"Ewan ko ba, kakaiba para sa akin ang mga nagdaang araw. Sunod-sunod na hiwaga ang mga naranasan ko. Magkahalong takot at kaba ang nararamdaman ko. Ang una ay ang misteryosong matanda, sumunod dito ay ang mga pangitain at ang kaluluwang nanghihingi ng tulong. Posible bang mabura ang mga alaala mo kapag namatay ka?
Ngayon lang ako nakakita nito at kahit siguro sa mga palabas wala pa akong napapanood na multong nakakakalimot!
Paano nangyari ang lahat ng 'to? Hindi ko gusto na may mangyaring masama sa mga taong malalapit sa akin at mas lalong hindi ko gustong makita pa ito.
Ang misteryosong matanda ba ang pinagmulan ng lahat ng 'to? Ito na ba yung regalo na yun? Seryoso na siya ro'n? Sana magpakita siya para naman maitanong ko kung bakit nangyayari 'to. Kung pwede bang isauli ko na lang sa kaniya ang "regalo" na sinasabi niya."
HINDI pa rin magawang titigan ni Timothy ang kausap niyang kaluluwa. Nakatayo pa rin siya roon, ni hindi niya makuhang gumalaw. Nanginginig pa rin ang kaniyang tuhod. Hindi rin niya alam kung nasaan na siya. Wala pa ring ibang tao sa lugar na iyon."Hindi ka ba gagalaw diyan hanggang sumikat ang araw?" tanong ng babae
"Kung mawawala ka sa pagsikat ng araw, bakit hindi?" sagot ni Timothy.
"Wala ka talagang maalala? Kahit ba pangalan mo hindi mo maalala?" tanong nito.
"Phoebe ang pangalan ko pero hindi ko talaga maalala kung bakit ako namatay." Malungkot na sagot ni Phoebe.
"Hindi ako sigurado kung matutulungan kita." sagot ni Timothy. Tumalikod ito agad at naglakad papalayo pagkatapos nito. Biglang nawala ang kausap niyang kaluluwa. Naglakad na siya agad ng mabilis papalayo.
"May naiwan ka" ang bulong na narinig niya sa kaniyang kaliwang tenga. Tumingin siya sa kaliwa at wala naman siyang nakita. Tumayo ang kaniyang mga balahibo. Boses ito ng kaluluwa ng babaeng duguan na nakausap niya kanina.
Lumingon siya sa kaniyang pinanggalingan at doon niya natanaw ang kaluluwa na nakausap niya kanina na hawak-hawak ang kaniyang bag. Nanlaki ang mga mata ni Timothy nang makita niya ito. Hindi siya makasigaw sa pagkakataong iyon. Hindi niya alam kung tatakbo na lang ba siya papalayo o babalik para kuhain ang kaniyang bag.
Naisip ni Timothy na nasa bag niya ang mga importanteng gamit pati ang ilang mga papeles sa opisina. Hindi na niya inisip ang kung ano pang pananakot ang posibleng gawin ng kaluluwa na nakausap niya para lang tulungan siya nito.
Dali-dali siyang pumunta rito para bawiin ang bag niya. Nanatili naman ang kaluluwa sa kaniyang puwesto at hindi na nakipaglaro pa. Binigay naman nito agad nang makalapit na si Timothy sa kaniya. Umalis na agad si Timothy matapos niyang makuha ang kaniyang gamit.
******
PAGDATING ni Timothy sa bahay, hindi ito makatulog. Nakahiga lamang ito sa kama at iniisip ang kaniyang nakita kanina. Imposible ang mga ito. Iniisip nito kung ano ang nakita sa kaniya ng multo at siya ang nilapitan nito.
Muli niyang naalala ang itsura ng kaluluwa, duguan ito! Hindi mapakali si Timothy sa kaniyang kama. Sinisigurado niya na wala siyang kinalaman sa pagkamatay nito dahil aminado siyang hindi niya kayang pumatay ng tao.
Paano niya naman ito matutulungan kung hindi pa naman siya sigurado sa kung ano ang mga kaya niyang gawin.
Paano kung nagkataon lang talaga ang mga biro niya sa mga kaibigan niya? Paano kung tuluyang ma-attach ang kaluluwang 'yun sa kaniya dahil nangako siya rito?
"Hindi ba dapat lang na manatili ang iyong mga alaala kapag namatay ka. Paano kung haharap ka na sa pintuan ng langit at tanungin sa'yo ang mga nagawa mo sa lupa noong buhay ka pa at pagkatapos ay wala kang maisasagot?
Paano kung gamitin ako ng kaluluwang 'yun sa paghihiganti? Halata sa itsura niya na mayroong krimen na naganap sa likod ng pagkamatay nito.
Hindi dapat ako nakikialam sa problema ng iba at mas lalo sa mga patay na."
BINABASA MO ANG
Chasing Sun
HorrorNagsimula ang lahat nang makakita si Timothy ng isang kakaibang bagay na hugis bola na nagliliyab habang umuulan. Nagkaroon siya ng kapangyarihan na makita ang nakaraan o ang hinaharap ng isang tao at nagkakatotoo ang kaniyang mga sinasabi. Kalakip...