Oo Na.

1.1K 20 4
                                    

Oo na,  nalulungkot kasi ako.

Tumambay ako sa labas ng bahay, bumungad sa akin ang iba't-ibang klase ng tao, may mukhang matino, may gwapo, maganda, tahimik, walang pakialam sa mundo, may masaya at mayroon ding malungkot.

Hindi ako madalas lumalabas kaya kapag nagustuhan kong tumambay pinagmamasdan ko ang mga taong nahahagip at nakikita ng aking mga mata, kung minsan iniisip kong katulad ko rin ba sila?

Kahit masaya ay malungkot din? Kahit nakangiti, tahimik, maingay at kung minsan walang pakialam sa mundo pero nalulungkot din? Katulad ko rin ba sila ng nararamdaman?

Gusto kong umiyak, gusto kong isagaw ang nararamdaman ko at gusto kong magwala. Pero nakalulungkot lang dahil hindi ko magawa, ang totoo kasi niyan kapag gusto kong umiyak walang lumalabas na luha, kapag gusto kong sumigaw pakiwari ko napapaos ako at kapag gusto kong magwala bigla na lang akong nanghihina.

Oo na, nalulungkot kasi ako.

Marami akong kaibigan, lahat sila pwede kong kausapin para sa mga gusto kong sabihin pero hindi ko magawa. Bakit ganoon? Iyan din ang tanong ko sa aking sarili kung bakit hindi ko sila maramdaman kapag may problema ako at kapag nalulungkot ako parang bigla na lang silang maglalaho.

Kahit marami sila sa paligid ko, marami man akong kaibigan pero nararamdaman ko pa ring nag-iisa ako.

Oo na, nalulungkot kasi ako.

Nagpatugtog ako kanina dahil gusto kong maging masaya pero iba ang nangyari mas lalo lang akong nalungkot sa kanta, itinigil ko ang kanta at nanood na lang ng tv. Saktong pagbukas ko nagandahan agad ako sa palabas pero kalaunan pinatay ko rin agad hindi dahil sa bigla akong napangitan sa palabas kundi dahil malungkot ang tema ng palabas na iyon.

Hindi porket malungkot ang isang tao ay desisyon na niya iyon. Oo na, choice nga ang maging malungkot pero hindi ibig sabihin ay ginusto niya iyon... Hindi ibig sabihin ginusto ko ito.

Parang sa pagtawid ng daan, kapag mahuhuli ka na sa pupuntahan mo kailangan mong sumugal sa mapanganib na daan, kailangan mong tumawid sa kalsada. Hindi dahil sa gusto mo.

Parang ang pagsagot sa exam, hindi porket tatlo ang pagpipilian nandoon na talaga ang tamang sagot dahil para sa'yo mayroon pang mas tatamang sagot na wala sa tatlong pagpipilian sa exam mo.

Hindi porket mayaman ang isang tao perpekto na ito, dahil kahit sila nararamdaman ang kalungkutan na nararamdaman ko o mo.

Hindi dahil tumatawa ka ay masayang-masaya ka talaga dahil mamaya ay magiging malungkot ka.

Hindi porket sinabi niyang oo ay gusto na talaga niya.

Hindi mo maintindihan? Hayaan mo na, malungkot kasi ako.

Kinausap ko ang sarili ko at ang sabi ko, "Magiging okay lang din ang lahat."

Paulit-ulit hanggang sa nagsawa na lang ako, dahil kahit ilang libo kong bigkasin ang mga salitang iyon hindi agad magiging okay ang lahat na para bang pinasadahan mo lang ng plantsa.

Oo na, alam kong hindi basta-basta mawawala ang kalungkutan na ito pero baka mamaya, bukas, sa susunod na araw, sa isang linggo, sa isang buwan, sa birthday ko, sa pasko, bagong taon o baka sa balang araw.

Mawawala rin ito.

Maglalaho.

Tatangayin ng bawat segundo.

Matatakpan ng kasiyahan na hinahanap ko.

Oo na,

Nalulungkot kasi ako, hayaan mo na ngayon lang ito.

FactsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon