AURORA BLANCO
Ito ang araw na pwede akong magpahinga at magmuni-muni; Sabado. Walang pasok at hindi masasayang ang oras ko para makihalubilo sa mga kaklase ko. Kaso nga lang, wala rin akong pagpyepyestahang mga makakain.
Napabuga na lang ako ng hangin. Boring.
"Ang lalim no'n, ah," bulalas ni Raphael habang hinahanda ang tanghalian namin. Suot na naman niya ang asul niyang apron. Kung titigan si Raphael, mukha siyang taong sinasabihan ng mga mortal na "barumbado" o mukhang "adik sa kanto" pero may itsura. Hindi rin halata na siya ang kumikilos dito sa Apartment. Kung tutuusin naman, pwede akong maging lalaki kung lalaki ang napili kong sisidlan. Ang tanong, bakit nga ba babae ang pinili ko?
"Kain na, Rory," usal niya. Napalingon ako sa kaniya at nakasampay na ulit ang apron sa may kusina. Tumayo ako at naglakad papalapit sa kainan saka umupo sa tapat ni Raphael at tinitigan ang niluto niya. Chicken Adobo with Pineapple Tidbits.
Kinuha ko na ang kutsara't tinidor at sinimulan nang kumain. Medyo late na kami nagising kaya parang naging umagahan na rin namin ang tanghalian. Wala kasing pasok kaya ayos lang huwag magising ng maaga. Isa pa, kung walang pasok, pwede ring walang ligo-ligo.
Napakurap ako nang mapansin kong nakatitig lamang ang pulang mga mata ni Raphael sa akin. Tinaasan ko siya ng kilay.
"Bakit?" tanong ko. Tumigil muna siya sa pagnguya at nagsalita.
"Gusto mo bang lumabas ngayon? May bago tayong park sa malapit. Pupuntahan ko sana mamaya," aniya dahilan para halos mabulunan ako. Si Raphael, gagala? Parang imposible naman ata. Katulad ko rin 'tong hindi lumalabas 'pag hindi kailangan.
"Anong gagawin?" tanong ko ulit. Binaba niya ang kumbyertos at ininom muna ang tubig na nasa baso. "Wala naman. Gusto ko lang makalanghap ng sariwang hangin," sagot niya.
Napatigil ako. Sinusubukan niya bang pagaanin ang pakiramdam ko dahil akala niya hindi pa rin ako okay mula nung...
Pumikit ako nang mariin saka binura ang ideyang 'yon sa isipan ko. Binara ko na lamang siya. "Raphael, nasa Pilipinas ka," saad ko at sumubo. Nangunot naman agad ang noo niya at tinignan ako nang may pagtataka.
"Tapos?" tugon niya. Tinaas ko ang palad ko at hinarap sa kaniya na nagsasabing ngunguya muna ako at maghintay siya riyan. "Polusyon," dugtong ko.
Naramdaman ko ang titig niya sa akin kaya inangat ko ulit ang aking mga mata. Kumunot ang noo ko. "May sasabihin ka ba?"
Napakurap siya at napatingin sa pagkain niya. Tumulala siya ng ilang segundo bago ako tinignan ulit. "May kliyente tayo, Rory. Tumawag siya kanina sa cellphone na gamit natin sa mga transaksyon."
Pinunasan ko muna ang labi ko bago sumagot. "Anong sabi?"
"Sa park niya gusto makipagkita," saad nito. Tumaas ang kilay ko sa narinig. Maari naman kaming magkaroon ng kasunduan kahit hindi namin nakikita ang isa't-isa. Ano kayang trip ng isang 'yon?
"Kaya ka ba nag-aayang mag-park?" tanong ko.
Umiling naman agad si Raphael. "H-hindi naman sa gano'n. Gusto ko lang namang makasama ka—"
"Okay. Pupunta tayo," pagpuputol ko sa kahibangan niya. "Magmanman ka sa paligid mamaya, ha? 'Pag may napansin kang kakaiba ay sabihin mo sa akin."
"Pero Rory, ayos ka na ba talaga?" tanong niya. Tinitigan ko lang siya at walang pasabing bumalik sa kinakain ko. Hindi ko pinansin ang lungkot sa itsura ni Raphael dahil sa tinuran ko hanggang matapos kaming kumain.
Pumasok na agad ako sa kwarto para magbihis. Napasandal ako sa pinto pagkasara ko rito. Napapikit ako nang mariin nang rumagasa sa isipan ko ang reaksyon ko sa karanasan ni Petinah, 'yong babaeng nakita kong kumakanta sa may swing kahapon.
BINABASA MO ANG
Pain Reaper
FantasíaIn a world where suffering reigns, an entity named Pain Reaper exists to grant humans' wishes to forget and to move on. Her service is perfect and simple: She'll take away all the cursed emotions her clients have and in return, they must surrender t...