Part 7

8.6K 249 9
                                    

"PAANO naging kayo ni Owen?" tanong kaagad ni Miles kay Gemme nang hilahin siya sa isang sulok.

Nakahanda na ang idadahilan niya sa kaibigan dahil alam niyang mag-uusisa ito. "'Di ba, sabi ko sa 'yo, kapag naghiwalay na sina Owen at Fia, gagawa ako ng paraan para mapansin ako ni Owen? Nagpaganda ako kaya naakit siya sa akin. Niligawan niya ako kahapon. Sinagot ko agad siya dahil ayokong magbago ang isip niya. At ngayon... dyaraan!" Ibinuka pa niya ang mga braso. "Kami na! Ang galing ko, 'di ba? Ayaw mo lang kasing maniwala sa charm ko, eh."

"You have to dress like a slut just to be his girlfriend. Hindi nakakabilib 'yon."

Inakbayan ni Gemme ang kaibigan. "Grabe ka naman. Why don't you just be happy for me? Mahal ko si Owen at alam mo 'yan. Gusto kong maging kami kaya hindi ko na pinalampas ang pagkakataon."

"Para kang naging rebound girlfriend, eh."

"I don't care. Basta gusto rin niya ako. Period. Nagmahal ka na rin, Miles. Kaya alam kong naiintindihan mo ako."

Bumuntong-hininga ito. "Masaya ka ba?"

"Masayang-masaya." Totoong masaya siya kahit alam niyang palabas lang ang lahat. Pasasaan ba at makukuha rin niya ang loob ni Owen. Kailangan lang niyang magtiyaga.

"Bahala ka na nga. Basta masaya ka. Mag-ingat ka, ha. Huwag kang masyadong ma-in love dahil baka ikapahamak mo 'yan."

Naputol ang pag-uusap nila nang matanaw niya si Jim na papalapit. Dati, palagi itong nakangiti kapag nakikita siya. Ngayon, walang bakas ng kasiyahan sa mukha nito. Siguro nakita siya ni Jim kanina na kaakbay ni Owen. Nilagpasan din siya ng binata nang hindi siya binabati. Naaawa man siya rito ay wala siyang magagawa.

KUMALAT na sa buong campus ang balitang may bagong girlfriend na ang captain ng basketball varsity team. Dahil isa sa mga campus figure, pinag-usapan ang bagong love life ni Owen. Sa department lang nila kilala si Gemme pero nang kumalat sa campus ang "relasyon" nila ni Owen ay sumikat na siya sa buong campus.

"Energy drink for my baby," nakangiting sabi niya habang isinasayaw ang bote ng energy drink na kanyang binili para kay Owen.

Ngumiti ito at inihagis ang bola kay Frei. Hinintay siya ni Owen na makalapit dito. Tinanggap nito ang energy drink. "Thanks." Tinungga iyon ng binata pagkatapos buksan.

"Napagod ka ba?" malambing na tanong ni Gemme.

"Hindi naman masyado," sagot nito.

"You are soaked! Baka magkasakit ka." Kinuha niya ang towel ni Owen at pinunasan ang pawis nito sa mukha.

Mukhang nabigla ito sa kanyang ginawa. Lalo na nang lumipat siya sa likuran ng binata at ipaloob ang towelette sa jersey shirt nito para punasan ang likod nito. Sa pagkakaalam ni Gemme, ganoon ang ginagawa ng isang caring girlfriend sa boyfriend nito.

Inawat siya ni Owen. "Hey, what are you doing?"

"Taking care of my boyfriend. Why? Hindi ba ito ginagawa dati ni Fia sa 'yo?" tanong niya.

"Hindi."

"Pero dapat, ginagawa niya ito sa iyo. This is what a good girlfriend does."

Kinuha nito ang towelette sa kanya nang muli siyang magtangkang punasan ang likod nito.

"Ayaw mo?"

"Nakakahiya na ikaw pa ang magpupunas ng pawis ko."

"Ano'ng nakakahiya ro'n? Girlfriend mo ako. Hindi ka na dapat mahiya sa akin. Kaya akina 'yan at pupunasan kita. Baka magkasakit ka, eh." Kinuha ni Gemme ang towelette at pinunasan ang likod ni Owen. Hinayaan na siya nito.

May tumikhim. Sabay pa silang tumingin kay Frei na umiiling-iling at pumapalatak. Lumapit ito sa kanila. "You two, I need to talk to you in private later," anito sa tono na animo discipline officer at nahuli silang may ginagawang offense. Tumalikod na si Frei.

"Let's evaluate things here," ani Frei nang nasa hangout na sila ng magkakabarkada. Pagkatapos ng practice sa basketball, pumunta na sila doon ni Owen kasama si Jacob.

"Ano'ng ibig mong sabihin?" tanong ni Owen.

"Tungkol sa acting n'yo. Baka hindi n'yo alam, mino-monitor ko kayo. Bawat kilos n'yo, bawat facial expression at dialogue. Pareho kayong may diperensiya. Baka pumalpak ang pagpapanggap n'yo. Baka makahalata si Fia na hindi kayo totoong mag-on."

Owen looked amused. "So, ano'ng gusto mong sabihin tungkol sa acting namin?"

"Ikaw, pare, halatang umaarte ka lang. Man, gandahan mo naman ang acting! 'Yong natural lang. I-internalize mo na mahal na mahal mo si Gemme. Kunwari, siya si Fia."

Gustong umirap ni Gemme sa huling sinabi ni Frei.

"Alam mong hindi ako drama club actor. Basketball player ako," pangangatwiran ni Owen.

"Pero kailangan mong matutuhang umarte nang natural. Sige ka, baka makahalata si Fia na pinagseselos mo lang siya. Lalong lalaki ang ulo n'on at wala kang mapapala sa palabas na ito," anito kay Owen, saka siya binalingan. "At ikaw naman, nene... neneng nagdalaga na." Ngumisi ito. Pinagtaasan ito ng isang kilay ni Gemme. "Mukha ka nang dalaga pero masyado ka pa ring pa-cute. Parang puppy love lang ang namamagitan sa inyo ni Owen. Lagyan mo naman ng kaunting malisya ang pag-arte mo."

"Anong malisya?" bulalas niya.

"As in, may passion. Dapat sa age natin, meron na 'yan. At saka ang kulit mo. Para kang batang masarap paluin sa puwit. Nakikipagtalo ka sa boypren-boyprenan mo tungkol sa punasan ng pawis na 'yan."

"So, ano'ng gusto mong gawin namin?" tanong niya.

"Nagkakailangan pa kayo. Halatang naaasiwa si Owen sa 'yo. Ikaw naman, parang..."

"P-parang ano?" Kinabahan siya. Nahahalata na ba ni Frei ang lihim niyang pagtingin kay Owen?

"Parang ang OA mo. Kulang na lang, magdala ka ng baby powder at polbohan ang likod ni Owen. Obviously, hindi kayo nagkakatugma sa acting. Isang kulang sa arte, isa namang overacting."

"I'm not used to the idea of pretending. Masisisi mo ba ako?" ani Owen.

Muling pumalatak si Frei. Hinimas-himas pa nito ang baba na parang may iniisip. "May kailangan kayong gawin."

"Huwag mong sabihing gusto mong sumali kami sa isang acting workshop?" sarkastikong sabi ni Owen.

"Kailangan n'yo lang mag-bonding."

"Mag-bonding?" tanong ni Owen.

"Lumabas kayong magkasama. Mag-date kayo. That way, magiging palagay kayo sa isa't isa. Hindi na kayo magkakailangan o magkakaasiwaan. Makakakilos kayo nang natural. Pag-usapan n'yo na rin nang maigi kung ano ang mga dapat at hindi n'yo dapat iakto habang nagpapanggap kayo."

Iyon siguro ang pinakamagandang mga salitang lumabas mula sa bibig ni Frei. Magde-date sila ni Owen! Tumingin sa kanya si Owen. Piping nananalangin si Gemme na sana ay pumayag ito sa suggestion ni Frei.

GEMME, The Cheerleader [COMPLETED] (St. Catherine University Series Book #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon