10th Chapter: First LQ

3.5K 145 1
                                    

"NASA'N na ba 'yon?" Nagulo na ni Moana ang buong kuwarto pero hindi niya mahanap ang mga elastic band na ginagamit niyang pampusod ng buhok tuwing nagpipinta siya. Paano kasi, kapag tapos na siyang magpinta, hindi na niya matandaan kung saan niya iniiwan ang mga pampusod.

Dumeretso siya sa kuwarto ni Botchog na kasalukuyang nasa cat cafe kaya walang makakaalam na manghihiram muna siya ng ipit ng pusa. Naalala kasi niya na minsan ay nakikita niyang nakaipit ang makapal na balahibo ni Botchog.

Nagulat siya sa hitsura ng kuwarto ng pusa. Parang children's room—may maliit na kama at puno ng laruan.

Sosyal 'tong Botchog na 'to, ah.

Dumeretso si Moana sa drawer sa tabi ng kama. Maraming iba't ibang klase ng ponytail si Botchog. Pero ang pinakakumuha sa kanyang atensiyon ay ang silver clip with a butterfly badge.

Sosyal ka talaga, Botchog.

Inipit niya ang kanyang bangs gamit ang silver butterfly pin, saka ipinusod ang buhok. Nang makontento na sa kanyang ayos ay dumeretso naman siya sa isa pang guest room na ginagamit niya sa bahay ni Sley.

Malamansiyon ang tinitirhan ng lalaki. Bukod sa master's bedroom ay may tatlo pang kuwarto roon. Ang isa ay kay Botchog at ang dalawa naman ay ginagamit niya. Ginawa niyang art studio ang pangalawang kuwartong hiniram niya. Hindi niya pinapapasok doon si Sley.

Humarap si Moana sa blangkong canvas at nagsimula nang magpinta. Kahapon ay tumakas siya ng bahay para bumili ng art paraphernalia. Mula nang tumuloy siya sa Luna Ville ay bumalik na ang "drive" niya sa pagpipinta.

Hindi niya alam kung gaano katagal na siyang nagpipinta. It must have been six hours or so, dahil nang mag-alarm ang cell phone, alas-siyete na ng gabi.

Napangiti siya. "It's time to welcome him home."

Hindi na siya nagpalit ng damit dahil hindi naman gaanong natalsikan ng pintura ang T-shirt niya. Deretso siyang bumaba sa sala upang salubungin si Sley. "Welcome home!" masiglang bati niya.

Ngumiti si Sley kahit halatang pagod. Bitbit sa braso si Botchog. "I'm home..." Unti-unting nawala ang ngiti ng lalaki, natuon ang atensiyon sa tuktok ng kanyang ulo. "Monina, saan mo nakuha ang clip na 'yan?"

Nagtaka si Moana dahil parang naging seryoso bigla si Sley. Kinapa niya ang clip sa kanyang ulo. "Sa kuwarto ni Botchog. Pasensiya ka na kung hindi ko naipaalam sa 'yo 'to kasi—"

"Hindi ka dapat nangingialam ng mga bagay na hindi naman sa 'yo!"

Napapiksi siya sa pagtataas ng boses ni Sley. Maging si Botchog ay mukhang nagulat dahil ngumiyaw at tumalon mula sa mga braso ng amo. Nakaramdam din siya ng takot nang makita ang pagdaan ng galit sa mga mata ni Sley. Pero napansin niyang parang nabigla lang naman ang lalaki.

Kahit na. Sinigawan pa rin niya ako.

Kalmado niyang inalis ang clip sa kanyang buhok at ipinatong sa center table. "Tama ka. Pasensiya ka na kung nangingialam ako sa bahay mo. Eh, bisita lang naman ako. Hindi na ito mauulit."

Bumuga ng hangin si Sley. "Monina, I'm sorry... nabigla lang ako."

"Okay lang," ani Moana, sabay talikod at dumeretso sa kanyang kuwarto. Napasandal siya sa pinto at napadausdos ng upo. Pasimple siyang humawak sa dibdib. Malakas pa rin ang kabog niyon dahil sa kaba.

Mukhang matindi talaga ang nagawa niyang kasalanan kay Sley para magalit ito nang ganoon. Nasaktan siya sa pagsigaw ni Sley, pero dahil alam niyang kasalanan naman niya kaya nakonsiyensiya siya.

Bakit ka makokonsiyensiya? Hindi ba't 'yan naman ang misyon mo? Make Sley hate you, Moana!

Luna Ville Series 2: Mystical Blue Cat (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon