Kabanata 48
Aria’s Point of View
“Crystal, tapos ka na ba?” tanong ni Claire na halatang naiinip na. Mayamaya lang ay lumabas si Crystal mula sa pinagtataguan nito.
“Tapos na ko, sinabi ko naman kasi sa inyong huwag na kayong sumama,” medyo naiinis din na saad ni Crystal na nauna nang naglakad. Nagkatinginan lang kami ni Jetter at sumunod na lang din sa daang tinatahak ni Crystal.
Sampung minuto na kaming naglalakad pero hindi parin kami nakabalik.
“Wait guys, sigurado ba kayo sa dinadaanan natin?” napahinto si Claire sa paglalakad at inilibot ang kanyang paningin sa paligid. “Kanina pa tayo naglalakad pero hindi parin tayo nakakabalik.”
Tumindig ang balahibo ko sa batok, kanina ko pa napapansin na parang may mali talaga sa daan na tinatahak namin. Ngayong sinabi na ito ni Claire ay lalo lang akong nabahala.
“Alam kong tama ang daan na tinatahak natin, pero parang may mali,” pahiwatig ni Jetter.
“Crystal sa’n ka pupunta?” tanong ni Claire nang mapansing nagsimula na namang maglakad si Crystal.
“Babalik, wala tayong mapapala kung mag-uusap lang tayo rito,” saka siya naglakad. Sumunod na lamang kami.
Pabalik-balik lang ang tingin ko sa oras ng cellphone ko at sa daan. Minsan ay napapatingin din ako sa mga malalaking punong nadadaanan namin.
Nauna sa paglalakad si Crystal at Claire habang magkatabi naman kami ni Jetter sa paglalakad.
Dumaan pa ang ilang minuto ngunit hindi parin kami nakabalik. Hanggang sa narinig namin ang pagtili ni Claire.
Nagkatinginan kami ni Jetter at agad na tumakbo palapit sa dalawa. Nakatakip ng bibig si Claire habang dilat ang mga mata na nakatingin. Sinundan namin ang kanilang tingin at nakita ang dahilan ng pagsigaw ni Claire.
Nagkalat sa paligid ang mga krus na gawa sa kahoy, hanggang tuhod lamang namin ang laki nito. Binabalot na ito ng mga dahon. Karamihan sa mga ito ay nakatiwangwang na, na tila pinabayaan na maraming taon at kinain na ng limot.
Ngayon ay nakatayo kami sa harap ng isang sementeryo.
Dahil sa ginaw ay kitang-kita namin ang usok na gawa ng lamig na naglalakbay sa paligid ng sementeryo.
Narinig ko ang paghikbi ni Claire, napatingin ako sa kanya. Nakarehistro sa kanyang mukha ang labis na takot, nakatakip parin ang kanyang bibig ng kanyang kamay.
Napaatras siya sa takot.
“Aalis na ako sa lugar na ‘to!” mangiyak-ngiyak niyang sabi saka siya tumakbo.
“Claire!” Sigaw ko kaya ko siya sinundan. Hindi pwedeng magkahiwa-hiwalay kami! “Claire tumigil ka!” sumunod sa akin si Jetter.
Hindi pa kami gaanong nakalayo nang mapansin kong hindi sumunod sa amin si Crystal.
“Si Crystal!” sigaw ko kay Jetter saka kami napahinto. “Kailangan ko siyang balikan.”
“Sasamahan kita.”
“Hindi,” umiling ako. “Sundan mo si Claire. Magkita tayo sa sementeryo.”
“Pa’no ka?” nag-aalala ang kanyang mukha.
“Kaya ko sarili ko,” hindi parin kumbinsido si Jetter. “Sige na!” sa huli ay napapayag ko rin siya. Bago pa man siya umalis ay tinawag ko pa siya.
“Jetter,” lumingon siya at tinignan ako sa mata. “Mag-iingat ka.”
“Ikaw rin,” sabi niya at tumakbo.
BINABASA MO ANG
Laro Tayo (Completed)
HorrorHighest achievement: Rank 6 in Horror Simula ng makatanggap ako ng note, sunod-sunod na ang kababalaghan. At nalaman ko nalang na ang simpleng note na natatanggap ko ay siyang sanhi ng kamatayan. Nakatanggap ako ng note, at ito ang nakasulat: "Laro...