Pangalan
Pagkatapos ng araw na yun, hindi ko na naman nakita si Troy kahit sa campus. Lagi akong sumasabay kina kuya pero hindi ko talaga siya nakitang nakisabay sa mga kapatid ko nitong mga nakaraang araw. Naglalakad ako ngayon sa koridor ng makasalubong ko ang grupo nina Trisha. Dati ko pa naman sila nakakasalubong, minsan nga kasama nila si Lane na lagi kong nakakaway, pero ngayon lang ako nagkaroon ng pake sa babaeng 'to.
Hindi ko maiwasang tumingin sa kanya. Tapos kapag napapatagal ang tingin ko sa kanya, naiinis ako lalo. Siguro hindi ko lang gusto ang mukha niya? O 'di kaya ang kilos at pananalita niyang halatang maarte?
Napatingin siya sa'kin habang nagkakasalubong kami kaya naman agad akong umiwas ng tingin at nagkunwaring may ibang tinitingnan. Bumagal naman bigla ang lakad ko ng marinig ko ang sinabi ng isa sa mga kasama niya.
"Ang lakas talaga siguro ng tama ni Troy sa'yo, 'no? Base sa mga kuwento mo sa'min, parang mahal na mahal ka niya."
"Syempre, nasa akin na ang lahat nang hinahanap niya sa isang babae." proud na sabi nito.
Napairap nalang ako dahil sa narinig ko. Ang pangit pala pumili ni Troy ng babae, maarte na nga, feelingera pa. Nang makalayo na sila sa'kin ay saka lang ako lumingon ulit at tiningnan ang nakatalikod na si Trisha mula ulo hanggang paa.
"Mas maganda naman ako sa kanya, tss."
Plano kong pumunta sa library ngayon para tapusin ang mga assignments ko ng may maalala akong pangyayari dati. Napatingin nalang ako sa bracelet na binigay sa'kin ni Aya. No'ng araw na naiwala ko 'to, yun din ang araw na nakita ko si Troy at Trisha na naghahalikan sa loob ng library.
Sa dinami-rami ng puwede kong maalala, bakit yun pa? Parang kumukulo ang dugo ko na hindi ko maintindihan. Siguro nabubwesit lang ako sa kanilang dalawa? Sa sobrang inis ay hindi nalang ako tumuloy sa library at humanap ng ibang lugar kung saan puwede kong gawin ang assignments ko.
Nang makarating ako sa lugar kung saan ako lagi tumatambay ay nakahinga nalang ako ng maluwag. Tahimik at walang tao rito, mas makakapag-isip ako ng maayos. Inilapag ko na sa damuhan ang mga gamit ko at umupo na rin saka sumandal sa katawan ng punong nasa likuran ko. Saglit akong napatulala ng may maalala na naman ako sa lugar na 'to.
Dito yata nagsimulang lumala ang kabwesitan ko kay Troy e. No'ng araw na tahimik naman sana akong tumatambay at nagpapahangin dito pero biglaan siyang sumulpot. Pero kahit nakakabwesit siya, sa mga oras na umiiyak ako, siya yung nasa tabi ko. Lalo na no'ng araw na umiyak ako dahil kay Miko. Nakakainis siya pero sobrang maalaga. Kaya siguro maraming nagkakagusto sa kanya lalo na kapag pinapakita niya yun sa iba.
Saglit nga, bakit ba puro si Troy ang iniisip ko ngayon? Bakit ko siya iniisip imbis na gawin ang assignments ko? Nalintikan ka na talaga Kyla, pangit ang isang yun, h'wag mo siyang iniisip masyado.
Huminga ako ng malalim bago sinimulan ang pag gawa ng assignments ko. Pero kahit anong subok ko na intindihin ang binabasa ko, lumilipad talaga ang isip ko. Halos bumaon na sa papel ko ang dulo ng ballpen sa sobrang inis ng makita kong pangalan pala ni Troy ang naisulat ko imbis na pangalan ko.
"Bakit pangalan ko ng nakalagay riyan?"
"Ay palaka---Troy!" para akong nilubayan ng sariling kaluluwa ng makita ko si Troy na nakaupo sa gilid ko ngayon at nakatingin sa papel ko.
Nagtataka siyang nakatingin sa'kin habang hindi naman ako makagalaw sa kinauupuan ko at nakatingin lang sa kanya. Napalunok nalang ako ng mapadpad ulit sa papel ko ang mata niya. Balak niya sana itong kunin pero agad akong tumayo at itinago sa likod ko ang papel.
"A-Anong bang ginagawa mo rito? Nakakagulat ka masyado."
"Nauna akong mag tanong. Bakit pangalan ko ang nakasulat sa papel mo? Iniisip mo 'ko, 'no?" aniya at tumayo na rin sabay lapit sa'kin.
"H'wag ka ngang lumapit sa'kin! Hindi lang naman ikaw ang Troy rito sa mundo ah? Isa pa, kung dumating man ang araw na isipin nga kita, yun yung araw na pinaplano ko nang ilibing ka ng buhay." sambit ko sabay atras.
"Talaga, Kyla?" humahakbang pa rin siya papalapit sa'kin kaya naman patuloy pa rin ako sa pag atras.
"H'wag ka nga kasing lumapit sa'kin! Umalis ka nalang! Puntahan mo si Trisha at hayaan mo ako rito!" sobrang kinakabahan na ako sa puntong nanginginig na rin ang mga tuhod ko habang umaatras.
"Paano kung ayaw ko?"
Umalingawngaw nalang sa tahimik na lugar na 'to ang sigaw ko ng biglang hinuli ni Troy ang isang braso ko at hinila ako papalapit sa kanya. Napigilan ko nalang ang sariling hininga ko habang gulat na nakatingin sa lalaking nasa harapan ko. Nasa likuran ko ngayon ang isa niya pang kamay habang ang isa ay nakahawak sa braso ko. Sa pagkakataong 'to, gusto ko nalang makain ng lupa at maglaho sa harapan niya.
Ramdam ko ang lakas ng tibok ng puso ko na para bang may balak na siyang lumabas. Napatitig nalang ako sa mga mata niyang nakatingin din sa'kin. Hindi siya nag salita kaya naman nanatili rin akong tahimik. Hindi ko alam kung bakit hanggang ngayon hindi ko siya tinutulak papalayo. Dapat tinulak ko na siya at tumakbo na ako para makalayo pero bakit hindi ko magawa? Bakit para akong pinako sa kinatatayuan ko?
"Siguro nga hindi lang ako ang Troy sa mundo. Posible din na ibang Troy ang inisiip mo habang sinusulat ang pangalan niya sa papel mo. Pero kahit gano'n, gusto kong kunin at itago ang papel na 'to, para kunwari ako yung iniisip mo sa mga oras na sinulat mo 'to."
Hindi ko na napigilan pa ang mga mata kong mapatingin sa labi niya habang nagsasalita. Wala akong naintindihan sa sinasabi niya dahil nakatitig lang ako sa labi niya. Saka lang ako natauhan nang matapos siya sa pagsasalita at ngumisi.
Agad niyang hinablot sa kamay ko ang papel kung saan nakasulat ang pangalan niya at maingat itong tinupi sabay lagay sa bulsa niya. Hindi pa rin ako nakakagalaw sa kinatatayuan ko hanggang sa kumindat nalang siya sa'kin at mas lumawak ang ngiti sa labi.
"Dahan-dahan lang sa kakatitig sa'kin, Kyla. Alam kong guwapo ako pero iba pala kapag ikaw ang nakatingin sa'kin." aniya sabay taas-baba ng kilay niya.
"H-Ha? A-Anong pinagsasasabi mo riyan? Kilabutan ka nga, Troy! Ang pangit mo!" sabay irap ko at dali-daling kinuha ang gamit ko.
"Sus, idedeny mo pa talaga. Alam kong guwapong-guwapo ka sa'kin, Kyla."
"Tumigil ka! Nakakainis."
Gustong-gusto kong kumarimpas nang takbo sa sobrang hiya at kaba. Naiinis na tuloy ako sa sarili ko! Para akong tanga kanina! Bakit ako nagkakaganito? Nalintikan ka na talaga Kyla!
BINABASA MO ANG
Ms. Mataray meets Mr. Mahangin ( BOOK 1 ) (COMPLETED)
Teen FictionMay iba't ibang klase ng tao sa mundo, isa na ro'n ang isang Mataray at isang Mahangin. Isang Mataray na buhay prinsesa at kinaiingitan ng iba. Isang Mahangin na kinahuhumalingan at laging nasasangkot sa kaguluhan. Kapag ba pinagtagpo ang dalawa, ma...