INAASIKASO na ni Timothy ang lahat ng mga kinakailangan para sa renovation ng ancestral house. Pagbukas niya ng kaniyang cellphone, nabasa niya ang message ni Sheena.
Sheena: May dadaanan pa pala ako sa office, may mga naiwan pa kasi akong mga gamit.
Timothy: Nasaan ka ba ngayon? Papunta kasi akong Manila, gusto mong daanan kita?
Sheena: Sige, samahan mo na lang ako. Thanks.
Ito na ang paraan para makumpirma ni Timothy kung mayroon nga bang kaluluwang hindi matahimik na ninirahan sa kanilang opisina.
Nangamba si Timothy at baka dito na magwakas ang kaniyang buhay. Muli kasi niyang naalala ang kaniyang panaginip. Ito ay kung saan siya ay dinala sa kagubatan at inilibing ng buhay sa gitna ng napakalakas na ulan.
Kumuha na siya ng kaniyang mga gamit dahil balak niyang matulog sa bahay nila sa Maynila. Pumunta si Timothy sa kwarto na kaniyang tinutuluyan sa bahay ni Laura. Binuksan niya ang cabinet at kumuha siya ng bag na kaniyang gagamitin.
Napaatras siya sa kaniyang nakita. Nandoon ang bag na nakita niya sa kaniyang panaginip. Tugma ito rito at hindi siya pwedeng magkamali.
"Siguro ay kailangan kong harapin ang aking kapalaran. Ang Diyos na lang ang bahala sa akin."
Kinuha pa rin ito ni Timothy. kahit na alam niyang posibleng makaharap niya ang panganib. Inilagay niya ang lahat ng mga gamit na dadalhin niya.
***
Nasa daan na si Timothy at siya ay nagmamaneho nang maisipan niyang bilihan muli ng donut si Sheena. Naalala niya kasi ang babae sa kaniyang panaginip. Pakiramdam niya ay matagal na itong nakasunod sa kaniya at sa panaginip niya ito unang nakita. Hindi man niya nasilayan ng buo ang mukha nito, mararamdaman niyang siya ito kapag nakita niya ito sa personal.
Nang madaanan niya ang bakeshop na nakita niya sa kaniyang panaginip. Dahan-dahan ang kaniyang pagmamaneho. Tinalasan niya ang kaniyang paningin pero nabigo siya wala ni isang tao ang nakita niya sa lugar na 'yun.
Tumingin siya sa rear view mirror ng kotse at nakita niya ito sa di kalayuan. Hininto niya ang pagpapaandar ng kotse. Lumingon siya sa kaniyang likuran at wala siyang ibang tao na nakita.
"Sino ba siya? Nararamdaman kong matagal na siyang nakasunod sa akin. Para bang nakabantay siya sa lahat ng kilos ko."
***
Dumaan muna si Timothy sa bahay nila Sheena. Naabutan niya ang ina nito na nagdidilig ng mga halaman sa bakuran. Ipinarada niya ang kotse niya sa tapat ng bahay nila Sheena. Nakita siya nito at agad na pinagbuksan ng gate.
"Umupo ka muna riyan, nagbibihis pa si Sheena." sabi nito.
"Sige po, Salamat." at saglit na umupo si Timothy. Inikot ni Timothy ang kaniyang paningin at tinignan niya ang mga pictures ni Sheena noong bata pa na nakasabit sa dingding ng bahay nila. Naalala niyang minsan siyang nahuli ni Sheena na kinukuhaan ng picture ang isa sa mga nakasabit sa dingding nila. Pinigilan siya agad nito nang nakita siya.
"Nandyan ka na pala, kanina ka pa ba?" tanong ni Sheena. Di niya namamalayan na tapos na tapos na pala itong mag-bihis. Halatang nagmamadali ito dahil basa pa ang buhok nito. Nakiinom muna siya ng tubig kila Sheena bago sila bumiyahe.
***
Pagdating nila sa dati nilang pinagtatrabahuhan, bawat sulok ng bulding ay kinikilatis ni Timothy. Hindi niya pinapahalata kay Sheena na hinuhuli niya ang kaluluwa na nagparamdam sa kanila noong gabi.
"Alam mo, kaya kita sinama kasi takot pa rin ako hanggang ngayon sa multo. Hindi naman pwede si Luigi dahil kasama ko 'yun nung gabi na nagyari 'yon. Mas takot pa nga ang loko!" sabi ni Sheena.
"Timothy? Nakikinig ka ba? Saan ka ba nakatingin? Tumingin ka sa dinadaanan mo, 'pag ikaw natapilok tatawa ako ng malakas." dagdag pa nito.
"Eh 'di tumawa ka ng malakas, marinig ka sana ng multo na nagpakita sa inyo at sana sundan ka hanggang sa bahay niyo!" pang-aasar ni Timothy.
"Ihingi mo ako ng karton sa custodian, nakalimutan ko magdala." sabi ni Sheena at nauna na itong umakyat papunta sa kanilang office. Si Timothy naman ay naglibot pa sa bawat palapag para makita ang kaniyang pakay sa pagpunta dito.
Inisa-isa ni Timothy ang mga kwarto. Sa first floor ay wala siyang makitang kahit na anong kakaiba. Umakyat siya sa second floor. Naglalakad lang siya sa hallway hanggang sa makarinig siya ng mga yabag. Mabilis ito at parang tumatakbo.
Lumingon siya sa kaniyang likuran ngunit wala siyang nakita. Sinundan niya ang tunog kung saan ito nagmumula. Naglakad siya ng mabilis dahil habang patagal ng patagal ay pahina ng pahina ang tunog na kaniyang sinusundan.
Dumaan siya sa fire exit at doon siya umakyat para walang makakita sa kaniya. Lumabas siya sa 5th floor dahil doon niya huling narinig ang mga yabag. Ito rin ang floor ng kanilang office. Tumingin si Timothy sa paligid at doon niya nakita ang kaniyang hinahanap. Muntik ng mapasigaw si Timothy nang makita niya ang kaluluwang iyon.
Kaluluwa ito ng babae na nakaupo sa sulok sa pagitan ng mga magkakapatong na upuan na monoblock. Punit-punit at madungis ang damit nito at ang mukha nito ay sobrang putla. Hindi niya gaanong maaninag ang mukha nito dahil natatakpan ito ng buhok.
Dahan-dahan siyang lumapit dito. Kinakabahan siya at baka magambala niya ang kaluluwa na ito. Dahan-dahan siyang tinignan nito nang makita siya nito na papalapit sa kaniya. Itim lang ang kulay ng mga mata nito.
"Hello? Nakikita kita? Mayroon ka bang kailangan para makatawid ka na sa kabilang buhay?" ang sabi ni Timothy sa kaluluwa. Hininaan niya ang kaniyang boses at baka may ibang makakita sa kaniya at akalain na baliw siya.
Hindi ito kumibo at mayroon lang itong kinuha sa kaniyang bulsa. Isa itong kwintas at ibinigay niya ito kay Timothy. Tinanggap naman ito ni timothy gamit ang kaniyang palad.
Ngumiti lang ito kay Timothy at dahan-dahan itong naglaho. Nagtaka si Timothy kung bakit hindi nito pinaliwanag ang ibinigay nito at kusa na lang itong nawala. Hindi man lang ito nagbitiw ng kahit na anong salita.
"Ano ginagawa mo diyan? Nakahingi ka ba ng karton?" tanong ni Sheena. Agad na humarap si Timothy dito at nagpanggap na walang nangyari.
"Wala akong nahanap na karton sa baba. Wala bang karton diyan sa loob ng office" sagot ni Timothy.
"Bakit nakaganiyan yang kamay mo?" tanong ni Sheena nang mapansin ang kamay ni Timothy na nakabukas na parang nanghihingi ng barya.
Pagtingin ni Timothy sa kaniyang palad ay wala na siyang hawak-hawak.
BINABASA MO ANG
Chasing Sun
HorrorNagsimula ang lahat nang makakita si Timothy ng isang kakaibang bagay na hugis bola na nagliliyab habang umuulan. Nagkaroon siya ng kapangyarihan na makita ang nakaraan o ang hinaharap ng isang tao at nagkakatotoo ang kaniyang mga sinasabi. Kalakip...