Kabanata 53

48.2K 1.4K 17
                                    


Tutol

"Ang sabihin mo, marami ka lang talagang babaeng hinaharot!" naiirita kong sabi sa kanya sabay hirap.

Nasa likod ulit kami ng campus ngayon. Ito lang talaga kasi ang lugar kung saan walang istorbo sa aming dalawa.

"Dati, Kyla. Dati 'yon."

"Kahit na! Tignan mo ngayon, ako lagi ang sinusugod nila. Ang aga-aga pa para mastress. Ang sakit pa ng ulo ko dahil sa biglaang pag hila ng babaeng 'yon sa buhok ko."

Bigla naman siyang lumapit sa'kin at dahan-dahang hinawakan ang ulo ko. Napakurap-kurap na lamang ako habang nakatingin sa kanya.

"I'm sorry. Hindi mo dapat nararanasan ang ganito dahil sa'kin. Hayaan mo, kakausapi--"

"H'wag na. ayaw kong lumalapit ka pa ulit sa mga babaeng hinarot mo dati, baka umasa na naman sila sa'yo at mas pag initan pa ako lalo." sambit ko sabay iwas ng tingin.

Saglit na katahimikan bago siya bumuntong hininga at niyakap ako ng mahigpit.

"I miss you." malambing nitong bulong sa tainga ko.

Kinagat ko na lamang ang ibabang labi ko upang itago ang ngiti. Nang humiwalay siya sa pagkakayakap sa'kin, agad akong tumikhim at tinaasan siya ng kilay.

"Sinasabi mo lang ba 'yan dahil alam mong naiinis pa rin ako sa nangyari kanina?"

"Alam kong naiinis ka, pero totoong namiss kita. Saglit lang tayong nagkakausap sa tuwing tumatawag ka. Pinagbabawalan ka ring lumabas kaya hindi tayo nakakapag-kita. Pero ngayon, puwede na ulit." 

"At dahil puwede na ulit, ipagluluto mo ba ako mamaya?"

Habang nakakulong ako sa bahay nitong mga nakaraang araw, hinahanap-hanap ko talaga ang luto ni Troy. Hinahanap-hanap ko ang presensya niya. Kahit minsan kinakabahan ako kapag malapit siya sa'kin, ramdam ko pa ring ligtas ako kapag nasa tabi ko siya.

"Ano bang gusto mong lutuin ko mamaya?

"'Yong ulam na gawa sa sama ng loob?" sambit ko sabay tawa.

"Nagiging paborito mo na 'yon ah?" nakangiting sabi niya at inakbayan ako sabay halik sa noo ko.

"Aba syempre! Inimbento mo 'yon e."

"Dadamihan ko na lang ang lulutuin ko mamaya para makapag-dala ka sa bahay niyo, para naman matikman ng future mother in law at father in law ko ang niluto ko para sa future wife ko." 

Gaya ng sinabi niya, marami nga ang niluto niya. Sa kanya kasi ako sumabay no'ng uwian na at mukhang pinagpaalam niya na rin naman ako kina kuya Ryan. Hindi ko pa nga nakikita ulit sina Kurt, siguro alam na rin nila ang tungkol sa'min ni Troy. 'Yon nga lang, baka hindi na nila ako kausapin dahil biglaan na lang nilang mababalitaan na kami na pala ni Troy.

Habang abala si Troy sa pagluluto, nag libot ulit ako sa lumang bahay kung saan siya tumutuloy. Nang mapadpad ako sa kuwarto niya, napangiti na lang ako nang makita ang isang pirasong papel kung saan nakasulat ang pangalan niya na ngayon ay nakaframe. 

Sa susunod na birthday niya, ano kayang magandang regalo? Mamahaling relo? Sapatos? Damit? Natigilan na lang ako sa pagiisip tungkol sa regalo nang biglang tumunog ang selpon ko dahil sa isang text. 

Mommy:

Nasaan ka? Umuwi ka na, ngayon din.

Napakunot na lang ang noo ko dahil sa text niya. Imbis na mag reply ay ibinalik ko na lamang sa bag ko ang selpon ko at lumabas na lang ng kuwarto ni Troy para balikan siya sa kusina. Mamaya na ako magpapaliwanag kay Mommy kung bakit late akong makakauwi, siguro naman matutuwa sila dahil dadalhan ko naman sila ng ulam na niluto ni Troy.

Ms. Mataray meets Mr. Mahangin ( BOOK 1 ) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon