[Phoebe's POV]
NASAAN AKO? Wala akong ibang makita, nasa isang madilim na lugar ako. Ang huli kong natatandaan ay nasa kwarto ako ni Tricia at pilit ko siyang ginigising. Pagkatapos ay bumilis ang tibok ng puso ko hanggang sa nandilim ang paningin ko.
Bumabalik na ba ang mga alala ko?
Pero ito ba ang hinihiling ko? Pero hindi iyon ang ang gusto kong malaman! Ang gusto kong malaman ay kung paano ba ako namatay? Sino ba si Joy sa buhay ko? Siya ba ang pumatay sa akin kaya siya ang nakita ko?
Hanggang sa nakakita ako ng isang babae, mayroon itong dalang lampara. Nakatalikod ito sa akin at naglalakad ito papalayo. Sinubukan ko siyang tawagin.
"ATE, PWEDE PO BANG SUMABAY SA INYO?" sigaw ko pero hindi niya ako pinansin, patuloy lang ito sa kaniyang paglalakad. Bahala na, susundan ko pa rin siya. Hindi ko alam kung ano meron sa lugar na 'to kung bakit sobrang dilim?
Papunta na kaya 'tong impiyerno kaya walang liwanag dito? Teka, ayaw ko pang tumawid sa kabilang buhay! Hindi ba nila narinig ang hiling ko, simple lang 'yun.
Ito ay kapag sa oras na malaman ko kung ano ang dahilan ng pagkamatay ko, pwede na akong tumawid sa kabilang buhay. Nasa kanila na ang desisyon kung saan nila ako dadalhin o papupuntahin pero 'wag muna ngayon. Nakikiusap ako kung meron mang nakikinig sa akin ngayon!
Malayo na ang nalalakad ng babaeng may dalang lampara, sobrang bilis niyang maglakad.
"Sandali!" muli akong sumigaw at tumakbo ako ng napakatulin. Ayaw pa rin niyang lumingon at hindi pa rin siya humihinto.
Naririnig niya kaya ako? Pinagpatuloy ko ang pagtakbo ko hanggang sa unti-unti siyang nawawala. Kasunod naman nito ay ang unti-unting pagliwanag ng paligid ko, kabaliktaran ito nang nauna. Dire-diretso lang ang direksyon ko. Hindi ko alam kung saan na napunta 'yung babaeng sinusundan ko, kinain na yata ng liwanag.
Habang patagal ako ng patagal sa lugar na iyon, paliwanag ng paliwanag ang lugar. Hindi ko alam kung saan nagmumula ang liwanag na iyon. Tumingala ako ngunit wala akong nakitang mga ulap kaya sa tingin ko ay imposibleng nagmula ito sa araw.
Hangga't hindi ako hinihingal ay patuloy pa rin akong tatakbo hanggang sa marating ko ang dulo ng lugar na ito. Puti lahat ang nasa paligid ko. Mas lalong lumiliwanag sa lugar na ito habang tumatagal ako. Daig pa nito ang sikat ng araw hanggang sa tuluyan na akong napapikit dahil sa pagkasilaw.
***
Binuksan ko ang aking mga mata. Inikot ko ang aking paningin para makita kung nasaan ba ako. Doon ko napagtanto na nakasakay ako sa bus. Nakaupo si Joy sa aking tabi at mahimbing itong natutulog.
Napansin kong tulog ang karamihan ng pasahero at ang iba naman ay tutok na tutok sa pinanonood nila sa t.v. ng bus. Tagalog movie ito pero hindi ko na ito pinansin dahil mas natuwa ako sa view ko sa aking gilid. Magkakahilerang mga puno ang aming dinadaanan. Nakakatuwa dahil parang sinasalubong kami nito habang dumadaan ang bus.
BINABASA MO ANG
Chasing Sun
HorrorNagsimula ang lahat nang makakita si Timothy ng isang kakaibang bagay na hugis bola na nagliliyab habang umuulan. Nagkaroon siya ng kapangyarihan na makita ang nakaraan o ang hinaharap ng isang tao at nagkakatotoo ang kaniyang mga sinasabi. Kalakip...