02

621 38 15
                                    


Kinabukasan ay nagising ako ng maaga dahil sa maingay na tilaok ng mga puta-putang manok.

Hindi ako sanay na ganito kaaga na gumising kaya iritado akong bumangon. Kailangan kong magpigil ng sarili at baka mamaya ay wala ng manok pa na tumilaok bukas ng umaga dahil nagilitin ko na at ginawa ko nang tinola.

Mabuti nalang at may dalawang bakanteng kwarto ang bahay nila Lola kaya magkahiwalay kami ng tulugan ni Troye. Hindi ko na alam ang gagawin ko kung mukha niya pa ang bubungad sa akin.

Dahil nagsimula naman na ang araw ko ay lumabas na ako ng kwarto para maghilamos. Naabutan ko sila Lolo at Lola sa kusina na kaagad ko namang binati.

"Oh, ang aga mo naman nagising apo?" Bungad sa akin ni Lolo na nakaupo sa harap ng lamesa at nagka-kape.

"Oo nga po, 'Lo. Pati ako 'din po nagulat, eh." Inaantok ko pang sagot at hinilamusan na ang mukha ko para magising na ako ng tuluyan. Nagmumog na 'din ako at umupo sa harap ng lamesa kaharap ni Lolo para magtimpla ng kape.

"Si Troye, tulog pa?" Tanong naman ni Lola na abala sa niluluto niya.

"Opo." Sagot ko. "Hayaan niyo po 'yon, matulog siya hangga't gusto niya."

Bahagya naman silang natawa dahil sa sinabi ko. Ako naman ay nagtimpla 'din ng sarili kong kape. Asukal lang at kape ang inalagay ko sa baso ko tsaka binuhusan ko na ng mainit na tubig. May mainit 'din na pandesal sa lamesa na matagal na 'din noong huli akong nakatikim.

Nakabukas ang bintana sa kusina kaya ramdam ko ang malamig na simoy ng hangin sa labas. Tinatanggay nito ang maikling kurtina sa nakabukas na bintana.

Dahil naisip ko na sa labas nalang mag-kape para sa malamig na hangin, tumayo ako dala ang kape at pandesal sa magkabilang kamay ko.

"Sa labas po ako magka-kape, 'Lo." Wika ko kay Lolo na nagtataka akong tinignan nang bigla akong tumayo. "Mukhang masarap pong humigop ng mainit na kape sa malamig na simoy ng hangin sa labas, eh."

Natawa naman siya ng bahagya dahil sa sinabi ko. "Sige apo. May duyan sa labas, doon ka nalang maupo kung gusto mo."

Tumango ako kay Lolo at ngumiti bago tuluyang lumabas bitbit ang pandesal at kape.

Bumungad sa akin ang malamig na simoy ng hangin ng lumabas ako sa pinto. Sa harap naman ng bahay ay nakita ko ang duyan na sinasabi ni Lolo na nakasabit sa dalawang malalaking puno ng mangga. Hitik ito sa bunga kaya nabuo ang plano sa isip ko na kumain nito mamaya. Habang nakatingala ay napansin ko 'din ang isang treehouse sa taas n'on.

Umupo na ako sa duyan at kumain ng pandesal na isinasawsaw ko sa ginawa kong kape. In-enjoy ko lang ang malamig na simoy ng umaga, katahimikan, at kapeng iniinom ko.

"Hoy Gray, kaaga-aga mong nagda-drama diyan."

Hindi 'din nagtagal ang katahimikan na in-enjoy ko nang lumapit sakin si Troye. Umupo siya sa isang upuang kahoy hindi kalayuan sa akin.

Hindi ko siya tinignan. Sinubukan kong ituloy ang mapayapa kong umaga kanina habang humihigop sa hawak kong kape. Ayokong masira ng tuluyan ang araw ko kapag nakita ko ang mukha niya.

Nagkunwari akong walang alam na nandoon siya kahit ramdam ko ang tingin niyang tinatawag akong baliw. Rinig ko 'din ang mga pigil niyang tawa dahil sa ginagawa ko.

Howling MoonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon