Kabanata 34

773 34 0
                                    

Kabanata 34


Annabeth's Point of View


Gusto kong hawakan ang puso ko at pigilan ito sa mabilis na pagtibok. Mabilis kaming tumatakbo patungong botanical garden, umaasang mali ang hinala namin.

Marami ring ibang estudyante ang tumatakbo patungo sa botanical garden, ang iba ay panay pa ang usapan. Nagtatanong kung sino ang bangkay na natagpuan.

Narating na namin ang botanical garden at nagpatuloy lang kami sa pagtakbo hanggang sa nakikita na namin ang kumpulan ng mga tao. May mga pulis na rin ang nakarating at nagkalat sa paligid.

"Excuse me po!" sigaw ni Andrew at nakisingit sa daan.

"Excuse me lang po," si Jason. Sumingit din kami hanggang sa nakapunta kami sa harapan.

May katawan ng tao ang ngayon ay tinatabunan na ng puting tela. Makikita rin sa isang banda malapit sa ilalim nang malaking puno ang tila parang bangin na kakahukay lang.

Iginala ko ang aking paningin at nakita ko ang babaeng umiiyak habang pinapakalma siya ng isang lalake. Umangat sa ere ang bulong-bulungan.

"Ano raw nangyari?"

"Naghuhukay lang daw ang dalawang estudyanteng 'yan nang matagpuan nila ang bangkay na nakabaon dito."

"Gano'n ba?"

"Ang sabi ng mga pulis mga dalawang araw pa raw ang pagkakabaon ng estudyanteng 'yan sa lupa."

"Eh, sino kaya 'yan?"

"Ewan, pero ayon sa narinig ko galing daw sa Alpha section ng fourth year."

"Kawawa naman, sino naman kaya ang gumawa sa kanya niyan?"

Nagkatinginan kami ni Jason at Aria dahil sa narinig. Nasa likod lang naming dalawa ang nag-uusap kaya naman rinig na rinig namin sila.

Hindi na talaga ako mapakali dahil sa kaba ko. Napatitig na lamang ako sa bangkay.

"Anna," napatingin ako sa paligid nang marinig ko ang boses na iyon sa aking tenga. Ang lalim ng kanyang boses, malamig ito.

Naging abnormal ang aking hininga habang hinahanap ang pinanggalingan ng boses na iyon. Hanggang sa nakita ko siya, nakatayo sa tabi ng butas kung saan inilibing ang kanyang bangkay.

Halos hindi ko na siya makilala dahil sa kanayang itsura. Itim na ang ilalim ng kanyang mata, may dumi ng lupa ang kanyang suot na uniporme. Gulo-gulo ang kanyang buhok. At nakatingin siya sa akin. Tinging nagagalit. Ang tingin na tila sinisisi ako.

"Anna," gulat akong napalingon kay Jason nang hawakan niya ako sa braso. "Umalis na tayo rito." Tumingin ulit ako kay Adrian ngunit wala na siya.

"S-sige."

***

Mabilis ang pagkalat ng balita, noong nakarating na kami sa classroom ay iba't-ibang usapan ng mga kaklase ko ang sumalubong sa amin.

"Guys, nabalitaan n'yo na ba? May estudyante raw ang natagpuang patay sa botanical garden." Pasisimula ni Diana. Tumigil kaming lima sa pinto at nakinig sa kanila.

"Ang creepy naman, sino raw?" tanong ni Christine. Nagkibit-balikat si Diana.

"Hindi ko alam, tsaka takot din akong malaman," nagkatinginan kami ni Aria at pumasok na rin. Kung alam lang sana nila na si Adrian ang pinag-uusapan nila.

Laro Tayo (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon