Kinagabihan. Naalimpungatan siya sa ingay na nagmumula sa pintuang-kahoy. Naririnig niya ang pahinto-hintong lakas ng katok na kahit labag sa kalooban napilitang tumayo’t kunin ang gasera. Inilawan din niya ang ibaba ng papag upang mahanap ang pangsapin sa paa.
“Sandali lang po!” hiyaw niya sa katamtamang lakas, sapat upang marinig ng kung sinuman ang boses niyang bakas ng pagmamadali.
Katatapos lang nilang maghapunan, palibhasa’t Alas-kuwatro palang ng hapon naghahanda na upang pagsapit ng Alas-syete ng gabi namamahinga na, sapagkat tanging lampara ang nagbibigay liwanag sa natutulog na karimlan.
Gayon din, habang naglalakad sa maliit na espasyo ng silid, tanging ang kakarampot na gasera ang nagbibigay liwanag sa dinaraanan, at bawat apak niya’y nakakakilabot na langitngit ang maririnig.
Papalagpas na siya sa silid ni Cora nang masulyapang nakaawang na naman ang silid nito. Dala ng kuryusidad, agad niyang hinawakan ang seradura at dahan-dahang itinulak ang pinto. Nang makapasok, humaplos sa kaniya ang masaganang simoy ng hangin na siyang mas nakapagpataas ng balahibo mula mukha, batok hanggang paibaba ng kabuuan.
Napayakap pa ang kanang kamay sa kaliwang braso kasabay ng pagpikit, ngunit matapos mahimasmasan agad din siyang dumilat, doon na tumambad sa kaniya ang nakabukas na bintanang-kahoy. Kaliwa’t kanan ang pag-ugoy ng kulay kalimbahin na kurtinang narito na siyang sumasaliw sa malakas na ihip ng hangin; mas lalo tuloy siyang napayakap sa sarili at napapikit muli.
“Ano ba ito? Bakit sobrang lamig naman ata, pati ang alam ko isinara ko ang bintana kanina, ah? Huwag mo sabihing—imposible.” At muling napadilat, hindi niya maalis sa isipan kung papaanong bukas ang bintana samantalang sigurado siyang isinara niya ito.
Gayon din, patuloy niyang niyayakap ang sarili dahil sa mas tumitinding lamig na nararamdaman, isabay pa ang pag-ugoy kaliwa’t kanan ng gaserang hawak sa kaliwang kamay dahilan upang mas kilabutan siya.
“Bakit ba mas lumakas pa ata ang hangin? May bagyo ba? Wala namang kulog o ano, ah? Diyos ko po, Ama—sandali, bakit—”titig na titig siya sa dako ng kagubatan kung saan parang may imahe siyang natatanaw. Nakatayo ito ilang dipa sa kanilang mumunting tahanan habang parang may suot na hanggang talampakan na damit, kung saan malabo sa kaniya kung tao ba o ano.
“Sindy! Nasa’n ka na?” sigaw nang medyo paos na tinig habang kumakatok, dahilan upang mapatalon siya nang bahagya kasabay ang pagkabasag ng katahimikan sa loob ng kabahayan dahil sa gaserang nabitiwan.
Dahil din dito, tuluyan siyang napalingon sa dako ng pintong pawang kadiliman ang natatanaw habang hindi napapansing nasa gitnang bahagi na siya ng silid; malapit sa kurtinang patuloy pa rin na inililipad ng hangin.
“Sindy!” tinig muli ng may paos na boses. Base sa pagkakaalam niya ang ina ang natatanging nakatira sa bahay-kubo nilang may ganoon na pananalita. Halatang inip na inip na ito sa paghihintay lalo’t ayaw nitong pinaghihintay.
“Opo! Papunta na,” hiyaw niyang muli bago lumingon sa dako ng bintana upang isara ito, ngunit tuluyan na lang tumalbog ang puwetan sa malamig na sahig.
Hindi siya maaring magkamali, nakangisi ito habang nakapatong sa tapat ng bintana. Kaya sa muling pagkakataon tuluyang kumawala ang kapatid-patid niyang sigaw nang akmang lalapitan siya nito habang bakas sa anyo ang nakakakilabot na ngiti.
“Ate, ano’ng nangyayari sa ’yo?” naalimpungatang tinig mula sa kay Cora.
“Ate Sindy, ano’ng mayroon?” iritableng segunda naman ni Maria. Kakarating lang nito mula sa pinto. Kinukusot pa ng kaliwang kamay ang kaliwang mata habang nagsusumayaw naman ang kakarampot na gaserang hawak nito.
YOU ARE READING
Dark Secret (on-going)
Mystery / ThrillerSimple life was to be the most beautiful place around the corner of every individual's life. Both men and women dream of the most exciting journey. They dreamt to be in a place of perfection that was full of contentment and happiness. Sindy, the unc...