AURORA BLANCO
Napabalikwas ako ng bangon at hinabol ang aking hininga. Hinanap ng mga mata ko si Carwyn at natagpuan ko lang din siya sa may tabi ko. Nakatingin ang kulay rosas niyang mga mata sa akin na may pag-aalala.
"Carwyn..." banggit ko sa pangalan niya.
"S-sino si Lilith? Bakit ako tinatawag ni Raphael na Lilith?" naguguluhan kong tanong.
Magsasalita pa lamang siya nang may napansin akong babae na katabi niya. Isang babaeng may kulay lilang buhok, dilaw na mga mata, at paru-paro sa kaniyang balikat. Nakasuot siya ng isang kulay maroon na bistida; sleeveless at backless na nagpapakita ng maputla niyang balat.
"Done checking me out?" nakangisi nitong tanong sa 'kin.
"Anong ginagawa mo rito?" tanong ko. Tumaas ang kilay niya at ipinatong ang kulay itim na paru-paro sa kaniyang daliri. Napailing siya at tinapunan ng tingin si Carwyn.
"Pwedeng bang ako naman ang magpakita sa kaniya ng nakaraan?" tanong nito. Hindi ko maiwasang ikunot ang aking noo. Bakit kay Carwyn siya humihingi ng permiso? Hindi ba dapat sa akin?
Tumango naman si Carwyn.
"Ipakilala mo sa kaniya si Lilith," saad ni Carwyn.
Ibinalik ni Dabria ang tingin niya sa akin at bahagyang inilapit ang kaniyang katawan. Inabot niya ang aking baba at itinaas ito gamit ang kaniyang isang daliri.
"Ito lamang ang magagawa ko para sa'yo ngayon," aniya. Mas lalo akong naalarma sa narinig.
Sino ba talaga si Lilith? Totoo ba talagang ako at siya ay iisa lang? Pero parang pamilyar sa pandinig ko ang pangalang Lilith. Saan ko nga ba narinig 'yon?
Tila may dumaang kuryente sa utak ko nang may bigla akong naalala. Binanggit ni Sir Philo ang pangalang Lilith noon.
"Aurora," tawag sa akin ni Dabria. Napalingon ako sa kaniya. Sinenyasan niya muna si Carwyn na lumayo sa amin at tumalima naman ang huli. Umupo sa may tabi ko si Dabria. Ngumisi siya.
"Pagkatapos mong malaman ang totoo, ano kayang gagawin mo? Kanino ka kakampi?" tanong niya at inilapit ang mukha niya sa akin.
Tinitigan ako ng kulay dilaw niyang mga mata at sinalubong ako ng isang halik sa labi. Nanlalaki ang mga mata ko dahil sa ginawa niya subalit napalitan din naman agad 'yon ng panghihina nang biglang magliwanag ang aming mga labi. Napapikit ako dahil sa pagkasilaw.
Pagmulat ko ay kalong na ako ni Dabria. Mahaba na ang kulot niyang kulay lilang buhok, mayroon siyang kulay itim na mga pakpak na nagpapakawala ng gintong alikabok, at nakasuot siya ng kulay dugong roba. Nakahiga ako sa braso niya at mahigpit ang pagkakahawak niya sa akin.
"D-dabria?" utal kong saad sa ngalan niya pero hindi niya ako pinansin. Nakatingin lamang siya sa malayo. Ngayon ko lang din napansin na nasa ere pala kami at hindi man lang matanaw ang lupain sa baba.
"Aurora," tawag niya sa akin. Lumingon ako sa kaniya at nagtaka ako sa nakangisi niyang mukha.
"Mag-ingat ka," saad niya at bigla akong binitiwan.
Tila ba humiwalay ang kaluluwa ko sa aking katawan dahil sa ginawa niya. Napasigaw na lamang ako habang nakatanaw sa naglalahong imahe ni Dabria na tusong nakatingin sa akin. Napakagat ako sa ibabang labi ko. Ano na naman ba 'tong pinasok ko?
Ramdam ko ang unti-unting pagbali ng mga buto ko sa sandaling ito. Sa sobrang lakas ng pwersang humihigit sa'kin, hindi na kinakaya ng laman ko. Para ring binibiyak ang bungo ko habang ang mga tainga ko ay nagsimula nang makarinig ng matinis na tunog.

BINABASA MO ANG
Pain Reaper
FantasyIn a world where suffering reigns, an entity named Pain Reaper exists to grant humans' wishes to forget and to move on. Her service is perfect and simple: She'll take away all the cursed emotions her clients have and in return, they must surrender t...