AURORA
Pinadulas ko ang kamay ko sa papel, hila-hila ang lapis na ginagamit ko upang gumuhit ng aking obra. Isang bulaklak ang pinipinta ng aking utak sa aking reyalidad, mga talulot nito'y itsurang malambot at makinis, taglay ang kulay ng araw pagdating ng dapithapon. Ang tangkay nito'y kasing berde ng kagubatan, halos ikinukubli ang kaniyang mga tinik sa taglay na kagandahan.
Sa buhay, may mga magagandang bagay na hanggang titig lang natin maaring abutin, dahil baka hindi natin alam, may tinatago pala silang mga lihim na maaring makasira ng mga nakapaligid sa kaniya. Pero minsan, tulad ng isang bulaklak, tinatago nila ang kanilang mga tinik upang maprotektahan ang sarili nila sa mga nilalang na kayang makapanakit sa kanila.
Binitbit ko ang sketchpad ko at tinapat ang likha ko sa tapat ng mga mata ko. Bahagya ko pang inikot-ikot ang papel upang tignan ang bulaklak na ginuhit ko sa iba't-ibang anggulo. Nang maging kuntento na ako sa nakikita ko, binaba ko na iyon at nilagyan ng maliliit pang detalye at hinayaang lumipad muli ang utak ko.
Ring!
Inangat ko ang aking paningin nang tumunog ang dambana. Binaba ko na ang lapis ko at isinilid sa bag ko ang mga gamit ko. Habang nasa gitna ng pagliligpit, napukaw ang atensyon ko sa pinag-uusapan ng mga kaklase kong parang nakalunok ng mikropono sa lakas ng mga boses.
"Nakita ko sa bulletin board kanina na magkakaroon daw tayo ng Acquaintance Party. I think nagawan na yata ng paraan ng SBO ang conservative nating principal."
"Sana nga. Ayoko namang grumaduate nang hindi manlang nararanasan iyan! Wala na nga tayong JS Prom, e."
Pumintig ang tenga ko sa narinig at gumuhit ang ngisi sa aking mga labi. Itinago ko ang kasiyahan ko at nagpanggap na walang nangyari. Isinukbit ko ang bag ko sa may balikat ko at lumabas na ng room.
Mali, hindi ako tulad ng iba na masaya sa tuwing magkaroon ng gano'ng okasyon dahil lamang may sinisinta ako sa buhay o dahil gusto kong pumorma at makisalamuha sa iba. Kaabang-abang lang kasi ang okasyon na 'yon at lalabas na naman ang mga taong mahina sa kapangyarihan ko. Kung tawagin nga ng mga mortal, mga taong bitter.
Marami-rami na naman akong makakain.
Dumiretso ako sa may hardin upang ipagpatuloy ang iginuguhit ko kanina. Mahalaga para sa akin na panatiling tahimik ang paligid ko sa tuwing gumuguhit. Idagdag pa ang preskong simoy ng hangin dahil sa mga nakapaligid na mga puno't halaman; magandang lugar iyon upang mamahinga ang isipan ko.
"Aurora..." Napalingon agad ako sa kinaroroonan ko kung mayroon bang taong makakakita sa akin ngayon. Kahit hindi nila ako kauri, ayoko namang magmukhang baliw at pagkaisahan ng mga mortal. Sa ilang taon kong namumuhay sa mundong ito, nasaksihan ko kung paano nila ipahamak ang kanilang mga kapwa dahil lang naiiba ang mga iyon sa nakasanayan sa lipunan. Salem witch trials, Racial inequality, LGBT discrimination, at iba't-iba pang stigmatized na topics na hindi na natapos-tapos dahil makitid ang utak ng mga mortal.
Binalik ko ang atensyon ko sa tumawag sa akin at tinaasan ng kilay si Maho, ang espiritong nakatira sa isa sa mga puno rito sa eskwelahan namin.
"Ilang beses ko bang sasabihin sa'yo na 'wag mo akong kakausapin basta-basta?" singhal ko rito.
Napakamot siya ng kaniyang batok. "Pasensya ka na. Malayo ka pa lang kasi, pinagmamasdan na kita," saad niya. Sinaaman ko na lamang siya ng tingin kaya napatahimik siya.
Nilagay ko ang magkabila kong kamay sa bulsa ng aking jacket at lumapit sa kaniya. Nagbago na bigla ang rason ko nang magpunta ako rito. Medyo nakakaantok ang simoy ng hangin. "Tutulog muna ako. Gisingin mo 'ko pag 'las kwatro na," giit ko at naglaho sa harapan niya.
BINABASA MO ANG
Pain Reaper
FantasyIn a world where suffering reigns, an entity named Pain Reaper exists to grant humans' wishes to forget and to move on. Her service is perfect and simple: She'll take away all the cursed emotions her clients have and in return, they must surrender t...