinaplos niya ang kotse. "Where did you get this?"
"Iniwan ng father ko sa akin ang collection niya ng vintage cars."
"Puwede talaga nating gamitin sa road ito? LTO registered ba ito?"
"No. Pero may ikinabit akong plaka na kinuha ko from our old car na hindi na ginagamit para hindi mahuli."
"Bad ka, Rhett, ha. Paano kung mahuli ka ng traffic enforcer?"
"Frankly, my dear, I don't give a damn."
Ang lakas ng tawa ni Gemme. Kuhang-kuha kasi ni Owen kung paano binigkas ni Rhett sa pelikula ang dialogue na iyon. Sa loob ng kotse, classic songs ang pinatugtog nito sa car stereo.
Nang makarating sila sa Genares residence kung saan ginanap ang party ay lalo siyang natawa sa mga nakita. Pang-old Hollywood ang disenyo ng venue. The party was filled with famous Hollywood movie characters indeed. Karamihan ay exaggerated ang mga porma. Si Jacob ay si Danny Zuko na ginanapan ni John Travolta sa pelikulang Grease. At si Frei ay si Tarzan! Buhaghag at malago ang wig na isinuot nito at nakabahag lang na yari sa dahon. Sumakit ang tiyan ni Gemme sa kakatawa sa hitsura ni Frei at sa paraan ng pagsasalita na parang si Starzan.
"'Aganda Scarlett, guwapo Rhett. Bagay! Bagay! Kiss! Kiss!" pangungulit pa ni Frei.
"Tumahimik ka, Istarzan," saway niya.
"Ako punta gubat, hanap Jane. Ako inggit. Wala partner," paalam nito.
"Bakit abnormal si Frei?"
"Hindi ko alam, eh. Hindi ko nga rin alam kung bakit naging kaibigan ko 'yan."
She laughed. Nakihalubilo sila sa ibang mga guest na schoolmates din nila. Lumilibot ang mga mata ni Gemme habang nakikipag-chika-han. Hinahanap niya si Fia. Hindi niya makita ang babae. Mayamaya, nakaramdam siya ng call of nature kaya nagpaalam siya kay Owen at sa mga kausap na pupunta sa banyo.
Malawak ang backyard ng bahay nina Jerry. May napakalaking pavilion at napakagandang landscape garden na parang commercial venue para sa parties. Siguro ay dahil nga events and party organizer ang mama ni Jerry kaya ganoon ang disenyo ng bahay ng mga ito. May dalawang banyo pa sa isang bahagi niyon na mukhang sinadya para sa house parties. Para nga naman hindi na pumasok sa mansiyon ang guests.
Nakita niya si Hero pagkalabas niya ng ladies' room. Nakita na niya kanina ang binata pero nagtanguan lang sila dahil busy siya sa pakikipag-usap sa kanyang schoolmates. Noong isang araw, nakasalubong niya si Hero habang marami siyang dalang libro. Tinulungan siya nito sa pagbibitbit hanggang sa faculty room. He was very nice. Halata sa kilos ni Hero na attracted ito sa kanya. Saglit silang nagkakuwentuhan. Itinanong nito kung pupunta siya sa party ni Jerry. Kaibigan pala ito ng birthday celebrant. Kaya hindi na siya nagulat nang makita roon ang binata. Ang ikinagulat niya ay ang hitsura at suot nito.
BINABASA MO ANG
GEMME, The Cheerleader [COMPLETED] (St. Catherine University Series Book #1)
RomanceTuwang-tuwa si Gemme nang mabalitaan niyang nag-break na sina Owen at Fia. Naisip niyang sa wakas ay magkakaroon na siya ng pag-asa kay Owen, ang lalaking pinapangarap niya. Pero hindi malubos ang saya niya dahil mahal pa rin ni Owen si Fia at deter...