AURORA BLANCO
Nakabusangot ako sa harap ng salamin habang inaayusan ako ng mga stylist na inilaan para sa amin ni Dabria. Kung tutuusin, napakarami talagang pondo ng Student Body Organization namin. Unang-una, naisakatuparan nila yung Acquaintance Party na 'to tapos ngayon naman, sila pa ang bahala sa bawat costume at make-up artist; talagang pinaghandaan.
"You look pretty, Aurora," komento ni Dabria sa itsura ko habang tinitignan ako sa salamin na nasa harapan namin. Tinitigan ko lang siya gamit ang gilid ng aking mga mata pero walang sinabi pabalik. Alangan namang magsabi pa akong thank you, e 'di nagkaroon pa siya ng tyansa na mas lalong lumaki ang ulo.
Katulad ng pinag-usapan, si Dabria ang lalaking bersyon ni Persephone at ako naman ang kasalungat nito. Ang pinili naming itsura ni Persephone ay ang itsura niya noong nasa Underworld siya kaya dark colors ang pinakatema ng kasuotan namin. Isang mahabang gown ang gamit ko na may itim na tube at ang tela naman sa pambaba ay may kulay ng aurora rays. Para itong gradient na mula sa itim kong pang-itaas ay mas nagiging light ang kulay sa dulo. Tinernuhan naman ang damit ko ng itim na strapped doll shoes na hanggang sa tuhod ko.
Tumayo si Dabria mula sa kinauupuan niya at nilagay ang isang telang transparent sa aking balikat at pinulupot sa parehas kong braso. Napasinghap ako nang biglang lumapit ang katawan ni Dabria sa akin mula sa likod. Ibinababa niya ang ulo niya sa may balikat ko at hinawakan ng magkabilang kamay niya ang baba ko. Nararamdaman ko ang hininga niya sa may tenga ko.
"You belong to me."
Tila nabalutan ng yelo ang aking buong katawan nang marinig ko ang tinig ni Dabria sa aking tenga. Bumigat ang pakiramdam ko sa aking dibdib at tila may nagnakaw ng aking hininga. Tila nagkaroon ng buhangin sa akin lalamunan at may narinig akong matinis na tunog na pawang paulit-ulit na pinupukpok ang ulo ko. Inangat ko ang aking mga kamay at sinapo iyon. Napapikit ako at bigla na lamang tumahimik ang paligid. Sa kalagitnaan ng dilim ay may mga lumitaw na namang mga imahe.
Pinalilibutan siya ng nakakabulag na liwanag kaya hindi ko siya masyadong makita. Nakasuot siya ng telang puti at kita ko ang kahali-halina nitong ngiti. "Please, come home with me," saad nito at inangat ang kaniyang kamay. "Hangga't hindi pa huli ang lahat."
"L-let go," utal kong saad nang makaalis ako sa ilusyon na 'yon. Kagagawan na naman ba 'to ni Dabria?
Napabuga naman ako ng hangin nang biglang lumayo ang anghel ng kamatayan. "Tara na."
Napahawak agad ako sa dibdib ko at hinabol ang hininga kong kanina ko pa pala napipigilan. Sinulyapan ko siya at nakita kong nakalayo na siya. Huminga ako nang malalim at sumunod na rin sa kaniya.
Gulong-gulo pa rin ang utak ko. Si Dabria ba ang dahilan kung bakit ko nakita ang mga 'yon? O ito na naman ang isa sa mga pagkakataon na nakakakita ako ng mga memoryang alam kong hindi akin? Isa pa, parating pinipilit sa'kin ni Dabria ang sarili niya pero wala man lang siyang ginagawang aksyon para tuparin ang sinasabi niya. Ano naman kayang pumipigil sa kaniya para makuha ako? Bakit ni isang beses, hindi niya ako tinangkang labanan?
Naalala ko tuloy ang mga sinabi niya sa'kin mula nang una kaming magkita.
"The safest path that you can take is with me."
"You're empty."
"I can read minds—including memories. Walang nakakalagpas sa akin mapa-anghel, demonyo o kahit anumang nilalang. Pero ikaw, I can't sense anything from you.
"I can feel the remnants of magic left in your mind; someone removed your memories from you."
"You belong to me."
BINABASA MO ANG
Pain Reaper
FantasyIn a world where suffering reigns, an entity named Pain Reaper exists to grant humans' wishes to forget and to move on. Her service is perfect and simple: She'll take away all the cursed emotions her clients have and in return, they must surrender t...