NABUHAYAN si Phoebe nang marinig niya ito kay Timothy. Sa katunayan, hindi nakakatagal si Phoebe sa mga lugar kapag siya ay malayo kay Timothy. Marahil ito ang naging dahilan kung bakit siya napunta sa ancestral house.
Tila siya ay naa-atract kay Timothy na para bang may kakaibang enerhiya na humihila sa kaniya papunta sa binata. Minsan ay nakakaranas pa rin si Phoebe ng lumbay lalo na sa tuwing umaalis si Timothy.
Ngayon umaasa siya na sa pagsama niya sa bawat pag-alis ni Timothy ay unti-unting maiibsan ang kaniyang kalungkutan at muling manumbalik ang kaniyang mga alaala.
***
Kinabukasan, isang napakagarang sasakyan ang huminto sa tapat ng ancestral house. Nanlaki ang mga mata ni Phoebe nang makita niya ito mula sa bintana. Sa itsura pa lang ng kotse, alam mo ng mayaman ang may-ari nito.
Talagang masisilaw ka sa kintab nito at wala kang gasgas na makikita rito. Agad na tinawag ni Phoebe si Timothy, pumunta ito sa tabi ni Phoebe at tinignan kung ano ang sinasabi ni Phoebe. Nang makita niya ito, lumabas agad si Timothy para salubungin ang bisita na ito.
Naunang bumaba ang driver ng kotse at may hawak itong payong. Binuksan nito ang payong at kasunod naman nito ang pag-bukas ng pintuan. Agad namang pinayungan ng driver ang tao na lumabas dito.
Abang na abang si Phoebe kung sino ang bisita na ito. Hanggang sa tuluyan itong nakababa sa kotse. Lalaki ito, ang edad nito ay nasa early 50s, pormal ang suot nito. Kung gaano kaganda ang kotse nito ay ganoon din ang suot nito.
Naka-suot ito ng itim na pantalon at polo na halos wala kang makikitang gusot. Makintab ang suot nitong sapatos na itim.
Napaisip si Phoebe kung sino ang taong ito, kung siya ba ay mayor o councilor? Iba ang dating ng taong ito sa kaniya at hindi niya alam kung bakit.
Nang buksan ni Timothy ang gate ay agad nitong inalis ang suot nitong shades.
"Magandang umaga, ako si Don Salazar. Nasaan nga pala si Damian?" ang pagpapakilala nito at nakipag-kamay pa ito kay Timothy.
"Wala po siya rito, umuwi siya ng probinsya." sagot ni Timothy.
Sumunod nitong tinanong ang pangalan ni Timothy at nagpakilala naman ito.
"Ang pamilya po namin ang nagmamay-ari ng bahay at pati ang lupang kinatitirikan nito." Nabuhayan ito pagkatapos itong sabihin ni Timothy.
"Maaari bang mag-usap tayo sa loob?" pakiusap nito at pinapasok naman ito agad ni Timothy.
Sa bawat pagtapat nito ay kaliwa't kanan ang pagtingin nito sa bawat sulok. Mayroong lamesa at mga upuan sa labas ng bahay at doon niya pinaupo ang isang lalaking nagpakilalang "Don Salazar."
Malawak ang bakuran ng bahay at maaliwalas itong tignan. Napapaligiran ito ng mga iba't ibang klaseng halaman at mga makukulay na bulaklak.
"Ang buong akala ko ay inabandona na ang bahay na ito kaya nabigla ako ng malaman ko na ang pamilya niyo pala ang may-ari."
"Naisipan ko lang pong manuluyan dito dahil tahimik dito. Alam niyo naman pong iba ang katahimikan na naibibigay kapag nandito ka sa mga ganitong klaseng lugar kumpara sa Maynila."
"Tama ka, kaya nga ako interesado sa bahay na ito."
"Pasensya na po dahil hindi po namin ipinagbibili ang bahay na ito. Kung ito lang po ang pakay niyo, maari na po kayong umalis."
At tuluyan na nga itong lumisan kasama ang kaniyang driver.
Sa pagkakataong nakipagkamay ito sa umpisa ay nakita na agad ni Timothy na mayroon itong balak. Nagamit niya rito ang kaniyang kapangyarihan.
Doon niya nalaman na mayroon itong balak na bilhin ang bahay ngunit hindi gaanong malinaw kung ano ang rason nito.
Ang pagtataka niya ay kung bakit walang binabanggit si Damian na mayroong taong gustong bumili ng bahay.
Ang pag-alis nito ay ang siya namang paglapit ni Phoebe kay Timothy.
Nakaupo pa rin ito sa hardin sa bakuran. Umupo ito sa tabi ni Timothy at tinanong kung sino ito at kung ano ang nangyari.
"Ganun ba! Parang medyo familiar siya, eh" sagot ni Phoebe.
"Talaga? Bali may naaalala ka na?" tanong ni Timothy at namilog ang kaniyang mga mata.
"May naaalala nga ba? Teka, baka siguro masyado lang akong na-amazed sa pagpasok niya dito! Iba yung datingan, eh." napangisi si Phoebe.
Babatukan na sana ni Timothy si Phoebe ngunit naalala nito na multo nga pala ito at hinding hindi niya ito mahahawakan.
Hanggang sa muli na naman silang nakarinig ng katok mula sa gate at nagtaka silang dalawa.
"Baka meron silang naiwan? Check mo nga baka may ibang gamit." sabi ni Phoebe at tinignan naman ni Timothy ang paligid at wala namang ibang gamit na naiwan.
Tumayo ito sa kaniyang kinauupuan at binuksan ang gate. Sumunod naman si Phoebe kay Timothy.
Pagbukas ni Timothy ng gate ay doon nila nakita ang isang babae, bata pa ito, mga nasa 20s pa ito. Mayroon itong dalang mangkok na may ulam.
Nang tanungin ito ni Timothy kung ano ang kailangan nito, sinabi nitong pinabibigay daw ito ng kaniyang nanay. Nakatitig lang sa kaniya si Phoebe, kinikilatis niya ito mula ulo hanggang paa na may kasamang matatalas na tingin.
"Nanay? Sino nga ba ang nanay mo?" tanong ni Timothy.
"Si Thelma po" sagot nito.
"Ganun ba? Sige, pasok ka!" at tumabi si Timothy para papasukin ang babae na ito. Sinabihan siya ni Timothy na siya na ang maglagay sa lamesa. Sabaw kasi ang laman ng kaniyang dalang mangkok. Hindi pa rin nawawala ang mga tingin sa kaniya ni Phoebe.
Dahan-dahan siya sa kaniyang paglalakad at maingat din ito. Dire-diretso lang ito sa kaniyang paglalakad habang sinusundan si Timothy hanggang sa ito ay makarating sa tapat ni Phoebe.
Lumihis ito ng kaunti na para bang iniwasan siya nito dahil siya ay nakatayo sa dadaanan nito. Nagulat si Phoebe nang iwasan siya nito habang naglalakad dahil alam naman niyang si Timothy lang ang nakakakita sa kaniya.
"Pakipatong na lang dito yung dala mo, salamat!" sabi ni Timothy at nang mailagay na ito sa lamesa ay umalis na ito at hindi na nagtagal pa.
BINABASA MO ANG
Chasing Sun
HorrorNagsimula ang lahat nang makakita si Timothy ng isang kakaibang bagay na hugis bola na nagliliyab habang umuulan. Nagkaroon siya ng kapangyarihan na makita ang nakaraan o ang hinaharap ng isang tao at nagkakatotoo ang kaniyang mga sinasabi. Kalakip...