Kabanata 28

51.8K 1.5K 25
                                    


Kuwentas

"Kyla, excited na tuloy ako sa bakasyon!" si Aya habang sinasabayan ako sa paglalakad papuntang canteen.

Gusto kong umirap ngayon dahil nawawalan talaga ako ng ganang makinig sa mga kuwento niya. Para naman kasing nagpapa-inggit siya dahil nagkakaroon na siya ng puwesto sa pamilya namin. Ilang buwan na at gano'n pa rin ang nangyayari sa bahay. Lagi pa rin si Aya sa bahay at ako naman yung laging wala dahil hindi rin naman nabibigyan ng oras.

No'ng pasko nga ay hindi siya sa bahay nila nag celebrate. Sa bahay ulit namin siya at hindi man lang naisip ang mararamdaman ng mga magulang niya. Lagi siyang gumagawa ng paraan para mas mapalapit sa mga magulang ko. Kahit kina kuya Calvin at kuya Ryan sinusubukang niyang mapalapit. Buti nalang talaga ang may pagka siraulo ang mga kapatid ko, lagi nilang binabara si Aya at pinapakitang hindi sila interesadong makipag-usap sa kanya.

Kahit gustuhin ko mang mapalapit ulit sa mga magulang ko gaya ng dati, hindi ko na yun magagawa lalo na kung may laging nakikisingit. Akala mo naman siya yung anak. Imbis na kaibigan ang tingin ko sa kanya, nagdidilim na talaga ang pangingin ko minsan. Gusto ko nalang siyang awayin sa sobrang inis pero pinipigilan ko dahil ayaw kong gumawa ng gulo.

"Ang sabi ni tita, isasama niya raw ako sa bakasyon niyo sa bukidnon. Sabi niya pa makakasama rin daw sina Troy! Totoo ba yun?"

"Oo, last year pa dapat yun pero hindi natuloy dahil na rin sa maraming ginagawa." walang gana kong sabi.

"Gano'n ba? Pero ayos na rin kung ngayon lang matutuloy, at least makakasama ako." masayang sabi niya.

"Hindi naman masaya sa lugar na yun." 

Iniiwas-iwasan ko ngang bumalik sa lugar na yun e, dahil na rin sa mga hindi magagandang pangyayari sa nakaraan. Pero wala naman akong magagawa kung magpapaiwan ako rito, lahat sila pupunta ro'n. Isa pa, ayaw kong hayaan na pati si lola at lolo agawain ni Aya sa'kin. Magiging bida-bida na naman siya ro'n para lang makuha ang loob nina lola at lolo. 

Kaibigan ko siya pero ang laki ng sama ng loob ko sa kanya dahil sa mga ginagawa niya. Hindi ko na talaga gusto yung mga ginagawa niyang pagkuha ng atensyon ng mga mahal ko sa buhay. Minsan gusto ko nalang talaga manakal.

Nasa canteen na kami ng sinubukan kong umalis sa tabi ni Aya. Hindi ako komportable sa kanya ngayon, kumukulo lang ang dugo ko kapag nakikita ko siya. Hindi na ako bumili pa ng pagkain sa canteen at dumiretso nalang ako sa tambayan ko. Gusto ko lang makahinga ng maluwag ngayon.

Umupo ulit ako sa paborito kong puwesto at tahimik na sumandal sa katawan ng puno. Pipikit na sana ako ng may maramdaman akong kung anong tumutusok sa may puwetan ko. Agad akong gumilid at tiningnan kung ano mayro'n do'n. Napakunot nalang ang noo ko nang mapansin ko ang isang kuwentas na may pendant na susi. Agad ko itong kinuha at tiningnan ng mabuti. 

"Parang pamilyar 'to sa'kin. Pero hindi ko matandaan kung saan ko 'to nakita." sambit ko.

Habang iniisip kong mabuti kung saan ko nakita ang kuwentas na ito ay bigla ko nalang nakita si Troy sa may unahan at halos gumapang na sa damuhan habang may kinakapa rito. Tumayo naman ako para lapitan siya.

"Anong ginagawa mo?"

Gulat naman siyang napatingin sa'kin na para bang nakakita ng multo. Nang matauhan siya ay agad siyang tumayo sabay kamot sa batok.

"May hinahanap kasi ako." aniya

"Ano namang hinahanap mo?"

"Basta, kailangan kong makita yun."

"Importante ba?" 

Hawak ko ngayon ang kuwentas na nakita ko kanina. Hindi ko alam kung kanya ba 'to pero baka gano'n na nga. Gusto ko lang malaman kung bakit niya hinahanap 'to at kung gaano ba 'to kahalaga sa kanya.

"Importante yun sa'kin. Bigay yun sa'kin ng mahalagang tao sa buhay ko." aniya sabay tingin sa'kin.

Para naman akong nakaramdam ng lungkot at napaiwas ng tingin sa kanya. Siguro si Trisha yung may bigay nito sa kanya? Naaalala ko may regalong binigay si Trisha sa kanya no'ng birthday niya. Baka ito yun. Baka si Trisha yung tinutukoy niyang mahalagang tao sa buhay niya.

"Ano ba kasing hinahanap mo? Kuwentas ba?" tanong ko ulit.

"Oo, may nakita ka ba?"

Hindi ako agad sumagot at tiningnan muna siya saglit. Huminga muna ako ng malalim at ipinakita sa kanya ang kuwentas na hinahanap niya.

"Nakita ko 'yan kanina ro'n sa inuupuan ko. Sa susunod, siguraduhin mong hindi mo na mahuhulog 'yan lalo na kung galing naman pala sa mahalagang tao sa buhay mo." sambit ko at binigay na sa kanya ang kuwentas.

"Salamat." aniya at at itinago na sa bulsa niya ang kuwentas na yun.

Tinalikuran ko naman siya para bumalik na sa puwesto ko kanina. Bumigat bigla ang pakiramdam ko pero hindi ko na pinahalata pa yun. Tahimik akong umupo at sumandal ulit sa katawan ng puno. Nang pumikit ako ay naramdaman ko ang pag tabi niya sa'kin.

Hindi siya nagsalita kahit ilang minuto na ang lumipas. Napadilat tuloy ako sabay lingon sa kanya. Nakapikit din siya ngayon at kitang-kita ang pagiging inosente ng mukha niya sa tuwing nakapikit.

Pagkatapos kasi no'ng araw na dinala niya ako sa bahay nila, bumalik ulit kami sa dati na parang aso't-pusa. Siguro gano'n na talaga kami lagi. Umaandar kasi ang pagiging mahangin niya at masyado akong iniinis. Parang hindi kompleto ang araw niya kapag hindi niya napapakulo ang dugo ko. Siguro kung may namamatay lang sa tingin, pinaglalamayan na ang isang 'to.

"Ayan ka na naman sa kakatitig mo sa'kin. Tapos kapag sinabi kong gusto mo ako ayaw mo naman aminin." aniya at nakangising dumilat.

"Talaga ba, Troy?" sabay irap ko sa kanya.

"Naa-attract ka siguro sa kaguwapuhan ko, 'no?"

"Ang pangit mo, tumigil ka." 

"Aysus, ang hilig mo talaga mag deny." aniya sabay siko sa'kin.

"Puwede ba? Nakakairita ka."

"Bakit ka ba kasi nakatitig sa'kin?"

"Napapangitan ako sa'yo e."

"Weh? Guwapo ko nga e." 

"Ang hangin-hangin mo na naman, umusog ka nga ro'n!"

"Ang taray-taray mo na naman, para kang may regla araw-araw."

"Ewan ko sa'yo."

"Nga pala, malapit na ang bakasyon, sama ako sa bukidnon ha?"

"Sumama ka para maitulak kita sa bangin do'n. Masyado ka na kasing mahangin, dapat ka ng mawala sa mundo."

"Ang sama mo sa'kin. Nagpapakabait na nga ako e."

"Manahimik ka na nga, gusto ko magpahinga rito." sambit ko at pumikit ulit.

"Sige po, madam." 

Nitong mga nakaraang buwan may napapansin ako sa sarili ko. Hindi ko alam kung tama ba 'tong nararamdaman ko. Kung dati kinakabahan lang ako kapag nandiyan si Troy, ngayon napapadalas na rin ang paghahanap ko sa presensya niya. Naiinis ako sa kanya gaya pa rin ng dati, pero kapag wala naman siya o 'di kaya hindi ko nakikita, nalulungkot naman ako lalo.

Pakiramdam ko tuloy mali 'tong nararamdaman ko. Hindi ito tama e. May namamagitan kay Troy at Trisha pero palagi siyang umaaligid sa'kin. Ayaw kong maging third party sa relasyon nila. Kaya alam kong mali kung magkakaroon man ako ng feelings sa pangit na 'to.

Isa pa, baka kaya lang ako nagkakaroon ng feelings sa kanya, e, dahil sa mga pinapakita niya sa'kin. Baka infatuation lang kung sakali man na mayro'n nga. Siguro mawawala rin 'to? Hindi pa naman nag iisang taon na hiwalay kami ni Miko, baka nangungulila lang ako sa kanya kaya kay Troy ko naibabaling ang lahat.

Dapat ba akong umiwas kay Troy para mawala na 'tong kung anong bumabagabag sa'kin? Dapat ba lumayo nalang talaga ako para wala akong masirang relasyon? Naguguluhan ako pero gusto kong gumawa ng paraan para mapigilan ang mga posibleng mangyari. 

Ms. Mataray meets Mr. Mahangin ( BOOK 1 ) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon