AURORA BLANCO
Nang bumalik ako sa party, sinalubong agad ako ni Dabria na medyo paluray-luray na ang lakad. Napaismid ako. Nalalasing din pala ang isang anghel?
"K-kanina ka pa..." Sininok muna siya at tinuro ang pwesto ni Raphael gamit ang kaniyang kamay na may hawak na alak.
"Hinahanap n-ni Raphael..." dugtong nito at bahagyang matutumba na. Gumilid naman ako para hindi niya ako masandalan. Mamaya kasi, mangyari pa sa akin ang mga nakikita ko sa pelikula na kung saan sinusukahan ng mga lasing ang kaharap nila.
At tama nga ang hinala ko, nagsuka na si Dabria sa may halaman.
Napailing-iling ako. "Umuwi na tayo," giit ko nang may maramdaman akong presensya sa na papunta sa'min. Batay pa lang sa amoy niya ay kilalang-kilala ko na kung sino ito. Walang iba kun'di ang familiar kong mas mahaba pa ang buhok sa akin, si Raphael.
"Saan ka nagpunta?" tanong nito. Sinulyapan ko lang siya sa pamamagitan nang paggilid ng aking ulo at pagtitig sa kaniya gamit ang gilid ng aking mga mata.
"Sa tabi-tabi lang," sagot ko at ibinalik ang tingin kay Dabria na kamatis pa rin ang mukha. Maputla kasi siya kaya kitang-kita kung ano-ano ang mga nangyayari sa balat niya. Pinunasan niya naman ang gilid ng labi niya bago tumayo at huminga nang malalim. Mapupungay pa rin ang kulay dilaw nitong mga mata at medyo gulo na rin ang kulot nitong lila na buhok.
"Raven..." banggit niya sa isang ngalan na ipinagtaka ko. Wala sa tamang pag-iisip ngayon si Dabria, at ang kapilyahang lagi kong nakikita sa kaniya ay napalitan ngayong ng matinding lungkot. Nangungulila ang mga mata niya sa isang bagay na hindi niya maabot.
Napatingin ako kay Raphael para sana itanong kung anong nangyayari kay Dabria pero tinitigan lang ako ng pula niyang mga mata na parang nagsasabing hayaan ko muna ang anghel na 'to na mag-isa. Nagkibit-balikat na lamang ako at nagsimula nang maglakad.
"Kung gusto mo pang mag-stay dito, go. Pero ako uuwi na," saad ko kay Raphael at nilagpasan na siya. Naramdaman ko naman ang pagsunod niya sa akin subalit naisip kong mas maganda siguro kung hindi muna siya sumabay sa akin pag-uwi kaya niligaw ko na siya. Parang gusto ko munang mapag-isa. 'yong walang asungot na umeepal sa pag-iisip ko.
Gusto ko nang makabalik sa pinanggalingan ko. Pakiramdam ko, habang lalo akong tumatagal dito sa mundong 'to ay mas lalo akong nagiging tao. Ngunit paano ako makababalik kung hindi ko na mahanap ang taong tumawag sa akin dito sa mundo ng mga mortal? Kailangan ko muna siyang gantimpalaaan ng aking kapangyarihan upang ako ay kaniyang mabayaran. Ang singil ko ay nakadepende sa bigat ng kaniyang kahilingan.
Ang hindi ko lang maintindihan, bakit hindi ko siya maalala? Kahit anong pilit ko, walang imahe ang lumilitaw sa aking isipan. Bawat araw na nagdaraaan ay unti-unting naglalaho ang mahika ko. Tanging ang mga kinakain kong mga memorya na lamang ang nagpapalakas sa akin.
Mabuti na lamang at madaling bumigay sa tukso ang mga tao. Masyadong sensitibo. Bawat pagbigkas ng salita ay may kaniya-kaniyang epekto sa makaririnig. Bawat tanda at kilos ay nilalagyan agad ng konklusyon na maaring dumurog ng isang relasyon.
Dahil sa kanila, namumutawi pa rin sa aking kaisipan kung sino ako at napapanatili ko ang katauhan ko. Mas lalo akong lumalakas habang sila ay nasasaktan at nagdurusa.
"Uuwi ka na, Aurora?"
Napahinto ako sa aking pagmumuni-muni nang biglang may boses akong narinig mula sa likuran. Hindi ko man siya harapin, alam na alam ko ang reaksyon ng katawan ko sa kaniya. Marinig ko lang ang kaniyang tinig ay bumibilis na agad ang tibok ng puso ko na parang nakikipagkarera at napipigilan ko ang aking hininga.
BINABASA MO ANG
Pain Reaper
FantasyIn a world where suffering reigns, an entity named Pain Reaper exists to grant humans' wishes to forget and to move on. Her service is perfect and simple: She'll take away all the cursed emotions her clients have and in return, they must surrender t...