Kabanata 22

56.9K 1.6K 67
                                    


Bahay-bahayan

"Ate Kyla!" 

Agad akong sinalubong nang yakap ng tatlong bata nang makapasok ako sa bahay ni Dale. Ito ang unang beses na mabisita ko sila sa bahay ni Dale. Tatlong araw kasi akong naging abala kaya ngayon lang ako makakabawi.

"Kumusta naman kayo? Hindi na kayo madudungis ah?"

"Syempre po! Lagi po kasi kaming inaalagaan ni kuya Dale!" si Andie sabay tingin kay Dale.

Napatingin din ako kay Dale na ngayon ay nakangiting pinagmamasdan ang mga bata sa harap ko.

"Mabuti naman kung gano'n. Oh ito, dinalhan ko kayo ng ice cream niyo!" sabay abot ko sa kanila ng mga dala ko.

"Yehey!" sabay nilang sigaw saka tumakbo papuntang kusina ng bahay ni Dale bitbit ang ice cream.

Napabuntong hininga nalang ako at tinitingnan sila sa malayo. Lumapit naman si Dale sa'kin.

"Mabuti naman at nakapunta ka. Akala ko hindi ka matutuloy ngayon dahil sa paghahanda niyo sa birthday ng kambal." aniya

"Kinuha ko kasi itong regalo ko kina kuya sa bahay ng tita ko kaya dumaan na rin ako rito para sa mga bata." sambit ko sabay pakita ng dala kong paper bag kung saan nakalagay ang mga regalo ko.

"Ikaw lang magisa? Napapadalas yata yung wala kang kasama kapag wala si Kurt? Hindi ba kaibigan mo rin naman si Aya? Bakit hindi siya yung nakakasama mo?"

Hindi ako agad nakasagot sa tanong niya at tipid nalang na ngumiti. Tama siya, si Kurt nga ang mas nakakasama ko kesa kay Aya. Kahit naman gustuhin ko siyang kasama, lagi naman niyang sinasabi na may gagawin siya. Tapos sa tuwing uuwi ako sa bahay laging nando'n na siya kasama ni mommy. 

"Alam mo, ang chismoso mo masyado." sambit ko at sinundan nalang ang mga bata para tingnan silang kumain ng ice cream.

"Nagtatanong lang naman e." aniya habang nakasunod sa'kin.

"Ate, Kuya, laro po tayo!" si Angelo habang kumakain ng ice cream.

"Anong laro naman?" tanong ko habang hinahaplos ang buhok ni Ayen.

"Bahay-bahayan po! Si kuya ang papa namin, tapos ikaw naman ate yung mama. Para kunwari may happy family tayo!"

Napangiti naman ako dahil sa sinabi nito. "Happy family? Sige nga, anong gagawin ko bilang mama niyo?"

Nagulat nalang ako ng bigla akong sikuhin ni Dale. Kunot noo ko siyang nilingin.

"Bakit?"

"Payag ka sa bahay-bahayan?" pabulong niyang tanong.

"Bakit naman hindi? Laro lang naman yun e. Isa pa, yung mga bata ang may gusto. Pagbibigyan ko lang."

Hindi ko alam kung bakit parang umaayaw pa si Dale na maglaro ng bahay-bahayan. Sa totoo lang hindi ko naman talaga alam kung paano 'to laruin. Hindi naman kasi ako nagdadala ng kalaro sa bahay. Yung lagi ko lang nilalaro ay barbie, o 'di kaya lutu-lutuan at magisa ko lang yun nilalaro. Pero siguro naman madali lang ang bahay-bahayan. Sa tawag palang sa larong 'to, bahay-bahay lang.

Nang natapos sila sa pagkain ng ice cream ay agad na nila kaming dinala sa kuwarto nila. Maganda ang kuwartong binigay sa kanila ni Dale, may sari-sarili silang kama sa iisang kuwarto at nasa ayos naman ang mga laruan nila.

"Mama, gawa na po tayo ng bahay!" si Ayen saka ako hinila papunta sa may bintana nila.

Kumuha sila ng kumot at itinali nila 'yon sa may bintana. Kumuha rin sila ng dalawang upuan para itali  sa likod nito ang dalawa pang dulo ng kumot. Nang mag latag na sila ng higaan sa may sahig at nag lagay na ng unan, hinila naman nila kami ni Dale paupo ro'n.

"Ito ang bahay natin!" si Angelo saka sila tumabi sa amin.

"Ang ganda-ganda naman gumawa ng bahay ng mga anak ko!" sambit ko at pinisil ang mga ilong nila.

"Syempre po, Mama! Hindi po puwedeng pangit ang bahay natin kasi po maganda at guwapo po ang nakatira!" si Andie naman ngayon.

"Aysus, nambobola siya ohh!" sabay kiliti ko rito.

Ang gaan ng pakiramdam ko sa tuwing nakikita ko silang nakangiti at masaya. Parang pinapakinggan ko lang ang paborito kong kanta kapag naririnig ko yung mga tawa nila. Yung tipong nawalan ng oras sa'kin ang pamilya ko pero nakakagawa ako ng oras para sa mga batang hindi ko naman kadugo. Para akong nakahanap ng bagong pamilya.

Hindi ko mapigilang matawa dahil sa asaran ni Dale at ng mga bata. Nasali pa ako sa pangingiliti nila sa isa't-isa kaya hindi ko na makontrol pa ang tawa ko.

"Tama na! Ang sakit na ng tiyan ko kakatawa ha!" tumatawa kong sabi ay pinipigilan ang mga kamay nilang makiliti ako.

"Anong tama na? Walang tama-tama rito aba!" si Dale at mas lalo pa akong kiniliti.

Halos hindi na ako makahininga at naiiyak na ng siya naman ang kilitiin ng mga bata.

"Ayan! Sige, tama 'yan! Siya naman ang kilitiin niyo!" sambit ko saka tumayo para maiwasan makilit ulit.

"Ang daya! Tumatakbo na si mama niyo oh!" si Dale habang natatawa akong tinuturo.

"Wala! Tapos na akin!" giit ko sabay atras.

"Hindi, hindi pa tayo tapos mag laro." aniya at tumayo na kasabay ng mga bata.

Papalapit na sila sa'kin kaya naman mas natawa nalang ako dahil ginagalaw-galaw nila ang mga daliri nila para ipakitang kikilitiin nila ako.

"Mama, kikilitiin ka na po namin." si Ayen na nakangiting nakatingin sa'kin.

"Tumigil nga kayo! Ayaw ko na makiliti!" 

Tatakbo na sana ako para makalabas ng kuwarto pero agad akong nahuli ni Dale at kiniliti. Sa sobrang tawa ko ay hindi ko na nabalanse pa ang katawan ko at bumagsak na ako sa isa sa mga kama ng mga bata.

"Ano ba, Dale!" sigaw ko habang tumatawa.

"Wala kang takas!"

Natigil nalang kami ng marinig namin ang tatlong bata na nagsalita.

"Ayiee, si mama at papa ang sweet!"

Napakurap-kurap nalang ako dahil saka ko lang napansin na nakahiga ako sa kama habang nasa ibabaw ko naman si Dale at kaunting galaw nalang ay mahahalikan na niya ako. Nanatili naman ang kamay niya sa gilid ng tiyan ko at kahit siya hindi nakagalaw dahil sa gulat.

"Dale? Kyla?"

Pareho kaming napatingin sa may pinto ng kuwarto dahil sa pamilyar na boses. Mas lalong nanlaki ang mga mata ko nang makita ko si Troy na kunot ang noong nakatingin sa amin. Agad kong naitulak si Dale at umayos ng tayo. Parang gusto ko nalang magpakain sa lupa ngayon dahil sa hiya at kaba.

Napatingin naman ako sa tatlong bata na humagikhik habang nakatingin pa rin sa amin. Nang bumalik ang tingin ko kay Dale ay napakamot na lamang siya ng batok. 

"Pasensya na, mukhang nakaabala yata ako sa lambingan niyo." sambit ni Troy.

"Naglalaro lang kami!" sabay naming sagot ni Dale.

"Naglalaro? Anong klaseng laro naman 'yan?" 

"Bahay-bahayan!" sabay ulit naming sagot.

Napatitig nalang ako kay Troy na ngayon ay hindi makatingin sa'kin. Hindi ko alam kung tama ba ang nakikita ko pero para kasi siyang galit sa inaasal niya ngayon.

"Pumunta lang ako rito dahil gusto ko sanang magpasama sa'yo na bumili ng regalo para kina Ryan. Kaso mukhang may inaasikaso ka pa kaya h'wag nalang. Sige, ituloy niyo na ang bahay-bahayan niyo." aniya kay Dale bago kami tinalikuran.

Napalunok naman ako at nakatingin pa rin kung saan nakatayo kanina si Troy. Bigla nalang akong nakaramdam ng lungkot dahil do'n. Ilang sigundo bago siya sinundan ni Dale palabas. Napatingin naman ako sa mga bata saka sila nginitian.

Nagpatuloy sila sa paglalaro habang ako ay nakabantay lang sa kanila. Hindi ko rin maiwasang mapatingin ng paulit-ulit sa pinto dahil nagbabakasakaling bumalik si Troy pero hindi na yun nangyari.

Bakit ba ako nalungkot bigla? Dahil ba iba ang naisip niya dahil sa nakita niya kanina? O dahil may iba bang rason na hindi ko alam kung ano? Nakakainis, ang gulo tuloy ng isip ko.

Ms. Mataray meets Mr. Mahangin ( BOOK 1 ) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon