Enix Hotel
"HOW are you, Moa? I've missed you."
Isang tipid na ngiti lang ang isinagot ni Moana kay Kaito. Kasalukuyan silang naglalakad papunta sa Violet Cloud restaurant sa Enix hotel kung saan gaganapin ang family dinner nila. "Kaito, habang magkalayo tayo, napag-isipan ko ang naging mga pagkukulang ko sa relasyon natin."
"Moa, when we were apart, nakapag-isip-isip din ako tungkol sa relasyon natin. Hindi lang naman ikaw ang may pagkukulang. Imbes na intindihin kita, naging childish pa ako at pati ang pagpipinta mo, pinagselosan ko pa. I'm really sorry about that. Pangako, babawi ako sa 'yo."
Natahimik siya. Paano niya sasabihin kay Kaito na all along, naging excuse lang pala niya ang pagpipinta? Na kaya pala hindi niya mabigyan ng tamang atensiyon ang lalaki ay dahil sa umpisa pa lang, hindi talaga niya ito minahal? Siguro nga minahal niya, pero hindi lubusan.
Hindi gaya ng pagmamahal ko kay Sley...
Humugot uli siya ng malalim na hininga. "Kaito, I'm sorry—"
"Moa."
Sabay silang napalingon sa tumawag sa kanya. Si Monina ang tumawag, kasama ang kanilang mga magulang. Bantay-sarado na talaga ang kapatid niya ng kanilang mommy at daddy. Hindi sila sabay-sabay na umalis ng bahay pero nagkasabay-sabay rin naman pala sila sa pagdating sa Violet Cloud.
Pasimple siyang kinindatan ni Monina, na ginantihan naman niya ng isang ngiti. Ang ibig sabihin niyon, alam ng kakambal niya na hindi siya kumportable sa pinag-uusapan nila ni Kaito kaya nagpasalamat siya nang tawagin siya ni Monina.
"Thanks, Mon," bulong ni Moana pagkatapos niyang halikan sa pisngi ang kapatid bilang pagbati.
"Anytime, sis."
Pumasok sila sa Violet Cloud pero imbes na sa isa sa mga mesa roon ay sa isang maliit na kuwarto sila dumeretso. May isang malaking bilog na mesa sa silid na sapat sa sampung katao. The place was reserved for them.
"Well, it seems everyone's here. Shall we eat?" tanong ng kanyang ina nang nakapalibot na silang lahat sa mesa.
"Honey, we're still waiting for someone," sabi naman ng kanyang ama.
"Sino ho, Dad?" nagtatakang tanong ni Moana.
"Ah. 'Andito na siya." Narinig niya ang pagbukas ng pinto, pero dahil nakatalikod siya roon, hindi niya nalaman kung sino ang dumating hanggang sa batiin ng kanyang ama. "Slater."
Nanlamig ang buong katawan ni Moana at parang nanigas sa kinauupuan nang marinig ang pangalan ni Sley. Ni hindi niya magawang lumingon. Natatakot siya dahil baka hindi niya mapigilan ang sarili at bigla na lang niyang halikan si Sley. She missed him like hell!
"Monina." It was Sley.
Napapikit na lang si Moana upang pigilan ang pag-iyak. She missed his voice so much. Naramdaman niya ang pagkilos ni Monina sa kanyang tabi. Dumilat siya nang tumayo ang kanyang kapatid.
"Slater—"
Nagtaka si Moana kung bakit hindi na naituloy ni Monina ang sinasabi kaya nilingon niya ang kanyang kapatid. Parang may tumarak na matulis na bagay sa kanyang puso nang makitang yakap na pala ni Sley si Monina.
"I've missed you, Monina. Dammit, don't leave me like that again! Tinakot mo ako! I won't let you go again, so I'm begging you, marry me!" biglang pag-aalok ni Sley ng kasal kay Monina na parang nagpatigil sa pag-ikot ng mundo ni Moana.
Moana's heart was now shattered into microscopic pieces.
BINABASA MO ANG
Luna Ville Series 2: Mystical Blue Cat (COMPLETE)
Romance"I want to hear you call my name." [PUBLISHED 2015 under Precious Pages] Nakiusap ang kakambal ni Moana na magpalit sila ng katauhan. Makikipagtanan kasi si Moana sa boyfriend nito para matakasan ang lalaking gustong ipakasal ng ama nila rito. Pumay...