NANDOON pa rin ang takot ni Luigi matapos nitong ikwento ang kaniyang dahilan kung bakit siya umalis sa kaniyang trabaho.
Sa ngayon, sila-silang tatlo lang ang nakakaalam nito. Ayaw rin niyang sabihin sa kaniyang ina na si Laura ang tungkol dito kahit na may alam ito sa mga kakaibang bagay na hindi basta-basta maipaliwanag. Ang mahalaga ay nakaalis na siya roon at sa tingin niya ay doon na natapos ang lahat.
Magiging komplikado pa kung ito ay malalaman pa ng kaniyang ina. Payapa naman ang kaniyang buhay ngayon at mukhang hindi naman siya nasundan ng kung anong elementong nagambala nilang dalawa ni Sheena noong gabing iyon.
Malinaw na kay Timothy ang lahat. Hindi niya lubos na maintindihan ang mga pangyayari sa una dahil siguro point of view ni Sheena lang ang kaniyang nakita. Base sa kuwento ni Luigi ay siya ang naka-saksi ng buong pangyayari kaya ganoon na lamang ang kaniyang takot sa tuwing maaalala niya 'yun.
Awang-awa naman si Timothy sa kaniyang pinsan, maya-maya pa ay medyo nahihimasmasan na rin si Luigi. Hindi niya namamalayan na naubos na niya pala ang potato chips na bigay ni Luigi at halos maubos na rin ni Luigi ang kalahati ng pitsel sa kakainom habang nagke-kuwento.
Lumabas saglit si Timothy sa kuwarto ni Luigi at nagikot-ikot ito sa ikalawang palapag ng bahay hanggang sa siya ay nakarating sa dulo. Pumasok siya sa kuwarto ni Laura at pinagmasdan niya ang mga gamit na nakapaligid dito.
Maraming mga kandilang itim doon na nakalagay sa mga kandelarya na gawa sa bakal. Karamihan sa mga kandila aay mga tunaw na.
Sa tingin ni Timothy , ang mga bagay na ito ay ginagamit ng kaniyang tiyahin sa panghuhula o sa mga kahit anong mga ritwal. Napukaw ang kaniyang atensyon sa isang kahon na maliit na parang baul. Kulay ginto ito at mayroon itong mga maliliit na detalye sa paligid. Mayroong maliit na susi na nakasuksok rito kaya sinubukan niya itong buksan at nakita niya na wala itong laman.
Inilapag niya na lang ang kahon na ito kung saan niya nakita. Naglibot-libot pa siya sa kuwarto at naghanap ng mga kakaibang bagay. Doon ay napansin niya ang isang cabinet. Muli na naman siyang na-curious at binuksan niya ito.
Bumungad sa kaniya ang isang maalingasaw na amoy nang ito ay buksan niya. Diring-diri siya nang maamoy niya ito. Halos masuka na siya at hindi niya maipaliwanag kung anong klaseng amoy ito. Agad niyang isinara ang cabinet na 'yun.
Wala naman siyang nakitang kakaiba doon. Puro garapon lamang ang mga nakalagay doon na iba-iba ang mga hugis. Mayroong bote ng iba't ibang mga soft drink, alak at mayroon ding mga lalagyan ng iba't ibang mga palaman. Lahat ng mga babasaging lalagyan ay nandoon.
May mga takip ang lahat ng mga nakalagay doon kaya ang pinagtataka ni Timothy ay kung saan nagmumula ang amoy na 'yun.
Sumunod naman niyang nakita ang isang bagay na natatakpan ng isang itim na tela. Ito ay nakalagay sa tuktok ng mataas na cabinet. Sinubukan niyang abutin ito at tanggalin ang nakatakip dito para makita ito, tumingkayad pa siya para maabot niya ito.
Hanggang sa nahawakan niya ang laylayan ng tela at hinila niya ito. Nagulat siya at muntik na siyang mabuwal nang makita niya ang nasa loob nito. First time niyang makakita ng bungo kaya ganoon na lamang ang kaniyang reaksyon.
Paglingon niya ay nakita niya si Laura na nakatayo malapit sa pintuan at nakatingin sa kaniya. Tumayo siya agad at lakas loob niyang ibinalik sa dati ang telang itim na nakatakip sa bungo.
"Tita, tapos na po ba kayo? Bakit niyo po pala ako pinapunta?" tanong ni Timothy.
"Halika, doon tayo sa baba mag-usap. Bakit ka pumunta diyan? Ano-ano ba 'yang mga nakita mo? May mga ginalaw ka ba?" tanong ni Laura na parang kinakabahan, inisa-isa nito ang mga gamit sa loob ng kwarto para inspeksyonin kung may naiba ba rito o kung may nawala.
***
NASA IISANG KUWARTO sila ngayon kung saan huling nagpunta si Timothy sa bahay ni Laura para magpahula tungkol sa kaniyang kapangyarihan.
"Ang bilis niyo naman po, sobrang daming tao po kasi kanina no'ng dumating ako." wika ni Timothy kay Laura na para bang walang ginawang kalokohan kanina.
"Dumating ka na kasi kaya nagsipag-alisan na sila." sagot ni Laura.
"Eh, bakit niyo po ba kasi ako pinatawag? Pwede n'yo naman po akong tawagan. Gaano po ba ka-importante ang sasabihin niyo?" tanong ni Timothy.
"Balita ko busy ka ngayon sa pag-aasikaso sa ancestral house na mananahin mo, ah." wika ni Laura
"Ayy, opo, wala po akong choice, eh." sagot ni Timothy.
Umupo si Laura sa tapat ni Timothy at doon niya sinabi ang lahat ng kaniyang nalaman tungkol sa kaniyang pamangkin, medyo mataas ang boses nito at ang ekspresyon ng kaniyang mukha ay parang galit.
"Kahit anong tago mo pa, alam kong mayroong kaluluwa na nakasunod sa 'yo ngayon. Binabalaan kita Timothy sa kung ano ang kahihinatnan mo sa pakikihalubilo mo riyan sa kaluluwa na 'yan."
Bubuka na ang bibig ni Timothy para itanggi ang mga sinasabi ni Laura ngunit hindi nagpatinag si Laura at tuloy-tuloy lang ito sa kaniyang pagsasalita.
"Please lang, 'wag mo nang i-deny pa at hindi ko na kailangan pang patunayan pa. Hindi ka dapat nakikisalamuha sa mga patay na."
"Timothy, nakakalimutan mo na ba? Nakakakita ka na talaga ng multo mula noong bata ka pa at muntik ka ng mapahamak nang minsan kang nagtangka na tulungan ang isang kaluluwa na nanggugulo sa 'yo noong nasa elementarya ka pa lang! Pero may nakikita akong mas malaki pang kalaban na maaaring magdulot ng kapahamakan bukod sa kaluluwang 'yun. Ang nakikita ko ay isang lalaki at palagi siyang nakasunod sa'yo doon sa ancestral house. Nakita ko rin na muntik ka nang mapahamak noong isang araw. Pwedeng ito na ang kamatayan na humahabol sa 'yo kaya mag-ingat ka palagi at hindi pa rito nagtatapos ang lahat.
Higit sa lahat, maging handa ka sa kahit na anong puwedeng mangyari sa'yo sa araw-araw, puwedeng ngayon, mamaya o bukas. Ang kamatayan at pagdurusa ay palaging naka-abang."
BINABASA MO ANG
Chasing Sun
HorrorNagsimula ang lahat nang makakita si Timothy ng isang kakaibang bagay na hugis bola na nagliliyab habang umuulan. Nagkaroon siya ng kapangyarihan na makita ang nakaraan o ang hinaharap ng isang tao at nagkakatotoo ang kaniyang mga sinasabi. Kalakip...